Chapter 33: THE ELEMENTAL WORLD

Start from the beginning
                                    

"Hinding-hindi mo matatakasan ang nakatakda sa'yo Odessa, ang pinakamamahal kong anak!!! Oo't naririto ka para sa propesiya, pero naririto ka para tupdin ang nakatadhana sa'yo at hinding-hindi mo ito matatakasan!!!" ang dumadagundong na wika ni Behemot sa kanya na nagbigay ng matinding pangamba kay Odessa. Napanganga si Randy sa narinig nito kay Behemot. Napatingin ito kay Odessa na may mga tanong ang mga mata.

"Hindi!!! Hindi iyan mangyayari dahil kailan man ay hindi ako pumanig sa kasamaan! Hindi kita ama at hindi mo ako anak! Lalabanan kita para hindi mangyayari ang sinasabi mo Behemot!" ang malakas na sigaw ni Odessa kay Behemot na mabilis na papalapit sa kanila.

Pero sa isang iglap ay nasa ibang lugar na naman sila. Lugar na kung saan hindi na nila kayang isalarawan pa ang kanilang nakikita sa kanilang mga mata. Ang kinahinatnan ng mundo, halos mag-iisang taon pagkatapos ng paglusob ng mga anak ng buwan sa mundo ng mga tao. Naroroon at nakadapa na ang lahat ng mga bansa, makapangyarihan man o mahina. Tanging mga sunog na gusali, mga nagkalat na bangkay ang makikita. Mga nabubulok na bangkay na kinakain ng mga uod at mga asong gala na nag-aagawan pa sa nabubulok na laman.

Bakit wala silang nakikitang mga tao sa paligid kahit na mataas ang sikat ng araw? Nasaan ba sila? Saang sulok ng mundo kaya sila dinala ng kanilang diwa? Bakit ang lahat ay tila wala ng buhay? Ang lahat sa paligid nila ay puro kamatayan.

Hindi nila makilala ang lugar dahil sa pagkakatupok ng apoy sa mga gusali sa paligid. Ang malawak na kalsada na napupuno ng halos natunaw na mga metal ng mga sasakyang tulad ng kotse, bus at mga motorsiklo. Sa kabilang bahagi ng kalsada ay nanggagaling ang napakasangsang na amoy mula sa mga nabubulok na amoy ng hayop at tao. Nilapitan nina Randy at Odessa ang lugar at kinilabutan sila ng matanaw ang malawak na ilog na pulang-pula ang kulay ng tubig dahil sa dugo ng mga tao. Natulala sila ng makita ang libo-libong katawan ng mga tao na kinatay na parang hayop na nakalutang sa ibabaw ng tubig. Tinatangay ang mga ito ng mahinang agos ng tubig mula sa ilog at karamihan sa mga bangkay ay mga bata at kababaihan.

Napayakap si Odessa kay Randy na nakatulala pa rin sa nakita. Iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam ng awa at pagkagalit si Odessa kahit alam niyang hindi pa ito nangyayari sa kasalukuyan. Sa pagkakataong iyon ay namalayan na lamang niya na kanina pa pala siya umiiyak. Kumawala si Odessa sa pagkakayakap kay Randy at tumingin naman ang lalake sa kanyang mga matang basang-basa ng mga luha.

Mabilis na pinunasan ni Randy ang mga luhang iyon sa mga mata ni Odessa at halinhinan nitong hinalikan ang mga mata ng kasintahan.

"Sshh...mapipigilan pa natin na mangyayari ito,  mahal ko. Marahil ito ang dahilan kung bakit pilit na ipinakikita ito sa atin ng ating diwa para bigyan tayo ng babala sa hinaharap." ang pag-aro ni Randy kay Odessa.

Pero para kay Odessa ay hindi ito ang tunay na dahilan kung bakit siya umiiyak. Paano ba niya sasabihin kay Randy ang mga nakita niyang pangitain tungkol sa kahihinatnan niya pagkatapos niyang gawin ang propesiya? Nakita niya ang lahat ng mangyayari ng ginabayan siya ni Quebaluan sa ikatlong mundo upang matulungan siyang maging handa sa gagampaning tungkulin para mailigtas ang sanlibutan laban sa kasamahan. Pero paano niya maililigtas ang sanlibutan maging ang sangkatauhan kung siya pala mismo ang wawasak nito sa hinaharap?

Naagaw ang kanilang atensiyon ng mapansin nila ang tila may kung anong dambuhalang nilalang sa ilalim ng tubig ang nagpagalaw sa ilog. Kitang-kita nila ang biglaang paglubog ng mga nabubulok na bangkay na tila may kung anong malaking nilalang ang kumakain sa mga ito.

Tulad ng kanilang inaasahan, ay isang dambuhalang nilalang ang biglang umahon sa ilog. May taas itong walong metro at may tatlong sungay sa kanyang ulo. Makakapal ang kanyang mga kalamnan sa katawan at napakabagsik ng kanyang mukha.

Binalutan ng takot ang mukha ni Odessa ng makilala kung sino ang nasa kanilang harapan.

"Be...Behemot..." ang pabulong na sambit ni Odessa.

Tila nanigas naman sa takot si Randy pagkakita sa nakakatakot na hitsura ni Behemot.

Humarap sa kanila si Behemot na parang nakikita rin sila nito. Ngumiti si Behemot at tuwang-tuwang makita sila nito.

"Pinakamamahal kong anak, pinasaya mo ako sa tanawing ito..." ang wika ni Behemot sa kanyang napakalallim na boses.

Tila naguluhan naman si Odessa sa sinabi ni Behemot kaya hindi ito makatugon sa halimaw.

"Nakikita niya tayo?" ang tanong ng takot na takot ding si Randy habang napapalunok sa takot.

Hindi iyon sinagot ni Odessa. Alam niyang nakikita sila ni Behemot. Kailangan niyang maging matapang at matatag para gampanin ang kanyang katungkulan magapi ang kasamahan, upang maipagtanggol ang lahat ng nilalang sa sanlibutan.

"Alam mong mangyayari ang araw na 'to aking Anak! Hinding hindi mo mababago ang landas ng iyong kapalaran. Tara at sabay nating pagharian ang mundo!" ang muling wika ni Behemot habang papalapit ito sa kinaroroonan nina Odessa at Randy.

"Anak? Bakit tinawag ka niyang anak mahal ko?"

Ngunit imbes na sinagot iyon ni Odessa ay ginamit nito ang kanyang kapangyarihan para muli silang makabalik sa kanilang diwa. Pero hindi iyon nangyari dahil naroroon pa rin at papalapit sa kanila si Behemot. Sa kanyang mga kamay ay may dala-dala itong tatlong bangkay at inihagis ito sa kanila.

Halos mapalundag sa pagkabigla sina Odessa at Randy pagbagsak ng tatlong bangkay malapit sa kanilang harapan. Ngunit ang lalong nagbigay sa kanila ng takot ay ng makita sa kanilang harapan ang wala ng buhay ang mga taong malalapit sa kanila.

"De...Demetria?!" ang nasambit ni Odessa pagkakita sa bangkay ng babae sa kanyang harapan. Tinakpan ni Odessa ang kanyang bibig at pinigilan ang sarili na huwag maiyak. Inilipat niya ang kanyang paningin sa ikalawang bangkay na halos mapaluhod siya sa kanyang kinatatayuan ng makita ito.

"A...ate Laurea?!" ang kanyang sigaw.

At nang makita niya ang ikatlong walang buhay na katawan ay halos panawan na siya ng ulirat. Si Randy ang ikatlong wala ng buhay na bangkay.

Naramdaman na lamang ni Odessa ang malalamig na kamay sa kanyang balikat. Tumingin siya sa mga ito at kitang-kita niya ang pamilyar na mukha ng isang kaibigan at malaking pasasalamat niya dahil ang mukhang iyon ang kanyang nakitang nakangiti sa kanya ngayon. Walang salitang namutawi sa mga labi ni Odessa at kaagad siyang yumakap kay Demetria.

"Natutuwa akong nakita kitang muli kaibigang Demetria." ang umiiyak na sabi ni Odessa sa babaeng Sangre.

Nakatingin lamang si Randy sa kanyang kasintahan na punong-puno rin ng emosyon ang kanyang puso. Nag-aalala siya kay Odessa dahil sa ipinakita sa kanya ng kanilang pangitain.

Lumapit naman sa kanila sina Alex, Mexo, Caren at ang mga batang sina Adrian at Margaux. Hindi nila personal na nakilala si Odessa pero pakiramdam nika ay malaki ang gagampanan nito sa paglaban sa mga nilalang ng dilim na pumapatay sa mga taong tulad nila.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now