Chepter 25: Broken

17 3 5
                                    

Chapter 25: Broken

Andz Leufren

Habang yakap ko si Lora ay nagpatuloy lang siya sa pag-iyak. Ramdam ko ang bigat ng kaniyang dinadala. Nanatili lang akong tahimik at pinakikiramdaman siya. Alam kong malalim ang pinaghuhugutan niya dahil ngayon ko lang siya nakitang ganito. Para siyang bata na naghahanap ng kakampi at may gustong isumbong pero walang nakikinig sa kaniya.

Labis na awa ang nararamdaman ko sa kaniya. Nasasaktan akong makita siyang ganito.

Ano ba talaga ang nangyari, Lora?

Gusto ko siyang tanungin pero ayaw ko siyang biglain kaya hinayaan ko lang siya hangang sa maging kalmado. Ilang saglit pa’y nagpaalam muna sina Viv at Jen sa’kin kaya naiwan kami ni Lora sa loob ng kaniyang k’warto.

Nang medyo gumaan na ang pakiramdam niya ay naupo kami sa tabi ng kaniyang kama. Tinignan ko siya nang mata sa mata upang pakinggan lahat ng kaniyang sasabihin.

“Lora, ano ba ang nangyari?” kinakabahang tanong ko sa kaniya, pero bago siya sumagot ay iniwas niya ang kaniyang tingin sa’kin saka yumuko.

“Kasi. . . kasi. . .”

“Ano nga? Alam mo bang nag-alala ako sa pagkawala mo? Halos mabaliw ako sa pag-alis mong walang paalam. Hinanap kita kahit saan, naghintay ako sa tapat ng bahay ninyo.”

“Alam ko.” Muli niya akong tinignan ng mata sa mata. Ako naman itong napakunot-noo sa kaniya.

“A-alam mo? Paano?”

Hindi niya ako sinagot. Nanatili ang ilang minutong walang imikan sa pagitan namin. Tila nagpapakiramdaman kami sa bawat isa at naghihintay ng tamang salita na bibitawan, pero sa huli ay ako pa rin ang bumasag ng katahimikan.

Wala na akong pakialam paano niya nalaman ang mga ginawa ko. Ang mahalaga ay malaman ko kung ano ang nangyari sa kaniya.

“Lora, ano ba talaga ang nangyari?” mahinahon kong tanong at muli siyang umiwas ng tingin sa akin.

“Ka-kasi. . . patawarin mo ako, Andz. Sorry.” Muli umagos ang sariwan luha sa kaniyang mga mata at nakita kong bahagyang nanginginig ang kaniyang kamay, dahilan para hawakan ko ito.

“Magtiwala ka sa’kin, Lora. Makikinig ako sa’yo, iintindihin kita kahit na ano pa ‘yan,” lakas loob kong sabi kahit pa nararamdaman ko ang matinding kabog ng aking dibdib. Ngunit hindi pa rin siya ngsalita at nakita kong muli ang pamumuo ng mga luha sa kaniyang mga mata.

“So-sorry. . . sorry, Andz. Mahal kita pero—”

“Sshh!” sabi ko sabay punas sa kaniyang mga mata. “Hindi mo na kailangan sabihin, alam ko na. . . si Harry ba?”

Mas lalo siyang umiyak at marahang tumango. “Sorry, Andz.”

Sa puntong iyon ay nakadama ako ng matinding galit sa demonyong si Harry, pero mas nagalit ako sa sarili ko dahil hindi ko nagawang protektahan ang babaeng mahal ko.

Niyakap ko siya habang patuloy ang kaniyang pag-iyak. Hindi niya man sabihin sa’kin ang totoo, alam ko na ang nangyari sa kaniya. Siguro wala siyang lakas ng loob para sabihin sa akin ang bagay na iyon dahil ayaw niya akong masaktan.

“Huwag kang mag-alala, naiintindihan kita, Lora.”

Ito na lang ang bagay na magagawa ko para sa kaniya, ang unawain siya sa ganitong sitwasyon.

A Love To Eternity Where stories live. Discover now