"Xiara, tama na iyan. Iligpit mo na," rinig kong pahayag ni Ethel.


"Sige, ate. Para matapos na rin ang misyon ko sa babaitang 'to," tugon ni Xiara. Medyo malabo ang paningin ko ngayon dahil sa mga luha rumaragasa. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa nila ngayon.


"Ahh!" sigaw kong muli nang hatakin ni Xiara ang buhok ko. Iyon ang ginawa niyang paraan para mapatayo ako sa aking kinasadlakan.


Nang huminto kami, nakaharap na kami ngayon sa isang drum na puno ng tubig. Nanghihina na ako, hindi ko na kayang lumaban...


"I-enjoy mo ang pagsisid!" singhal ni Xiara at agad akong inilublob sa loob ng drum. Hindi ako humihinga para hindi ako makainom ng tubig.


Makalipas ang dalawang minuto, nakaramdam yata ang dalawa. Iniahon ni Xiara ang ulo ko kaya naginhawaan ang aking pakiramdam. Napasinghap kaagad ako ng hangin nang dahil do'n.


"May utak din pala ang lintek. Tingnan natin kung makaligtas ka pa rito," turan ni Xiara at inilublob niya akong muli sa tubig. Ako naman, dating gawi. Nakahawak ang kaliwang kamay ni Xiara sa aking braso kaya ramdam ko ang pagdiin ng kaniyang pagpiga.


Napasinghap akong bigla sa ilalim ng tubig nang kilitiin ako ng sinuman. Batid kong si Ethel iyon, wala nang iba. Tila ba na-blanko ang utak ko at marami akong nainom na tubig. Unti-unti ko ng nadarama ang pagkalunod. Wala akong magawa kundi ang magkakawag.


Kung oras ko na, wala na akong magagawa pa.


Ethel's POV


Makalipas ang sampung minuto, hindi na gumagalaw pa si Hannah at tila ba wala nang buhay. Upang makasiguro, inilublob pa naman siya roon ng limang minuto bago iahon.


"Patay na si Hannah, Ate Ethel. Nagtagumpay tayo," sambit ni Xiara nang iahon namin ang ulo ni Hannah. Medyo umitim ang kaniyang labi at dilat ang kaniyang mga mata. Binawasan namin nang kaunti ang tubig sa loob ng drum bago namin isinilid doon ang katawan ni Hannah.


"Masaya ako para sa iyo," tugon ko.


Ilang saglit pa, naglabas ng pulang liwanag ang katawan ni Xiara at hudyat na ito para sa pagbabago niya ng anyo. Pinalibutan na siya ng usok na kulay pula at unti-unti na siyang lumulutang sa ere.


Sa paglaon ng limang minuto, bago na ang itsura ni Xiara.


Ang kaniyang buhok na naka-apple cut at may highlights pa rin na kulay pula. Mayroon pa rin siyang contact lens at lipstick sa labi na kulay pula.


Ang kasuotan niya na pang-itaas ay sando na kulay pula pero litaw ang kaniyang pusod. Pinatungan pa ng pulang cardigan na hanggang tuhod ang haba. Ang pang-ibaba naman niyang kasuotan ay itim na leggings. Ang sapin niya naman sa paa ay tila rubber shoes na may takong.


Sa kaniyang beywang, may nakataling bag na maliit na kulay transparent. Yoyo, iyon ang kaniyang sandata. Mayroon siyang scarf na kulay itim na nakalagay sa kaniyang leeg.


Matapos ko siyang kilatisin, tumungo na kami pabalik sa rest house nila Ginny para puntahan si Ate Helga.


Pagdating namin do'n, nagtatagisan silang dalawa ni Morixette. Halatang hindi kaya ni Morixette si Ate Helga dahil puro pagdepensa ang ginagawa niya. Nakatayo naman si Ginny sa may pintuan habang pinapanood sila.


"Ate Helga, itigil mo na iyan. Umalis na tayo rito," bungad ko kaya napatigil silang dalawa sa paglalaban.


"Ethel, ngayon pa lang ako higit na nasisiyahan. Pabayaan mo na muna ako," tugon ni Ate. Sinenyasan ko naman si Xiara gamit ang aking tingin para patigilin na si Ate Helga at naintindihan naman niya ako.


"Ate Helga, tapos na ang misyon natin. Hinihintay na tayo ng ating Panginoon," pahayag ni Xiara.


"Oo na, dalawa kayo at iisa lang ako," turan niya at bigla na lang siyang naging usok at naglaho. Sumunod naman agad si Xiara.


Ibinaling ko ang atensiyon ko kay Morixette at Ginny na ngayong magkayakap, tila ba pareho silang natatakot at kinakabahan.


"Ligtas kayo ngayon pero hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw," turan ko bago ako tuluyang lumisan.


Morixette's POV


Matapos naming masaksihan ni Ate Ginny na tila mas malakas na ngayon ang tatlong maria, mas lalong kaming kinabahan. Wala kaming laban noon, paano pa kaya ngayon?


"Mukhang patay na rin sina Hannah at Grace. Nagtagumpay ang tatlong maria para lipulin tayo isa-isa," pahayag ni Ate Ginny.


Nakaupo na kami ngayon dito sa may sofa habang wala pa ring malay ang mag-anak na nakabulagta sa sahig. Hindi ako mapalagay dahil hindi ko alam kung ano ang dapat naming gawin.


"Paano na tayo nito ngayon, Ate Ginny? Sigurado ako na kapag bumalik ang tatlong maria, tayo na ang isusunod nila..." malumanay kong sambit.


"Sigurado akong magtatagumpay sina Agatha sa misyon nila. Hindi tayo dapat mabahala," pang-aalo niya sa akin.


Mayamaya, biglang nagliwanag ang loob ng bag ko. Nagkatinginan kami ni Ate Ginny dahil hawak ko ang ABaKaDa.


Isa lang ang ibig sabihin nito, ang kuwaderno...

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon