Chapter Two.1

13.1K 192 0
                                    

Kanina pang nasa corridor ng second floor ng Arts and Sciences building sina Jaiden at Ivan dahil inaabangan nila ang pagdaan ni Margaux Ilustre. Hindi pa talaga niya alam kung paano sisimulan ang ipinagagawa sa kanya ni Dra. Alegre. Subalit gahol na siya sa oras. Wala na siyang maaaring gawin kundi ang kausapin si Margaux.

Mabuti na lang at magkaklase sila ni Margaux sa isang subject dahil pagkakapareho ng ilang prerequisite ng kurso nila. Magkakaroon siya ng pagkakataong makalapit kay Margaux. Madali nang diskartehan ang paglapit sa dalaga. He could use his charm. Wala naman sigurong masama. Kailangan lang naman niyang makausap si Margaux.

"Anong plano mong gawin?" tanong sa kanya ni Ivan. Nakatuon ang siko nito sa balcony at nakatabi sa kanya.

"Eh 'di i-interview-hin ko s'ya." Sagot niya.

Umismid si Ivan. "Para ngang gano'n kadali 'yon. Ano 'yon? Basta ka lang lalapit sa kanya tapos sasabihin mong gusto mo s'yang interview-hin."

Kumamot siya sa ulo. "Ewan ko. Bahala na. 'Yong ano pala, 'yong questionaire. Dala mo ba?"

Tiningnan siya ni Ivan na animo'y nakakaloko pa sabay buklat ng binder nito. "Mabuti na lang mabilis kausap si Ma'am Alegre. Kaso lang questionaire lang talaga ang ibinigay."

Pumalatak si Jaiden. "Badtrip naman kasi si Ma'am. Ni hindi in-explain sa'kin kung anong gusto niya malaman tungkol kay Margaux na 'to."

"Oo nga 'no. Pero, P're, sa tingin mo bakit interesado si Ma'am kay Margaux Ilustre? At saka sabi n'ya, tulungan mo daw s'ya sa analysis n'ya kay Margaux." Napapaisip na sabi ni Ivan. Kunot ang noo niyang tiningnan ang kaibigan. "Para ano? Para sa'n?"

"Doktor din si Ma'am Alegre." Kumibot ang labi niya. "Baka may ginagawa lang s'yang research."

Ngunit nanatiling tila nag-iisip si Ivan. "Wala lang-Wait. Hindi kaya may kinalaman 'to do'n sa naging issue ni Margaux kay Paul?"

Kumunot ang noo niya. "Anong tungkol do'n?"

Ivan sighed. Halatang apektado ito sa ipinapagawa sa kanya ni Dra. Alegre. "Di'ba pinsan ni Ma'am Alegre si Paul."

Ang tinutukoy ni Ivan ay si Mart Paul De Asis na dating estudtante sa kanilang universidad. Matanda ng isang taon si Paul sa kanila ni Ivan at nakasama nila ang naturang binata sa football team. Sikat si Paul. Dahil ito ang star player ng team nila at captain ball pa. Anak din ito ng bise-presidente ng Pilipinas kaya tila isang open book ang buhay nito. Marami naging girlfriend si Paul. At kabilang na doon si Margaux Ilustre.

Marami ang nag-react nang hindi maganda nang kumalat ang balita tungkol sa relasyon ng dalawa. Lahat yata ay hindi makapaniwala at hindi matanggap, lalo na ang mga kababaihan, na girlfriend na ni Paul si Margaux. Dahil mahirap lang daw si Margaux. Kaya hindi raw bagay ang mga ito.

Ngunit naging malaking palaisipan sa lahat ang biglaang pag-alis ni Paul sa eskwelahan kasabay din ng pagkawala ni Margaux. Nabalitaan na lang nila na nag-migrate na si Paul sa Amerika at si Margaux naman ay bumalik matapos ang isang semeter na pagtigil. Second year sila noon ni Ivan samantalang third noon si Paul.

Walang nakakaalam ng totoong nangyari kina Paul at Margaux. Ang tangi lamang nilang alam ay ang bali-balitang nagtangkang magpakamatay si Margaux dahil sa iniwan ito ni Paul at tumira na nga ang binata ibang bansa. Hindi raw matanggap ni Margaux ang desisyon ni Paul kaya na-drepress ito. Nabalita pa na nalulong pa si Margaux sa ipinagbawal ng gamot. Lahat ng iyon ay walang patunay kung totoo nga. Lahat ay tsismis lang na nakakarating lamang din sa kanila dahil nga napag-uusapan sa loob eskwelahan.

"Wala na tayong pakialam kung anong plano ni Ma'am. Ang mahalaga, ma-interview ko si Margaux at nang matapos na ang problema ko. Ilang buwan na lang uuwi na si Kuya. Ayokong malaman n'ya na palpak ako dito. Baka isama n'ya ako sa New York." Sabi niya habang ini-scan ang questionaire ni Ivan.

"Ikaw talaga. Ayaw mo ba no'n? New York 'yon, P're. Baka maging supermodel ka na rin gaya ng kuya mo." sabi naman ni Ivan.

Umismid siya. "Ayoko. Mas gusto ko dito."

"Bahala ka. Sabihin mo na lang sa kuya mo ako na lang isama n'ya." Pagbibiro naman ni Ivan.

He laughed lightly. "Bakit? Gusto mo na ring mag-model?"

"Malay mo. Swertehin ako do'n." sagot naman ni Ivan. "Uy! Si Margaux."

Mabilis na ipinihit ni Jaiden ang sarili upang tingnan ang biglang pagturo ni Ivan. Gumala ang tingin niya at nakita si Margaux sa harap ng building at may kausap na mga lalaki. Masayang nagtatawanan ang mga ito.

She was the usual Margaux. Nakasuot ito ng high waist skinny jeans at hanging blouse. Naka-hidden wedge shoes na sa palagay niya ay Sketchers. Nakikita kasi niya iyon madalas suot ng mga katrabaho niyang female models.

"Hindi pa ba aakyat 'yan? Malapit nang mag-start ang klase ah." Saad ni Ivan.

Hindi siya tumugon. Pinagmamasdan lamang niya si Margaux na masayang nakikipagkwentuhan. Hanggang sa mapatuwid siya ng tayo nang makitang naglabas ng lighter si Margaux at sindihan ang sigarilyong nasa bibig ng kausap nito.

"Nakita mo 'yon? Bawal 'yan ah." Narinig niyang sabi ni Ivan tukoy ang paninigarilyo. Ngunit ang mas nakakuha ng atensyon niya ay ang pagsisindi ni Margaux ng sigarilyo. Ibig sabihin ba noon ay naninigarilyo din si Margaux? Napailing na lang si Jaiden.

"May pagka-emo daw 'yan si Margaux. Hindi daw basta nakikipag-usap 'yan. Lalo na sa mga babae. Pansinin mo. Puro male students ang laging kasama." Sabi ni Ivan.

He smiled. "Eh 'di maganda. Mas madali para sa'ting lapitan s'ya."

Narinig niya ang nakakalokong tawa ni Ivan. Napalingon siya dito. "Kulang pala ang sinabi ko. Male wrong brought up students pala. Madalas kasama n'ya 'yong mga walang balak mag-graduate. 'Yong baon lang ang habol kaya pumapasok. Nakita mo naman. May lights pa sa bag. Ibig sabihin nagyoyosi 'yan."

"Ang dami mong alam tungkol kay Margaux ah. Are you stalking her?" namamangha niyang sabi.

"Hindi 'no. Kalat na talaga 'yan. Hindi mo ba alam? Nakita 'yan sa girls' CR na natutulog. 'Yon pala lasing. Bagay nga sa kanya ang histura n'ya eh. Parang mga hollywod actress lang na nagpapansin. Alam mo na. 'Yong rebellious acts na ganyan." Paliwanag ni Ivan.

"Talaga?" sabi niya sabay titig kay Ivan. "I think I figured it out. Sa tingin ko tinutulungan ni Dra. Alegre si Margux."

"Mukha namang ayaw mapatulong eh." Ani Ivan.

Hindi na siya nagsalita pagkasabi ni Ivan niyon. Hindi naman nila sigurado kung totoo nga ang balitang kumakalat tungkol kay Margaux. Wala rin naman siyang pakialam. Kilangan lang niya ang dalaga para sa project niya. Para maayos niya ang grade niya. Ano naman ngayon sa kanya kung tila sinisira man ni Margaux ang sariling buhay? Hindi naman siguro siya maaapektuhn.

"Goodluck na lang sa'yo, P're. Mukhang mahihirapan ka sa isang 'yan." Ani Ivan sabay tapik sa balikat niya. "Tara. And'yan na si sir Perello."

Napalingon siya upang siguruhing tama si Ivan at nakita niyang papalapit na ang professor nila. Kumilos na sila papasok ngunit bago siya tuluyang pumasok ay sinilip pa niya si Margaux at nakita niyang tumakbo ito marahil nakita na rin ang professor.

SHE KNOWS LOVE (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon