"Gabi ka na naman uwi. Ikaw, mahalay babae!"

"Ong, mahal, galing siya sa school..." awat ni Mommy kay Daddy.

"Sino na naman kasama mo? Iyong apo presidente? Iyong arte babae? Ano napala mo sama kanya? Wala! Napala mo, ikaw nakidnap! Akala kidnappers ikaw apo presidente! Ikaw, damay pa sa gulo pamilya nila!"

Nakagat ko ang aking labi.

Dalawang taon na, Daddy. Bakit hindi mo pa nakakalimutan iyon? Bakit hindi mo pa pinapalaya ang sarili mo? At bakit ikinukulong mo pa rin ako sa nakaraan?

Two years ago, nakidnap ako sa labas ng high school na pinapasukan ko. Two years ago nangyari ang bagay na kahit kailan ay hinding-hindi ko na makakalimutan...

"Anak, pasensiyahan mo na ang daddy mo. Problemado lang iyon at nalulugi na ang tindahan natin ng hopia." Hinaplos ni Mommy ang pisngi ko.

"Okay lang po, Mommy..."

"Sige na, magpahinga ka na. Tabihan mo na si Aki sa kuwarto, kanina ka pa hinahanap ng kapatid mo. Alam mo namang hindi iyon nakakatulog na hindi ka katabi."

Pumasok ako sa kuwarto ko. Ang dating mala-kuwarto ng isang prinsesa ay ngayo'y isang hamak na kuwarto na lang. Isang kama at isang cabinet na lamang ang nilalaman.

Wala na ang mga magagarang gamit. Wala na ang malaking TV, DVD player, cabinet na puno ng mga encyclopedia at ilang mamahaling libro. Maging ang mga alahas ko sa cabinet ay wala na rin. Ang lahat ng yaman ng pamilya Uytengsu ay tila sumama na sa hangin.

"Totoo naman, Sabel!" Naulinigan ko ang boses ni Daddy mula sa labas ng pinto. "Iyang anak mo, malas iyan. Kaya sabi ko, dapat talaga lalaki una anak natin!"

"Ong, naman..."

"Mula panganak mo si Ingrid, lugi agad negosyo!"

Napahikbi ako.

Si Mommy ay dati lamang tindera sa shop ng daddy, pero half Chinese din ito. Nagkatuluyan sila at ako ang naging anak nila. Unang anak. At hindi nagustuhan ni Dad na naging babae ako.

Malungkot na nilingon ko ang isang taong gulang na batang lalaki sa aking kama—si Aki. Premature baby na ubod ng guwapo. Sa aming lahat dito sa bahay, siya lamang ang bukod tanging hindi singkit. Tinabihan ko siya at hinagkan sa noo.

"Hipuin mo ang puso ni Daddy natin..." bulong ko sa munting anghel.

Simula ng malugi ang negosyo naming pagawaan ng furniture ay nag-iba na si Daddy. At ngayong unti-unti na ring nalulugi ang pagawaan namin ng hopia ay mukhang malabo ng bumalik ang dating mabait at malambing na haligi ng bahay na ito.

"Ikaw ang magdadala ng swerte sa pamilya, di ba? Iahon mo na kami sa hirap, bunso... please?"

...

NAGISING ako sa maliliit na na halik sa aking pisngi.

Nandilat ang mga mata ko at agad akong bumangon. Tinabig ko ang unang bagay na nabangga ko. Kasunod niyon ay ang pagbagsak ng kung ano.

"Diyos ko, Ingrid!" tili ni Mommy.

Napakurap ako. Mayamaya ay nakarinig ako ng palahaw ng isang bata.

"Aki!" napatili na rin ako.

Si Aki pala ang humalik sa akin, at natabig ko siya! Nahulog siya sa gilid ng kama!

"Aki, shhh, baby!" binuhat siya ni Mommy at inalo habang hinihimas ang bumbunan ng isang taong gulang na bata.

"Baby, sorry!" napaalis ako sa kama. Nilapitan ko sila. "Sorry! Ikaw naman kasi, e!"

"Ano ka ba naman, Ingrid! Bat naman ganyan ka? Alam mo namang may kasama kang bata sa kama, pero hindi ka man lang nag-ingat!"

"Sorry, Mom..."

"Pasalamat ka talaga at wala rito ang daddy niyo, kung hindi ay nalintikan ka na naman!"

Napalabi ako.

Mabilis akong pumasok ng banyo na kanugnog lamang ng kuwarto ko. Pagkaligo ay nagbihis na agad ako at nagsuot muli ng scarf sa aking leeg. Nagpaalam na akong aalis at hindi na sasabay sa kanila ng almusal sa hapag.

Habang binabagtas ang daan patungo sa Dalisay High School ay pinipigilan ko ang mapalingon. Halos tigasan ko ang titig ko harapan ko. Tuwid lamang ang tingin ko.

Ayokong makaramdam na may sumusunod na naman sa akin. Na meron na namang tumitingin. Tama na. Ayoko muna. Ayoko na.

Pero hindi matahimik ang kuryosidad ko kahit ilang beses na akong ipinahamak nito. Pilit nitong tinutunton ang matangkad na lalaking ni hindi ko alam ang itsura.

Sino ka ba talaga? Saan kita makikita? Marami akong gustong itanong sa'yo...

Napailing ako sa naiisip ko. Hindi ko na pala kayang makasama siya. Ni malaman ang kanyang anyo ay kinatatakutan ko na.

Ayoko na pala siyang makita...

Ayoko na palang malaman ang dahilan kung bakit—

Patawid na ako ng kalsada ng biglang may humarang sa akin na batang nagtitinda ng mentos at sigarilyo. "Ateng Tulala!"

Nangunot ang noo ko sa bata. May inaabot siya sa aking isang piraso ng pulang rosas.

"Ate, ang ganda-ganda mo! Kunin mo ito, para 'to sa'yo."

Tinanggap ko iyon kahit naguguluhan ako.

"May nagpapabigay po sa inyo niyan, Miss."

"S-sino raw?" Bigla na lamang ang pagbundol ng kaba sa dibdib ko.

"Guwapo po. Matangos ilong, makapal ang kilay at matangkad tapos may tattoo sa braso."

Pinanlamigan ako bigla. Nang tumalikod ang bata ay napatitig ako sa maliit na note na nakatali sa tangkay ng rosas. Nanginginig ang mga daliri na kinuha ko iyon at binuklat.

My Queen,

Never forget that you belong only to me.

  -A.W.  

Para akong naubusan ng lakas. Tulala akong tumawid habang hawak-hawak ang note at ang rosas. Sumasagitsit na tunog ng preno ang nagpabalik sa huwisyo ko. Mahahagip na sana ako ng sasakyan kung hindi lang sa matitigas at mabangong bisig na humila at yumakap sa akin.

"Have no fear from now on, Ingrid." Sabi ng matigas at malamig na boses.

Gulat akong napatingala sa lalaking nagligtas sa akin mula sa muntik ng kamatayan.

"As the king always protects his queen, you will always be safe as long as I live. "

JAMILLE FUMAH

@JFstories

He Doesn't ShareTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon