Chapter 26: BEHEMOT

Comincia dall'inizio
                                    

Pagkarinig ni Odessa sa tugon ng kanyang ama ay tila isang napakalakas na bomba ang biglang sumabog sa harapan ni Behemot. Mga matatalim na pira-pirasong yelo na may halos pitong pulgada ang sabay-sabay na umatake sa diyos ng kasamaan. Pero sa isang kumpas lang ng kamay nito ay kaagad na natunaw ang mga ito at nalaglag sa nagbabagang lupa.

Walang inaksayang panahon si Odessa at ginamit niya ang kapangyarihang apoy. Nakapagpalit kaagad siya ng anyo bilang isang ibong Phoenix at sa mga sandaling iyon ay bughaw na apoy ang kanyang pinakawalan kay Behemot. Ang pinakamainit na apoy na tutunaw sa kahit na pinakamatigas na metal. Pero madaling iniwasan lamang ito ni Behemot dahil sa napakabilis na mga kilos nito.

Isang kumpas sa dalawang kamay ni Behemot ang kanyang ginawa at isang napakalakas  puwersa ng hangin ang nagkulong kay Odessa para hindi nito magamit ang kapangyarihan ng isang Phoenix.

Biglang nakaramdam ng panghihina si Odessa dahil sa labis na paggamit ng kanyang kapangyarihan. Halos hindi na siya makatayo sa kanyang kinatatayuan habang nakapalibot sa kanya ang puwersa ng hangin. Kailangan na niyang makalabas sa Pilunlualan na kanyang nilikha habang hindi pa nakakalapit si Behemot. Pero sa kanyang kondisyon ay wala na siyang lakas para makagawa ng lagusan.

Pakiramdam niya ay unti-unti na siyang mawawalan ng malay. Tumingin siya sa nakapalibot na hangin sa kanya. Sa tingin niya ay tila nasa loob siya ng ipu-ipo at hindi siya makalabas dito.

Nararamdaman na niya ang paglapit ni Behemot. Ramdam niya ang mga mabibigat na yabag nito. Kailangan na niyang makatakas,  ngunit paano? Kitang-kita na niya ang hubog ng katawan ng may sampung-talampakan na diyos ng kasamaan at wala pa siyang nagagawang paraan para tumakas.

Mula sa kanyang harapan ay nasilaw si Odessa sa biglang paglitaw ng isang batang lalake. Bigla siyang niyakap nito at kasabay ng pagkahawak sa kanya ng bata ay biglang nakaramdam ng paggaan ng kanyang katawan at tila pagkahulog nito sa napakalalim at walang katapusang lagusan.

Hinawi ni Behemot ang hangin sa kanyang harapan, ngunit laking pagkadismaya niya ng wala na si Odessa sa kanyang harapan.

"Hindehhh!!!" ang galit na galit na sigaw nito.

-----------------------
Biglang sumulpot si Odessa sa harapan ng puno ni Quebaluan na halos wala ng malay. Kaagad namang nilapitan siya ni Quebaluan at tinulungan si Odessa. Kumuha siya ng maliit na kulay berdeng prutas mula sa mga sanga sa kanyang ulo at pinakain iyon may Odessa. Kaagad namang kinain iyon ni Odessa at mabilis na nanumbalik ang lakas nito.

"Salamat sa Diyos at nakabalik ka na Odessa. Ano bang nangyari?" ang nag-aalalang tanong ni Quebaluan.

"Yung bata...nasaan yung bata? " ang may kahinaang boses na tanong ni Odessa na medyo nanghihina pa rin.

"Bata? Si...sinong bata?" ang nagtatakang tanong ni Quebaluan.

"Yung batang tumulong sa akin para makabalik dito. Iniligtas niya ang buhay ko." ang tugon ni Odessa.

"Wala akong nakitang bata na kasama mong bumalik dito. Ano ba ang nangyari sa'yo sa loob ng Pilunlualan?" ang muling tanong ni Quebaluan.

Pero pinili na lamang ni Odessa na huwag munang sagutin ang tanong ni Quebaluan. Hindi niya alam kung mapagkakatiwalaan ba niya talaga ang matandang engkanto na itinuturing na diyos ng mga puno at kaalaman. Paano nakapasok si Behemot sa lagusang iyon? May kinalaman ba si Quebaluan dito? Sino ang batang nagligtas sa kanya at nasaan siya ngayon? Ilan lang yan sa mga katanungang kailangan niyang malaman.

"Gusto ko na po munang magpahinga kung inyo pong mamarapatin mahal na Quebaluan. Marahil ay sanhi lamang ng paggamit ko ng labis na kapangyarihan sa paggawa ng Pilunlualan kaya akala ko may kasama akong batang lalaki ng bumalik ako rito gamit ang lagusan." ang wika ni Odessa kay Quebaluan na kapansin-pansin pa rin ang pag-aalala nito sa kanya.

Tumango si Quebaluan sa sinabi nito sa kanya at tahimik na inalalayan si Odessa para pumasok sa puno ni Quebaluan at doon muna magpapahinga hanggang sa tuluyang bumalik ang lakas nito. Pero naglalaro pa rin sa isipan niya na may itinatago sa kanya si Odessa tungkol sa kanyang mga nakita sa loob ng Pilunlualan kung saan mismo nakita ni Odessa ang propesiya at hinaharap.  Ano man ang nakita ni Odessa at ang biglaang panghihina nito ay kailangan niyang alamin ano man ang puwedeng mangyari. Gagawin niya ang nararapat para malaman ang mga itinatago ni Odessa sa kanya.

-----------------------

Gumising si Blake mula sa isang malambot na higaang yari sa iba't-ibang klase ng tuyong dahon ng mga punong naroroon. Napakamot siya sa kanyang ulo ng mapansing hindi ito ang lugar kung saan siya natulog. Pinagmasdan ang kabuuan ng lugar at napagtanto niyang nasa loob siya ng isang bahay. Kaagad ay tumayo siya sa kanyang kinahihigan at nakita niyang nag-iba ang suot niyang damit. Luminis ang kanyang katawan at nawala ang napakakapal na dumi sa kanyang talampakan.

Nasaan ba siya at bakit siya naririto? Sino ang nagdala sa kanya sa lugar na ito at kaninong bahay ito?  Nabalutan ng pangamba ang kanyang puso habang wala pang kasagutan ang mga tanong na iyon.

Muli ay iginala niya ang kanyang mga mata sa kabuuan ng paligid. Sa pakiramdam niya ay may kakaiba sa bahay na kinaroroonan niya.

Napahawak siya sa kanyang sikmura ng maramdaman niyang nagugutom na siya. Hindi pa pala siya nakakakain simula ng makarating siya sa lugar na iyon.

Dumako ang kanyang mga mata sa isang mesa na may nakahapag na pagkain. Biglang naglaway ang kanyang bibig ng makita ang napakaraming pagkaing nasa ibabaw ng mesa. Kaagad ay tinungo niya ang mesa at buong gahaman niyang nilantakan ang inihaw na manok.

"Kung sino man po ang may-ari ng bahay, pasensya na, gutom na gutom lang po talaga." ang wika ni Blake kahit punong-puno ng pagkain ang bibig.

Sarap na sarap siya sa kanyang kinakain. Noon lamang siya nakatikim ng ganoong kasarap na bagkain sa buong buhay niya. Napatigil siya ng maalala niya ang panaginip niya kagabi. Pakiramdam niya ay tila totoong nangyari ang kanyang panaginip. Isang babae ang pilit inaatake ng isang dambuhalang nilalang at ikinulong ito sa loob ng isang buhawi. Naroroon si Blake pero hindi siya nakikita ng mga ito. May pinag-uusapan ang babae at ng halimaw ngunit hindi rin niya marinig ang pinag-uusapan ng mga ito. Malakas ang kapangyarihan ng babae sa kanyang panaginip ngunit higit na mas malakas ang sa halimaw. Sa tingin nga ni Blake ay parang nanonood siya ng labanan ng mga sikat na character ng mga Animé sa telebisyon.

Pero ang hindi niya maintindihan ay kung bakit hindi niya napigilan angbsarili niyang iligtas ang babae sa kanyang panaginip. Hindi man lang niya ito nakilala dahil bigla siyang nagising dito sa lugar na 'to.

Siguro ay panagilip lamang ang lahat at wala itong kahulugan. Kaya dadaanin na lang niya sa pagkain ang kanyang gutom kaysa sa kakaisip niya sa kanyang napanaginipan.

Halos mapatalon sa kinauupuan ni Blake ng isang babae ang Bigla na lamang niyang nakitang nakatayo sa kanyang harapan at nakangiti ito sa kanya.

"Sige,  kain lang ng kain. Sa'yo lahat ng iyan." ang nakangiting wika nito kay Blake.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora