Chapter 28: DRAGON PHOENIX

Start from the beginning
                                    

Ramdam na ramdam niya ang mga paglagutok ng kulay pulang apoy na bumabalot sa kanyang katawan. Kitang-kita niya ang buong paligid ng isla ng Dalangan at ang malawak nitong kagubatan lalong-lalo na ang dambuhalang puno ni Quebaluan na nakalutang sa gitna ng napakalalim na bangin.

Sa kabilang bahagi ng bangin ay halos maluha sina Danum at Sakaya sa kanilang nakikita. Hindi sila makapaniwala na nakokontrol na ni Odessa ang Baguisan. Hindi maalis sa kanilang paningin ang napakaganda at malayang lumilipad na dambuhalang ibong ni sa kanilang panaginip ay hindi nila inaasahang masaksihan.

Paglapit sa kanila ng Baguisan ay mabilis na nagbago ang anyo nito bilang si Odessa. Dahan-dahan ay ibinaba siya ng hangin papalapit kina Sakaya at Danum at tuluyan ng sumaid ang mga paa nito sa lupa.

"Odessa!!!" ang sabay na wika ng dalawa na patakbong sumalubong sa kanya.

Nagbigay pugay si Odessa kay Danum at dahil rin sa tuwa ay napayakap ito sa kanya at kay Sakaya.

"Lubos ang tuwa na aming nadarama sa iyong matagumpay na pagbabalik mahal na Odessa." ang masayang wika ni Danum sa kanya.

Kumawala sa pagkakayakap si Odessa kay Sakaya at saka nagpasalamat kay Danum.

"Natutuwa rin akong makabalik na rito at makapiling muli ang mga tumulong sa akin na malinang ang taglay kong kapangyarihan para maihanda ang aking sarili sa nakaatang na responsibilidad na aking gagampanan sa hinaharap." ang seryosong wika ni Odessa at tumingin siya sa dalawang kasama.

"Ginagawa lang namin ang aming mga tungkulin Odessa para mailigtas ang sanlibutan sa kamay ng mga masasamang elemento." ang sabi ni Sakaya habang hawak pa rin nito ang dalawang kamay ni Odessa.

"Papaanong..." natigilan si Odessa at marahang pinag-isipan muna niya ang kanyang sasabihin sa dalawang kasama tungkol sa kanyang nakita sa kanyang hinaharap.

"...Odessa, tila may bumabagabag sa'yo?" ang biglang tanong ni Danum sa kanya ng makita ang pagkabahala ng dalaga.

Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ni Odessa at iniisip kung  dapat ba niyang ibahagi kina Sakaya at Danum ang kanyang nasaksihan sa hinaharap.

"...paano kung hindi pala ako ang magpapalaya sa sanlibutan? Paano kung ako ang magiging dahilan ng pagkawasak nito at pagkalilpol ng lahat ng mga nilalang sa ating mundo?" ang tanong nito sa dalawa.

"A...anong ibig mong sabihin Odessa?" ang naguguluhang tanong ni Sakaya sa kanya.

Yumuko si Odessa at tila naghahanap ng mga tamang salita kung paano niya sasabihin sa mga kasama ang kanyang mga nasaksihan habang pinapanood niya ang hinaharap. Pero tila may kung anong bumara sa kanyang lalamunan para hindi niya masabi sa kanila ang kanyang mga nakita sa propesiya. "Wa...wala naman. Medyo hindi lang ako makapaniwala sa mga nakita kong gagampanan sa propesiya. "

"Tunay ngang mabigat ang iyong magiging pasanin para maisakatuparan ang propesiya mahal na Odessa, pero ang masisiguro lamang namin sa'yo ni Sakaya ay lagi kaming nasa likod mo sa pagsasakatuparan ng propesiya. Kapag sa tingin mo ay kailangan mo ang tulong, pumunta ka lang sa kahit na anong bahagi ng tubig at doon ay makakausap mo ako para hingin ang tulong ko." ang wika ni Danum.

"Ako rin Odessa, nakahandang tumulong sa'yo basta't kailangan mo ang tulong ko. Kaya kong linlangin ang isipan ng kahit na sino mang nilalang." ang alok naman ni Sakaya sa kanya.

"Maraming salamat sa inyo. Kahit na sa maikling panahon na nakilala ko kayo ay itinuring na ninyo akong tulad sa isang matalik na kaibigan." ang halos maluha sa kagalakan na si Odessa.

"Obligasyon namin ang tulungan ka Odessa. Kahit hindi mo man hingin sa amin 'yon ay tutulong at tutulong pa rin kami ni Sakaya sa'yo. Hindi sa pakikipagkaibigan lamang nasusukat ang lahat lalo na't sa pagtutulungan at pagdadamayan Odessa, lahat ay may kanya-kanyang katungkulan na dapat gawin para sa ikabubuti ng lahat ng nilalang dito sa sanlibutan. Bilang kapatid ni Bathala, responsibilidad kong iligtas ang aking kapatid sa kamay ng mga dumukot sa kanya. Pero tulad mo kahit ikaw ang babae sa propesiya, hindi ko rin kayang iligtas ang aking kapatid kung wala ang tulong mo, ni Sakaya at ng iba pang nilalang na puwedeng tumulong pa. Lahat ay may parte sa nangyayaring problemang kinasasangkutan ng ilan sa mga anak ni Bathala." ang wika ni Danum habang nagsimula na silang tunguhin ang bahay ni Sakaya para makapagpahinga muna si Odessa.

Pero tumanggi si Odessa na mamalagi muna sa bahay ni Sakaya. Alam niyang sa kanyang pagkawala ay masyado ng nag-aalala ang kanyang mga kaibigan lalo na ang pinakamamahal niyang si Randy. Gusto niyang makasama ang mga ito para magpatulong sa kanyang misyon na mailigtas si Bathala at ang kanyang ate Laurea kay Anilaokan. Pero saan niya hahanapin ang pinuno ng mga diyos at ang kanyang kapatid? Hindi siya sanay sa lugar na'to at wala siyang kaalam-alam sa mga puwedeng pagtaguan kanila.

Makailang ulit na pinilit siya ni Sakaya para mamalagi muna sa kanyang dampa, ngunit desidido na si Odessa na makabalik na sa mundo ng mga tao para makapiling na ang kanyang mga kasamahan.

Bago maghatinggabi ay nagpaalam na si Odessa kina Sakaya at Danum. Pero bago siya lumikha ng Pilunlualan ay personal na hiningi sa dalawa ang kanilang tulong para maisagawa pagliligtas kay Bathala sa kanyang pagbabalik. Isasama niya sina Randy, Demetria, Sagaway at ang Malakat na si Alimog. Alam niyang mas mapapagaan ang kanyang reaponsibilidad na tuparin ang propesiya kapag kasama niya ang kanyang grupo.

Pilit niyang iwinawaksi sa kanyang isipan ang tungkol sa mga sinabi ng nagpakilalang tunay niyang ama na si Behemot. Hinding-hindi niya matatanggap na maging ama ang diyos ng kasamaan. Hahanapin niya ang kanyang ina na si Reyna Baguinua. Hahanapin niya ito kahit sa kasulok-sulukan ng sanlibutan. Nagpahiwatig si Behemot sa kanya na buhay ang diwatang ina na hindi pa niya nakikita mula ng magkamalay siya sa mundo ng mga tao.

Sa huling pagkakataon ay niyakap ni Odessa si Sakaya, pagkatapos ay kay Danum at saka ito nagpasalamat dahil kung hindi dahil sa kanla ay hindi niya madidiskubre na isang Baguisan ang kanyang kapangyarihan. Kung hindi dahil kay Danum ay hindi rin niya mapupuntahan ang kagubatan ng isla Dalangan na kung saan pumasa siya sa mga pagsubok ni Sakaya at makarating sa dambuhalang puno ni Quebaluan.

Pero babalik siya. Babalikan niya ang lugar na 'to hindi lang para sa propesiya kundi pati na rin sa paghahanap sa kanyang Ate Laurea at sa kanyang ina na si Reyna Baguinua.

Sa harapan ng isang matandang puno ay kumumpas ng makatatlong ulit si Odessa. Mula sa pinakagitnang bahagi ng katawan ng puno ay yumuko ito papunta sa likuran at nagsimulang lumagutok ang katawan nito kasabay ng pagbukas ng Pilunlualan papunta sa kinagisnan niyang mundo.

------------------
"Si...sino ka?!" ang halos mapasigaw na tanong ni Blake sa babaeng nasa kanyang harapan.

Tanging matamis na ngiti ang naging tugon ng babae na lumalakad papalapit sa kanya.

Tumayo si Blake sa kinauupuan nito at kaba ang namayani sa kanyang nararamdaman ng mga sandaling iyon. "Sino ka sabi eh?! " ang muli niyang tanong sa babae na tila may pagbabanta ang tono ng kanyang boses.

Patuloy sa paglapit sa kanya ang magandang babae at tila hindi nito naririnig ang tanong ni Blake sa kanya. Nanatili lamang ang mga mata ng babae kay Blake at naroon pa rin ang mga ngiti sa kanyang mapupulang labi.

Sinubukan namang gamitin ni Blake ang kanyang kapangyarihan ngunit tulad ng dati ay bigo siyang magamit ito ng maayos.

"Huwag kang lalapit..." ang pakiusap ng natatakot na si Blake.

Pero patuloy pa rin sa paglapit ang babae sa kanya. Hindi gaanong katangkaran ito at puti ang kulay ng kanyang makinis na balat. Maitim ang mahaba at kulot na buhok na lalong nagpapatingkad sa maamo at napakaganda nitong mukha. Pero ang lalong nagbigay pansin kay Blake ay ang patulis na bahaging dulo sa itaas ng tenga ng babae. Kulay bughaw na yari sa seda ang mahabang damit nito na napapalamutihan ng mga naggagandahang mga bulaklak, perlas at sari-saring kulay na mga mamahaling bato.

"Huwag kang matakot sa akin dahil isa akong kaibigan Blake na mula sa mundo ng mga tao." ang sabi nga babae kay Blake.

"Sino ka?! Hindi kita kilala. Huwag kang lalapit sabi eh! " ang halos mamaos na sa kakasigaw na si Blake.

"Walang dahilan ang iyong pagkatakot Blake dahil ako ay ipinadala sa'yo para ikaw ay protektahan. Ako si Mariang Makiling ang diwata ng kagubatang ito. Inatasan akong gumabay sa'yo para makilala ang iyong tunay na magulang." ang wika ni Mariang Makiling sa takot na takot na si Blake.

Gusto sana niyang tumakbo papalabas ng kubo ngunit tila napako ang kanyang mga paa sa sahig na yari sa kawayan.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now