Chapter 26: BEHEMOT

Start from the beginning
                                    

Hindi siya makaalis sa kanyang kinaroroonan. Damang-dama niya ang kapangyarihan ng kasamaan. Kitang-kita niya ang pag-abot ng kamay ng dambuhalang si Behemot, nakangiti at nanlilisik ang tila nag-aapoy na mga mata.

"Halika, Odessa, Pinakamamahal kong anak. Pagsaluhan natin ang tamis ng iyong tagumpay at magkasama nating pamunuan ang sanlibutan." ang dumadagundong na boses ni Behemot habang tinutupok ng apoy ang kanyang kinatatayuan.

"Hi...hindi. Ayoko! " ang pagtanggi ni Odessa habang pilit na nilalabanan ang kanyang sarili na huwag makalapit sa diyos ng kasamaan.

"Ito ang iyong mundo mahal kong anak, at dito ka nararapat upang pagsaluhan ang tamis ng iyong tagumpay! " ang tugon ni Behemot kasunod ang malulutong na halakhak.

"Huwag mo akong tawaging anak dahil hindi ikaw ang aking ama, hindi!!! " ang galit na galit na sigaw ni Odessa kay Behemot na mayroong sampung talampakan ang taas.

"Hindi mo na mababago pa ang mga mangyayari dahil matagal ng itinakda ang lahat para maganap ang lahat ng iyong nasaksihan ngayon, pinakamamahal kong anak. Hindi mo na mababago pa ang naghihintay na kapalaran sa 'yo. Hindi ka anak ng isang mortal Odessa, gaya ng nakita mo sa iyong alaala. Nilinlang ko ang iyong ina, ang diwatang si Bagauisan. Nagpanggap ako na si Khalil, ang mangmang na mortal na si Khalil na walang kaalam-alam sa mga pangyayari. At ang iyong ina, ang pinakamakapangyarihang diwata sa ikatlong mundo nabulag ng kanyang pagmamahal sa mortal na si Khalil, kaya nangyari ang dapat na nangyari. Pag-ibig ang naging kahinaan ng iyong ina kaya madali ko siyang nalinlang. Nakipagniig ako sa kanya na walang kaalam-alam na hindi ako si Khalil. At nangyari ang dapat na nangyari ayon sa aking plano, at ikaw Odessa ang naging bunga ng planong iyon! Ang pinakamamahal kong anak!" ang paglalahad ni Behemot sa hindi makapaniwalang si Odessa.

"Hinde,  hindi totoo yan! Isa rin ito sa iyong panlilinlang Behemot! Hinding-hindi iyan puwedeng mangyari at puro kasinungalingan ang lahat ng nanggagaling sa iyong bibig! " ang halos magwala sa galit na si Odessa. Pakirdam niya ay sasabog siya. Ayaw niyang maniwal at hinding-hindi niya paniniwalaan ang demonyong si Behemot.

"Dapat ay ika'y magdiwang mahal kong anak dahil isa kang kalahating diwata at diyos, at pinagkalooban ka pa ng dugo mula sa mga anak ng buwan. Wala pang nilalang sa sanlibutan ang pinagkalooban ng ganyang kapangyarihan. Kaya maraming dahilan para ipagdiwang natin ang simula ng ating tagumpay!"

Lalong nagpumiglas si Odessa sa mga sinasabi ni Behemot. Hindi pa rin siya naniniwala sa mga sinasabi nito sa kanya. Alam niyang nililinlang lamang siya nito. Sinubukang gamitin ni Odessa ang kapangyarihan niya para atakihin ang diyos ng kasamaan, pero kontrolado siya nito at hindi niya maigalaw ang kanyang mga kamay.

"Kung ako sa'yo ay huwag mo ng gawin iyan aking anak. Dahil kanina pa ay nababasa ko na ang iyong isip. Isa akong diyos at walang hangganan ang aking kapangyarihan. Kaya wala kang magagawa kundi ang isuko na ang iyong sarili sa akin." ang wika ni Behemot na tila nang-iinsulto ang malulutong nitong mga tawa.

"Patayin mo na lang ako! Dahil kahit kailan ay hindi ko isusuko ang aking sarili at sumailalim sa iyong kapangyarihan!" ang matigas na tugon ni Odessa.

"Hindi kita papatayin anak! Dahil magiging buo ang pamilya natin. Ikaw,  ako at ang iyong ina na si Bagauisan." ang nakangising sabi ni Behemot kay Odessa habang papalapit ito sa kinaroroonan ng anak.

"Bu...buhay ang aking ina?!" ang pasigaw na tanong ni Odessa.

Ngumiti si Behemot bilang tugon sa tanong ni Odessa. "Odessa, aking anak marami ka ngang hindi alam..." bumuntong-hininga ito at umiling-iling "...mabubuo ang ating pamilya at kailangang maganap ang propesiya para mangyari ang lahat ng iyong nakita sa hinaharap. Isang pamilya nating pamumunuan ang sanlibutan, pinakamamahal kong anak!"

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now