Prologue

149 6 0
                                    


Walang lingon-likod na patakbong nilisan niya ang pinangyarihang lugar. Kabisado niya ang masukal at matalahib na paligid kaya hindi siya nahihirapan sa kabila ng kadiliman.

Tinungo niya ang pagtataguan. Pinagkasya sa makipot na daan ang katawan na noon pa man ay nadiskubre niya nang mapadpad sa bahaging iyon nang kagubatan. Nang tuluyang makalusot sa kabilang dulo ay hinihingal na inilapag niya ang mga dala.

Kasabay ng unti-unting paghupa ng kanyang hininga ay ang tanging patak lamang ng tubig-ilog na nagmumula sa itaas na bahagi ng kwebang kinaroroonan niya ang maririnig. At maya-maya lang ay naramdaman niya ang mainit na likidong namalibis sa kanyang pisngi.

Hinayaan niya ang sarili sa ganoong ayos bago binalingan ang nasa tabi. Iniangat niya ang kamay at hinawi ang nakasabog na buhok nang batang mahimbing pa ring natutulog sa kabila ng putok ng baril na umalingawngaw kanina nang lusubin sila ng mga pulis.

Napangiti siya. Sa ilang buwang pagpla-plano at pagmamasid sa pakay ay hindi miminsang namintis ang bata na pangitiin siya. Maliban sa napakaganda nito ay naaaliw siya sa maamo nitong mukha na ikinadalawang-isip niya nang paulit-ulit ang masamang balak.

Subalit heto ito at nasa kanyang tabi. Parang anghel at walang muwang sa nagaganap sa paligid.

Inabot niya ang itim na bag at binuksan. Tumambad sa kanya ang limpak-limpak na salaping pantubos sana sa batang kinidnap at itinakbo niya.

Masaya sanang magdiwang kung kasama niya rin ang asawa. Ngunit nadale ito at ang huli niyang nasilayan ay ang duguan nitong katawan na natamaan ng mga bala. Nalulungkot man ay isa iyon sa mga dapat asahan. Na buhay ang maaaring kapalit sa ginawa nilang kasamaan, alang-alang sa perang hindi niya masisilayan ngayon kahit kumayod pa siya habang-buhay.

"Ernesto, ito na ang pinakahihintay nating sandali," aniya, kausap ang sarili habang nasa isip ang nakangiting esposo. "Alam ko, mas gugustuhin mong maging masaya ako sa kabila nang katotohanang mag-isa na lang ako."

Gumalaw ang bata sa kanyang tabi at muling sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Hinaplos niya ang makinis nitong pisngi.

"Mali pala. Nag-iwan ka pala nang isang biyaya. Isang napakagandang biyaya. Sisiguraduhin kong aalagaan ko siya hanggang sa bawian ako ng buhay." Binuhat niya ang bata at niyakap. "Simula ngayon, ako na ang iyong ina. Ako na ang kalalakihan mong magulang at kalilimutan natin ang lahat ng nangyari. Magsisimula tayo sa umpisa gamit ang perang buhay ng papa mo ang itinaya."

Back to BracksWhere stories live. Discover now