Chapter 32: THE RETURN

Start from the beginning
                                    

"Akala ko hindi ko na kayo makikita. Akala ko hindi na ako muli pang makakabalik rito." ang humahagulgol na sabi ni Odessa.

"Ssshhh...ang importante ay nandito ka na. Buhay at ligtas ka. Alalang-alala ako sa'yo dati, pero nanalig ako na makakabalik ka pa sa akin muli. At kung hindi ka man makabalik ay nakahanda akong hanapin ka kahit saan mang sulok ng mundo." ang wika ni Randy habang hinahagod nito ang likuran ni Odessa.

Muli ay nagkatitigan ang dalawa at naglapat ang kanilang mga labi dala na rin ng sobrang pananabik sa pagkawalay. Pagkatapos ay mahigpit na niyakap ang isa't-isa. Dinama nila ang higpit ng kanilang mga yakap at sabay na huminga ng malalim.

"Mahal na mahal kita Odessa at ayoko na magkahiwalay pa tayong muli."

"Ako rin, mahal na mahal rin kita at hindi ko hahayaang magkahiwalay pa tayo."

Naglapat ang noo ng dalawa at saka ipinikit ang kanilang mga mata. Tila may naramdamang kakaiba ang magkasintahan ng mula sa magkadikit nilang noo ay may namuong nakakasilaw na liwanag.

Halos hindi makatingin sina Demetria, Sagaway at Alimog kina Odessa at Randy dahil sa nakakasilaw na liwanag na namuo sa kanilang magkadikit na noo. Unti-unti ay binalutan ng liwanag ang katawan ng magkasintahan at tila dinala sila nito sa ibang dimensiyon.

Dinala sila ng kanilang mga diwa sa kung saan sila parehong nagsimula. Sa lugar na kung saan ang imposible ay posible at ang kababalaghan ay ordinaryo at normal na nangyayari. Lugar ng mga kakaibang nilalang sa kakaibang mundong ginagalawan ng mga elemental at mga diyos at diyosa ng mga sinaunang mga ninuno. Ang ikatlong mundo.

Inilipad sila ng kanilang mga diwa sa tore ng isang kastilyo na parehong hindi pamilyar sa kanila. Napapaligiran ng mayayabong na mga puno ang paligid ng kastilyo at sa gawing kanluran ay mga nagtataasang kabundukan na tila pumoprotekta sa paligid ng tore.

Napakaliwanag ng sikat ng araw at halos walang hangin sa paligid. Ang kalangitan ay napakalinis at walang mga ulap na mabagal na lumilipad sa kalangitan. Mga kakaibang mga nilalang na lumilipad sa himpapawid ang tanging umaali-aligid sa pinakatuktok ng tore ng kastilyo na animo'y may mahalagang binabantayan doon.

Pag-akyat nila sa tore ay kitang-kita nila ang isang matangkad na lalake na nakalutang sa hangin. Nababalutan ito ng isang mala-tubig na bola na tila pumprotekta sa kanya. Nakapikit ang mga mata ng lalake at sa mukha nito ay mga marka ng mga nangitim na ugat ng kanyang katawan.

Kinilabutan si Odessa pagkakakita sa lalake na may taas na halos walong talampakan. Hindi siya puwedeng magkamali sa pagkakakilala niya sa lalake. Gayon din si Randy sa kanyang naging reaksiyon. Kahit ngayon lang niya ito nakita ay may bahagi sa kanyang pagkatao na kilala niya ang lalake na nakalutang sa kanilang harapan.

"A...amang Bathala?..." ang halos pabulong na wika ni Randy.

"Diyos ko... Totoo nga ang sabi ni Danum na nawawala si Bathala." ang wika naman ni Odessa kasabay ng pagbuntong-hininga. "...ipinapakita ng ating pangitain kung saan siya dinala ng mga dumukot sa kanya. Pero, nasaan nga ba ang lugar na'to? " dagdag pa niya.

"Ang aking ama, kailangan natin siyang iligtas!" ang malakas na sabi ni Randy na nagngingitngit sa galit. Mabilis na lumapit si Randy kay Bathala at kasabay na paghawak nito sa kanya, pero tila isang hangin lamang siyang lumusot sa katawan ni Bathala. Makailang-ulit na sinubukang hawakan ni Randy ang kanyang ama ngunit gaano man niyang gawin ang lahat para kay Bathala ay wala itong magawa.

"Banaual, bahagi lamang ito ng ating pangitain at wala tayo sa totoong lugar kung nasaan si Amang Bathala. Ipinapakita lang sa atin nito ang mga nangyayari at mangyayari pa para matupad ang propesiyang aking gagampanan." ang sabi ni Odessa.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now