Entry 1.1

45 1 0
                                    


ENTRY 1.1: Myrna

Napalingon ako sa gawing pinto ng aking kwarto nang marinig ang pagbukas noon.

"Hindi ka na naman dito magbabagong taon, hindi ba?"

Namataan ko ang aking ama na nasa kaniyang wheelchair. Nalumpo ito nang maganap ang isang aksidente ilang taon na rin ang nakakalipas. Naging mahirap ang mga sumunod na araw ng mga panahong iyon. Dumaan sa isang matinding depresyon ang aking ama lalo pa nang mas pinili ng aking butihing ina na iwan kaming dalawa.

Kung sino pa yung inaasahan mong nandiyan sa tabi mo at makakatulong, sila pa yung unang tatakbo palayo. Hanggang ngayon, hindi ko rin mawari kung paano ko kinaya ang lahat.

Graduating student din ako noon at talagang mahirap dahil nagsabay-sabay lahat. Ang mga dapat kong gampanan bilang estudyante, pambayad sa mga bayarin sa eskwelahan, sa ospital, sa therapy, sa pang-araw araw na pagkain at gastusin. Kaya naman naubos din agad ang perang natanggap ng aking ama mula sa kaniyang dating trabaho.

Dati siyang guro noon. Umabot pa ng dalawang taon bago tuluyang natanggap ng aking ama ang lahat. Mula noon, tinulungan na niya ang kaniyang sarili. Nagsimula akong bunutan ng tinik sa dibdib. Tila gumaan lahat ng aking dinadala ng mga panahong iyon.

Lumapit ako at bumaba sa kaniyang lebel sapat para makita ko ng maayos ang kaniyang mukha.

Pilit akong ngumiti bago hinawakan ang kamay niya.

"Pa, alam mo naman na ngayon ako mas kailangan sa hospital. Hayaan mo. Makakabalik din ako kaagad nang hindi mo namamalayan."

Napabuntong hininga ito at pilit nalang na ngumiti sa akin. Parang kinurot ang puso ko pero wala naman akong magagawa.

"Sige na. Basta mag-iingat ka," saad niya bago hinaplos ang aking basa pang buhok.

"Nagpahanda ako ng masarap na hapunan kay Nanay Ramsen. Sabay pa rin naman po tayong kakain ng hapunan."

Para kahit papaano ay makabawi naman ako.

"Kung ganon, tara na at kumain na tayo. Iwan mo na muna 'yan diyan," turan niya, tinutukoy ang inaayos kong gamit sa loob ng aking dadalhing bag.

Nilingon ko ang mga gamit na nasa aking kama bago mabilis din na tumango. Kaunti na lang din naman ang aayusin doon.

"Sige po," nakangiting sabi ko at tinulak na ang wheelchair palabas ng aking kwarto.


"Maayos po ba ang pakiramdam niyo?"

Nakahiga na ang aking ama ngayon sa kama. Matapos lang din ang pagkain at kwentuhan sa hapunan ay oras na rin para magpahinga siya.

"Lagi akong maayos, anak ko. Sige na. Marami ka pang tutulungang tao."

Napangiti ako. "Salamat, Pa."

Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa kama ng aking ama at inayos ang pagkakatakip ng kumot sa kaniyang katawan.

"Pahinga na po kayo. Babalik din po ako kaagad kinabukasan."

Tumango na lang siya saka pinikit na ang mga mata. Isang kintil ng halik sa kaniyang noo ang ginawa ko bago ako tuluyang umalis.

Pagkababa ko ng hagdan ay namataan ko si Nanay Ramsen na abala sa paglilinis sa kusina.

"Nanay Ramsen!"

"Ay jusko po!" Napatalon pa ito sa gulat at sapo ang dibdib na humarap sa akin.

Nagmadali naman akong lumapit dito. "Ayos lang po ba kayo, Nay?"

"Ay nako! Ikaw bata ka, ginulat mo ako," nahihintakutang sabi niya na bahagya kong ikinatawa.

Thriller Dump (Compilation)Where stories live. Discover now