17th Denial: Through Trying Times

775 33 14
                                    

KAHIT paano, kalmado na si Fae. Pagkatapos niyang umalis ng bahay niya kasama si Kastle, mabilis na ang sumunod na mga nangyari. 'Yong mga paliwanag sa kanya, hindi niya gaanong naintindihan at natatandaan dala siguro ng shock niya sa nangyari.

Paglabas nila ng bahay kanina, may dalawang police patrol car na ang naro'n. Maging ang security team at homeowners' president ng subdivision nila ay nandoon. Nahuli ang dalawang magnanakaw na pumasok sa bahay niya at nagtangkang magnakaw.

Nakapagbigay na siya ng statement sa mga pulis pero mas maraming nasabi si Kastle na nakaharap ang isa sa mga magnanakaw. Wala naman kasi siyang nakita dahil nasa loob lang siya ng kuwarto niya.

"Napaka-reckless mo, Kastle," hindi mapigilang sermon ni Fae sa lalaki na natigilan sa akmang pagsimsim ng tsa nito. Ngayong kumakalma na siya, nagagawa na niyang mag-alala para sa ibang tao. Hindi gaya kanina na yakap-yakap niya lang ang takot at kaba niya. "Nagpapasalamat ako na dumating ka pero sana, hindi mo inunahan ang mga pulis sa pagpasok sa bahay ko. Pa'no kung may baril 'yong mga magnanakaw? Eh di pumoporma ka pa lang, nabaril ka na."

Nalaman niya ang ginawa ni Kastle nang marinig niya ang isang pulis na pinapagalitan ang binata dahil inunahan daw nito ang mga pulis sa pagpasok sa bahay. Nabuksan ang main door niya sa pamamagitan ng duplicate key ni Dark Knight na nakuha ni Tita Didith sa kuwarto ng kaibigan niya. Maging si Elf ay may duplicate key ng susi ng bahay niya kaya malayang nakakapasok ang dalawa kahit wala siya.

Maingat na binaba ni Kastle ang tasa sa mesa at tiningnan siya. Kalmado ang mukha nito gaya ng madalas pero nasa mga mata naman ang pag-aalala. "Hindi na ko nakapaghintay, eh. Simula no'ng natanggap ko 'yong text mo, hindi na ko mapakali. Habang tinatawag ng mga guard ang security team ng subdivision niyo at habang hinihintay namin ang mga pulis, pakiramdam ko eh ang bagal-bagal ng oras. Kaya no'ng dumating kami sa bahay mo at buksan na nila ang pinto, hindi na ko nakapagpigil."

"Kahit na," nag-aalalang reklamo pa rin ni Fae.

Iwinasiwas lang ni Kastle ang kamay. "Napatumba ko naman 'yong isa nang hindi ako nasasaktan. Let's just be thankful for that. Don't worry about me, Fae." Binigyan siya nito ng nanunuring tingin. "Ikaw? Kumusta na ang pakiramdam mo ngayon?"

Mas hinigpitan ni Fae ang pagkakahawak sa lapel ng jacket na ipinatong ni Kastle sa mga balikat niya kanina habang inaakay siya nito palabas ng bahay. Mainit na ang pakiramdam niya dahil sa kasalukuyan ay nasa kusina siya ng bahay nina Tita Didith. Pinaghanda siya at si Kastle ng ginang ng tasa ng tsa bago ito lumabas at bumalik sa bahay niya kasama si Tita Miranda. Ang dalawa ang nag-empake ng mga damit at gamit niya dahil nagdesisyon ang matatanda na kina Tita Didith muna siya tumira.

Si Tito Conrad naman ang nakikipag-usap sa mga pulis tungkol sa imbestigasyon ng kaso niya at ito rin ang naiwan sa police station para masigurong makukulong ang mga magnanakaw.

She was lucky to have her childhood friends' parents to act as her guardians.

"I feel better now," sagot ni Fae, saka siya ngumiti kay Kastle para hindi ito masyadong mag-alala. "Thank you for being here, Kastle."

"Don't mention it," maingat na sagot naman ni Kastle, nakakunot pa rin ang noo sa pag-alala. "Kahit hindi ako nagpunta rito ngayon, sigurado akong walang magbabago at maliligtas ka pa rin. Kasi no'ng dumating ako, nagkakagulo na 'yong mga guwardiya sa pagtawag ng security team. Kung hindi ko pa pinakita ang text mo sa'kin at kung hindi pa nila na-confirm na phone number mo nga 'yon, hindi siguro nila ko papapasukin." Saglit itong tumigil sa pagkukuwento para sumimsim ng tsa. "Apparently, tumawag na sa kanila 'yong parents ng mga kaibigan mo. Kaya pagdating ko sa tapat ng bahay mo, nando'n na sila. They were so worried about you, Fae. 'Yong mga tita mo, mangiyak-ngiyak sa takot para sa'yo. Narinig ko na sinabi nila sa mga pulis na natanggap din nila ang text mo kaya tumawag agad sila ng security team. Kaso hindi raw sila nag-reply sa'yo dahil natatakot sila na baka hindi mo na-silent ang phone mo. They didn't want to risk your safety so they didn't send you a reply. They looked so sorry for that."

Let's Confess TrilogyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon