Chapter Six: Blast From The Past

3.4K 170 11
                                    

ISANG araw matapos kong 'makalaya' mula sa mansiyon, heto ako. Nakahilata sa kama habang nakatitig sa kisame. Pero plain white lang 'yon at walang universe na nakapinta ro'n. Hindi pa ko lumalabas simula nang makauwi ako. Natulog lang ako ng natulog para makalimutan ko 'yong mga nakaka-trauma na bagay na naranasan ko no'ng isang gabi.

Pero sa totoo lang, hindi naman sa buhay na manika ako na-trauma. Mas nangibabaw ang takot ko kay Jared at sa muntik na niyang gawin sa'kin. 'Yon din ang dahilan kung bakit hindi ko magawang lumabas. Baka kasi makasalubong ko uli siya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko 'pag nagkataon.

Ngayon tuloy, hindi ko alam kung tama ang desisyon kong huwag isumbong ang ginawa sa'kin ni Jared.  Sa totoo lang, nanahimik ako hindi lang dahil sa alam kong kakampi niya ang awtoridad sa lugar na 'to. Ginawa ko 'yon kasi ayoko nang balikan ang nangyari sa'kin ng gabing 'yon. Sigurado kasing marami pang uungkatin ang mga pulis. Gaya ng kung anong ginagawa namin sa bahay na 'yon ng magkasama.

Kung sakaling 'yon ang nangyari, siguradong makakarating 'yon sa mga magulang ko. Wala rin naman kaming pera para paabutin pa sa korte ang nangyari sa'kin. Lalo na't anak ng mayor si Jared.

"Kalimutan mo na 'yon," saway ko sa sarili ko. "Huwag mong hayaang sirain ni Jared pati ang isip mo."

Nag-imagine na lang ako ng munting universe sa kisame na tinititigan ko. Hindi ko pa rin nakakalimutan 'yong mga galaxy, stars, at mga planeta na nakapinta sa kuwarto ni Levi.

Levi Mitchell Hope.

Aaminin ko na no'ng una, sobra ang takot na naramdaman ko kay Levi. Sino ba naman ang hindi matatakot sa buhay na manika? Lalo na't kinulong pa niya ko sa kuwarto niya. Pero alam kong hindi siya masama, at hindi niya intensiyong takutin ako. Desperado lang siya.

No'ng na-realize naman ni Levi na mali ang ginagawa niya sa'kin, huminto agad siya. Itinama niya ang pagkakamali niya. Pinakawalan niya ko nang hindi sinasaktan. Humingi pa siya ng tawad. Higit sa lahat, ni minsan ay hindi niya ko hinawakan o nilapitan gaya ng bilin ko sa kanya.

Alam kong gustung-gusto ni Levi na magkaro'n ng kaibigan. Pero hindi ko kayang maging gano'n sa kanya. Siyempre, kahit naman nababaitan ako sa kanya, hindi ko pa rin puwedeng ibaba ang depensa ko. Hindi ko pa rin alam eksakto kung ano siya. O kung totoo ang kuwento nila ni Beatrice na dati siyang tao. Mahirap nang magtiwala sa panahon ngayon, lalo na sa mga paranormal na bagay.

Nag-vibrate ang phone ko sa ilalim ng unan. May notification sa Facebook ko. Nag-comment na naman sina Hani at Felix sa post ko.

Hani Lee: Sunny, please stop. Huwag mo nang idamay ang pinsan ko dito, okay? Lalo ka lang mapapahiya kung sila naman ang aawayin mo. Maawa ka sa sarili mo.

Like. Reply.2 minutes ago

Felix Hernandez: princess, if all else fails, delete this post and block the bitch. mom has read this shit on her newsfeed and she's not happy about it.

Like. Reply.Just now

Tinitigan ko ang phone ko. Pero hindi sa comments nina Hani at Felix napako ang atensiyon ko. Tinitingnan ko 'yong pulang notification ng mga friend request ko.

There was a certain 'Levi Hope' asking for confirmation.

Naka-public ang profile ni Levi kaya nabisita ko ang account niya. 'Yong display picture niya, silhoutte ng isang marionette. Ang cover photo naman niya, litrato ng night sky. 2011 pa ang huli niyang post. Puro pictures ng mga painting ang laman ng timeline niya. Siya kasi ang artist no'n?

Sunod ko namang binisita ang personal information niya na naka-public. Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ko ang nakalagay na birthday niya: September 24, 1974. Thirty eight years old na siya?

SUPERNOVA (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon