CHAPTER 7: Ang Paglaya sa Tanikala

194 19 3
                                    

November 17, 2014

Hindi mawala sa isipan ang ko ang lamig na dala n bumabagsak na niyebe. Parang totoo. Nasa pakiramdam ko pa ang lamig na nanunuot hanggang sa mga buto ko. Pati na ang babaeng nakatalikod sa akin at nakasuot ng itim na coat, puting guwantes, at maroon na bonnet.

Sa aking panaginip, tinatawag ko siya. Ngunit malayo ang kanyang tingin, tila tumatagos iyon sa mga taong nadadaanan nito.

Naiguhit ko ang panaginip ko. Ang puting niyebe sa parang, ang mga pine trees na tila mga hari sa taas kasama ang mga lupon nito. At ang babaeng nakatalikod.

Minsan nakita ko rin sa aking panaginip na nakaupo siya sa lilim ng isang puno na nalalagas ang dahon. Tinatawag ko siya ngunit nakatalikod siya sa akin at hindi niya ako marinig. Nililipad ang hibla ng mga buhok niya kasabay ng paglagas ng mga dahon na kulay kahel at kulay kayumanggi. Naiguhit ko rin iyon. Naiguhit ko siya.

Kasama rin sa mga naiguhit ko ang isang panaginip ko kung saan abala ang mga tao sa pagluluto. May isang babaeng nagmamando sa mga ito. Tinatawag ko rin siya ngunit mukhang abala siya at hindi niya ako marinig.

Bakit hindi mo ako marinig, Donna? Bakit ayaw mong humarap sa akin? Gusto kong makita ang mukha mo.

Gusto kong mahaplos ang pisngi mo.

Sa Isang Drawing Book

Drew, 25


BUMUBULUSOK PABABA si Alejandro. Mabilis ang kanyang paghinga dahil pakiradam niya galit sa kanya ang hangin sa lakas ng puwersa nito laban sa kanya. Puro kadiliman ang nasa paligid niya. Ikinakampas niya ang mga kamay na tila may kinakapitan ngunit ang malakas na samyo ng hangin ang nararadaman niya.

Iyon ang nakikita ni Alejandro sa kanyang pananaw. Alam niyang tulog siya at nanaginip siya. Parang hinati ang kamalayan niya para intindihin na nasa estado siya ng panaginip at reyalidad.

"Nakita mo na siya?"

Iyon na naman ang tinig na walong taon na niyang naririnig. Hinanap niya kung saan nanggagaling ang boses. Ngunit parang nasa gitna siya ng karagatan ng kawalan.

"Sino ang dapat kong makita? Sino ka?" tanong niya.

"Isang pagsinta ang kailangan mong makita. Isang kahilingan ang kailangan mong dugtungan. Siya'y iyong hanapin at tanggapin. At sa pagyakap niyo sa ulap, mahahanap ninyo ang alapaap."

At bigla sa kauna-unahang pagkakataon, nagpakita ito sa kanyang harapan. Gulat si Drew at hindi siya makagalaw. Hindi naglaon ay nawala itong parang bula.

Doon nagising si Alejandro. Malamig sa kanyang kuwarto ngunit pawisan siya. Agad-agad niyang kinuha ang drawing book niya at iginuhit ang mukha ng mamang naririnig niya sa loob ng walong taon. Kabisado na niya ang sinabi nito ngunit ngayon lang niya nakita ang mukha nito.

"Sino ang dapat kong mahanap?" tanong niya.

Alam mo ang kasagutan, Drew.

Kumuha siya ng maiinom sa mini-ref sa kwarto niya. Kapag ganitong dinadalaw siya ng panaginip niya, hindi na nakakatulog si Drew. Dinala siya ng kanyang diwa sa mga panaginip niya.

Silver Coin, Wild Dreams, and Us (Published under PHR) Onde histórias criam vida. Descubra agora