CHAPTER 2: Wild Dreams

Magsimula sa umpisa
                                    

"Bago ka lumuwas, dalawin mo ang puntod ng Mama mo ha?" Alam niyang umiiyak ito sa kabilang linya.

"Opo. Makakasama sa'yo ang masyadong ang nagtatanim ng lungkot at sama ng loob, 'Pa. Ininom niyo na po ba ang gamot ninyo?" tanong niya.

Nakatakda itong sumailalim sa isang heart transplant. Buwan din ang hinintay nila para makahanap ng donor para sa kanyang ama. Sa edad nitong limamput isa, maraming pagkakataon na itong na-confine sa hospital dahil sa sakit nito. Nagsimula iyon tatlong taon pagkamatay ng kanyang Ina. Noong una, konting pagsakit lamang sa dibdib nito ang nararamdaman ng ama niya. Last year lamang nalaman na kailangan nito ng operasyon.

"Oo naman," sagot nito. "Ikaw, kailan ko makikilala ang mamanugangin ko?"

Napabuntong-hininga siya. "Pa, magpagaling ka muna bago ko ipakilala ang mamanugangin mo."

"Masarap ang magmahal, anak. 'Wag kang mabuhay sa takot. 'Wag mo kaming gayahin ng Mama mo. Sabi nila dumarating sa buhay natin na may magpapatibok sa puso natin, 'yong tipong gusto na nitong lumabas sa lakas ng tibok nito. Kapag nangyari iyon sa'yo, subukan mong magtiwala sa tuwang kaya nitong ibigay sa'yo. 'Wag mo siyang daanan at ipagsawalang bahala. Titigan mo siya, hindi magsisinungaling ang mensahe ng isang titig, anak. Kapag nakita mo ang pagkatao niya at inilakbay ka ng mga titig na iyon sa isang mundo na kayo lang ang nakakaalam, 'wag mo na siyang pakawalan pa."

Agad itong nagpaalam para makapagpahinga na raw siya. Hindi siya nakaimik sa tinuran ng ama. Dito siya nagmana ang pagkahilig niya sa paghabi ng mga tula. Titig na kaya siyang ilakbay sa ibang mundo? Pakiramdam niya masyado iyong overrated.

Ngunit biglang nagpakita sa kanyang diwa ang seryosong pagtitig sa kanya ng lalaking nakasabay niya sa triciycle.

Ang imahe nito habang inaabot ang iniingatan niyang pilak ay hindi mawaglit sa kanyang isipan.

"Isang linggo na lang aalis na ako, baka iyon na ang huli naming pagkikita."

PAGOD NA napahiga sa sofa si Donna. Kasalukuyan niyang ginagawa ang kanyang narrative report para sa OJT niya. Nanakit pa ang kanyang likod sa pagkangalay. Mukhang naramdaman iyon ni Apolinario Mabini dahil agad itong sumampa sa sofa at pilit na dinidilaan ang kanyang mukha.

"Pagod lang ako, Apo," aniyang hinaplos-haplos ang ulo nito habang kumakawag ang buntot nito.

Inampon niya ang aso limang buwan na ang nakakalipas pagkatapos niya itong makita sa labas ng bahay minsang magjogging siya. Pilay ito at hindi makalakad noong una kaya pinangalanan niya itong Apolinario Mabini. Magaling na ito pagkatapos niyang ipakita sa Vet ang kalagayan nito.

"Pinakain ka ba ni Manang Kunol?" Kumahol ang soulmate niya. "Mabuti kung ganoon. Pinaliguan ka rin ba niya?" Umatungal si Apo na ang ibig nitong sabihin ay, "Oo, pero pinahirapan ko siya."

Naniniwala si Donna na si Apolinari Mabini talaga ang past life ni Apo. Sa talino nito, alam nito kung kailan lalapit sa kanya. Ramdam nito kapag masaya o malungkot siya. Bagaman debatable ang salitang 'masaya' para sa kanya - dahil iba-iba naman ang pamamaraan ng mga tao kung paano i-quantify ang saya. Masaya siyang mag-isa, pero para sa iba, malungkot ang buhay niya.

Sa Manila siya nakatira at nag-aaral, ngunit nang mabigyan sila ng pagkakataon na pumili kung saan sila magsasanay ng trabaho, pinili niya ang Cavite para mapalayo sa ingay ng siyudad. Nakitira siya sa bahay ng nag-iisang kapatid ng kanyang ama. Nasa Australia na nakatira ang kanyang Auntie Hera kasama ng buong pamilya nito. Matagal nang inuungot nito sa kanya na tumira sa bahay ng mga ito.

Malaki ang bahay at may dalawang palapag iyon. Sila ni Apo ang nakatira doon. Minementina ang bahay nina Manang Kunol at ang asawa nitong si Manong Samson na may munting tirahan sa likod ng bahay ng kanyang tiyahan kasama ang anim taong gulang at nag-iisang anak ng mga ito na si Edgar.

Silver Coin, Wild Dreams, and Us (Published under PHR) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon