KABANATA 26: ANG PAGPUPULONG

4.5K 159 1
                                    

KABANATA 26: ANG PAGPUPULONG

DAHIL sa balak ni Alangkaw, tinipon ni Wayan ang mga tibaro ng Malasimbo sa liwasan at nag-anunsiyo na kailangang paghandaan ang araw ng paglusob ni Alangkaw kasama ang kanyang pangkat na mulang Dalumdum.

            “Dahil sa minanang lakas ni Momoy sa kanyang amang si Ronado at sa ina niyang si Diyosang Liliw, at dahil na rin sa pagsasanay niya kay Ibalong Saryo, malaki ang posibilidad na matatalo natin ang Dalumdum! Kailangan nang tapusin ang kabuktutan ni Buhawan!”

            Naghiyawan ang mga tibaro sa liwasang iyon. Si  Moymoy ay nasa entablado, nakaharap, suot ang damit-pandigma. Sina Ibalong Saryo at Ibalong Pura ay nasa likuran nito, nakasuot din ng damit-pandigma.

            Sa entablado, naglakad si Wayan sa harap upang lalo pang marinig ang kanyang sasabihin. “Dahil sa sumpa ng mga Apo ng Sibol, dahil sa kagagawan ni Buhawan, kailangan natin itong gawin! Kailangang talunin natin ang kasamaan upang maibalik ang tiwala sa atin ng mga Apo! Dati-rati sa nakalipas na panahon, ang buong populasyon ng tibaro ay mas marami pa kaysa sa mga kumikislap na bituin sa kalangitan at maligayang nabubuhay sa Sibol Encantada kasama ng mga Apo! Walang taggutom at walang taglamig tayong nararanasan! Walang hirap ang pamumuhay! Lahat ay nagtutulungan at sa piling ng mga Apo na ating mga diyos, tayo ay maliligaya! Si Buhawan at ang kanyang pangkat ang dahilan kung bakit nagkaganito ang mga tibaro! Isipin ninyo ang inyong mga anak at magiging mga anak! Huwag ninyong hayaang maubos ang lahi ng mga tibaro ng Malasimbo! Kunin si Buhawan! Bawiin ang ninakaw niyang mga Ginto ng Buhay na hinhintay ng mga Apo ng Sibol!”

            Nagbunyi ang mga tibaro. Itinaas ang mga kamay—pagpapakitang nakahanda sila sa laban. Ang mga aswang ay nag-anapaya at nagyabang sa pagpapalit ng kani-kanilang anyo. Ang mga manananggal naman ay ipinakita ang husay nila sa manabay—hinati ang katawan at lumipad-lipad sa pamamagitan ng mga itim na pakpak.

            Sumenyas si Ibalong Saryo kay Ibalong Pura upang mag-anapaya. Walang kaginsa-ginsa’y pareho silang nagpalit ng anyo. Pareho silang dragon. Ganoon din si Moymoy—siya ay nagpalit ng anyo. Isa rin siyang dragon pero tatlo ang kanyang ulo. May mga Apoy pang lumabas sa kanyang tatlong bibig kaya lalong naghiyawan ang mga tibaro.

            Biglang naglitawan ang pakpak ni Moymoy at siya ay lumipad. Lumipad siya nang lumipad sa itaas ng naghihiyawang mga tibaro. Mararamdamang naroon ang husay at tapang ni Moymoy.

Pinagmamasdan ni Wayan si Moymoy at napaisip—Sana’y ikaw na nga ang pinakahihintay namin upang supilin ang kasamaan ng mga taga-Dalumdum.

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Where stories live. Discover now