11:45

6.9K 259 5
                                    

NAGMULAT ng mga mata si Diwa. Hindi niya namalayang nakatulog siya. Tama ba ang dinig niyang may babaeng humihikbi?

Dahan-dahan siyang bumangon. Wall clock agad ang hinanap ng mga mata niya.

11 : 45?

Nahimbing pala siya. Baka epekto ng marami niyang nakain sa hapunan. Gustong i-distract ni Diwa ang sarili kaya pinagdiskitahan niya ang pagkain. Nagluto siya galing sa mga pinamili—ginisang sardinas, pansit canton, nilagang itlog. Ang desert niya, tinapay pa rin na may sandamakmak na peanut butter.

Naisip ni Diwa na baka gutom lang siya kaya may ganoong epekto si Rogue. Baka lang mawala kapag nabusog siya. Hindi tamang si Rogue ang naiisip niya at hindi ang multo.

Nakatulugan pala niya ang paghihintay sa mumu. Hindi nagparamdam ang sinasabi ni Rique na multo. Nakatulog siya—at ngayon lang nagising.

Tama naman si Rique, naramdaman rin niya ang pakiramdam na parang laging may kasama. Nagkaiba lang sila sa isang bagay—sanay na siya sa ganoong pakiramdam at ito ay hindi. Balewala na sa kanya ang makaramdam na may kasama siyang hindi nakikita. Sa pagitan ng multo at ni Rogue, mas nagre-react pa ang puso niya kay Rogue. Sanay na kasi talaga siya sa pakitaan ng multo.

Inabot ni Diwa ang switch ng lampshade—ang eksena na naman nila ni Rogue ang naisip niya. Tinampal niya ang noo. May umiiyak nang multo, si Rogue pa rin ang nasa utak niya!

Iginala ni Diwa ang tingin nang may liwanag na. Saan ba galing ang tunog na iyon na may umiiyak?

Nakiramdam siya...

Kung sa kuwarto lang, sa banyo lang naman ang malapit at ang bihisan. Alin lang sa dalawa. Bumaba siya sa kama, maingat ang kilos. Salamat sa mga inabandonang bahay ng mga pulitiko sa barrio nila, sanay na si Diwa sa ganoong eksena. May kaba pa rin, oo. Pero bukod sa heartbeat niyang hindi panatag ang bilis, wala na siyang iba pang nararamdaman. Hindi na siya natatakot. Parang naging normal na lang ang ganoong engkuwentro. Napatunayan rin kasi niya na hindi naman nananakit ang mga ligaw na kaluluwa—nagpaparamdam lang at nagpapakita. Mga naghahanap pa ng katahimikan at hinahanap pa ang dapat na puntahan. Kung bakit may mga kaluluwang pumapatay sa mga drama sa radyo at lumang pelikula na napanood niya? Hindi alam ni Diwa. Ang mas malapit na sagot, dahil libro at pelikula lang ang mga iyon. Kung personal na karanasan ang paghuhugutan niya ng sagot, walang ligaw na kaluluwa ang pumapatay—wala pa siyang naging 'ka-meeting' na sinubukan siyang patayin. Ni hindi nga siya mahawakan paano siya papatayin? Ang takot lang talaga ng tao ang nagpapahamak—hindi ang ligaw na kaluluwa.

Humakbang si Diwa palapit sa bihisan, nakinig nang mabuti. Mas mahina ang pag-hikbi. Hindi galing doon ang tunog.

Sa banyo?

Nawala ang paghikbi. Natuon sa mga kurtina ang tingin ni Diwa nang gumalaw ang mga iyon. May hangin na hindi niya alam kung saan galing. Niyakap rin siya ng kakaibang lamig. Nanayo ang mga balahibo niya. Pamilyar sa kanya ang pakiramdam. May dapat nga na ikatakot si Rique.

Pagbaling uli ni Diwa sa pinto ng banyo, napanganga siya nang makitang may babae nang tahimik na nakatayo sa tapat ng pinto. Nakatutok sa kanya ang parang nakikiusap na tingin nito. Saka lang napansin ni Diwa ang kamay nito, nakaturo sa bandang paanan ng kama.

Sa mga drawer?

"Ano'ng gusto mo—"pero pagbaling niya sa babae, wala na ito. Hangin ang naramdaman ni Diwa. Wala sa loob na napahagod siya sa buhok. Walang tunog ang mga hakbang na lumapit siya sa itinuruto ng babae—tatlong drawers. Binuksan niya ang una. Maliit na bola at mga panlalaking accessories ang naroon. Sa ikalawa naman ay pocket dictionary ang at isang maliit na libro tungkol sa language translation. Ang huling drawer, naka-lock.

Ano sa mga bagay na nakita niya ang itinuturo ng multo?

Binalikan ni Diwa sa bedside table ang cell phone. Hirap siyang mag-text kaya tinawagan na lang niya si Rique. Kailangan niya ng susi para sa drawer na naka-lock. Hindi sinagot ng actor ang tawag niya. Busy siguro o nagpapanggap na busy. Multo lang naman ang pag-uusapan nila sa ganoong oras kaya sinadya malamang na hindi pansinin ang tawag niya.

Uuwi naman siguro bukas si Rique. Saka na lang nila pag-uusapan ang nangyari. Bumaba na lang si Diwa para uminom ng tubig. Tahimik na ang kuwarto nang iwan niya. Walang tunog ang mga hakbang ni Diwa pababa. Pinatay niya ang ilaw kanina sa sala bago siya umakyat pero ang ilaw sa kusina, iniwan talaga niyang nakasindi—iyon ang liwanag na umaabot sa sala.

Hindi na bumalik sa kuwarto si Diwa. Gusto niyang lumabas at sumagap ng hangin. Sarado naman ang gate kaya wala siyang dapat alalahanin. Sa sangganong si Rogue lang naman siya nanganganib kaya ngayong wala ang lalaki, walang banta ang buhay—hindi, ang puso niya yata.

Napailing si Diwa sa naisip... at napangiti mayamaya.

Lumabas siya at nagmasid-masid sa paligid. Mula sa porch ay malawak pala ang espasyo sa bakuran. Pinili niyang maupo sa garden set. Tahimik niyang inikot sa paligid ang tingin. Sa mga orchids huminto ang mga mata ng dalaga. Halatang napabayaan. Hindi na healthy. Didiligan niya ang mga orchids bukas.

Nang mapunta sa taas ang tingin ni Diwa, may nakita siyang babae sa terrace ng kuwarto ni Rique. Ang babaeng nakita niya sa pinto ng banyo. Nakamasid ito sa dilim na para bang may tinatanaw sa malayo. Napabuntong-hininga si Diwa. Hindi pa umaalis sa bahay ang kaluluwa ng babae. Nagpaparamdam ito sa mga taong umuuwi sa bahay na iyon. Kung tama siya, baka isa sa multo ang dahilan kaya ibinenta ang bahay. At si Rique naman, walang ideya na may kaluluwang hindi matahimik sa biniling bagong bahay.

Sumandal siya sa backrest ng metal na upuan at tumingala sa kalawakan. Ang tahimik ng gabi...

Wala na ang babae nang ibalik niya sa bahay ang tingin.


ROGUE (PREVIEW)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ