CHAPTER 9: Cardcaptor Sakura

217 18 12
                                    


June 26, 2009

Dear Donna,

Tatlong buwan. Mahigit tatlong buwan na simula nang mangyari sa akin ang aksidente. Tatlong buwan na ring hindi mawala sa isipan ko ang huling sandili na nagkausap tayo. Hindi ko makalimutan ang mga sinabi mo sa akin at ang mga mata mong nangungusap, na tila may delubyo akong haharapin. "Balang araw, maiintindihan mo." At lubos ko ngang naintindihan ang lahat, Donna. Iniligtas mo ang buhay ko. At lubos akong nagpapasalamat doon.

Tatlong buwan na pero alam kong magbabago ang buhay ko. Ni hindi ko matignan ang Mama ko sa sobrang hiya. Sinabi ko sa kanila ang lahat ng problema ko. Lahat ng failures na meron ako. Hindi ko siya matignan Donna kasi nasasaktan ako na nasasaktan ko siya.

Tatlong buwan na pero hindi mawala sa isipin ko ang mukha ni Mama na umiiyak siya, hindi mawala sa isipan ko ang pag-iyak mo. Para kayong poster sa isipan ko.

Tatlong buwan na at tatlong beses na rin akong pabalik-balik sa tinirhan mo para makausap ka. Tatlong beses na rin akong nabigo. Gusto kong sabihin kay Mama kapag tinatanong niya ako kung bakit ako natutulala. Gusto kong sabihin sa kanya na naiisip kita, Donna. At gusto kitang makita at makausap. Gusto kong mahaplos ang pisngi mo.

May aaminin ako sa'yo. Sa nakalipas na tatlong buwan, wala akong ibang inisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa'yo. Gaya na lang kung kailan kita unang nakita.

November iyon last year. Kasama kong nagbabasketball si Jared nang nakita kita. Nasa duyan ka. Natatawa ako kasi pangbata iyon pero sakto lang ang sukat ng mga paa at binti mo para hindi sumayad sa lupa. Malayo ang tingin mo habang inililipad ng hangin ang mga buhok mo. Nakakatuwa kasi ang unang pumasok sa isip ko habang pinapanood kita ay si Cardcaptor Sakura na paboritong panoorin ng kapatid kong si Xandra noong mga kabataan namin. (Oh, 'wag kang tatawa 'oy)

Pangalawa noong January naghihintay kang mapuno ang tricycle. Nakaupo ka sa bench. Hiniram ng kapatid kong si Antonio ang kotse ko kaya kailangan kong magcommute. At gaya ng dati, napakalayo ng paningin mo. Parang nasa ibang mundo ang presensiya mo. Noong nagtawag na si Manong para umalis tayo, deretso ka sa likod at tumabi kay Manong. Naiintriga ako kasi noon lang ako nakasaksi ng babaeng sa likod ng driver umuupo.

Pangatlong beses noong katapusan ng February. Parehas na puwesto. Naghihintay ka ulit mapuno ang tricycle. Coding naman ang kotse ko kaya nagcommute ulit ako. Malayo ulit ang iyong tingin at nililipad ang buhok mong nakawala sa pagkakatali. At naalala ko ulit si Cardcaptor Sakura. Sa isip ko kailangan kong malaman ang pangalan ni Cardcaptor Sakura. Saktong pagtayo ko at pasimpleng lumapit sayo para mabasa ko ang nasa name plate mo nang biglang magtawag si Kuya at nagbungguan tayo. Saglit kong tinignan ang pangalan mo nang alalayan kita.

Nalaman ko ang pangalan mo. At narinig ko rin ang boses mo. Pero gusto kong mas higit pa sa isang pangungusap ang marinig ko sa mga labi mo. Kaya tuwang-tuwa ako noong magkausap tayo sa Milk Tea House. Natutuwa ako noong oras na iyon, hiniling ko na sana tumigil ang oras. At habang nagkukuwento ka, hiniling ko na sana mahaplos ko ang iyong pisngi. Kahit isang pinong kurot lang sa pisngi ni Cardcaptor Sakura.

Gusto ko lang mahaplos ang pisngi mo... pero hindi iyon nangyari dahil... hinalikan mo ako, Donna.

Hinalikan mo ako at ibinigay mo sa akin ang silver coin para sa aking protection.

Mahigit tatlong buwan na Donna, at gulong-gulo ang mundo ko kakaisip sa'yo –dahil sa mga titig mong naglalakbay, dahil sa buhok mong nililipad ng hangin, dahil kay Cardcaptor Sakura... dahil sa isang halik.

Silver Coin, Wild Dreams, and Us (Published under PHR) Where stories live. Discover now