Isang araw noong magising ako sa katotohanan ay ura-urada akong gumawa ng resignation letter ko. Hindi ko nga alam kung tama ba itong ginawa ko na masyado akong nagpadalos-dalos.

Masyado akong nilamon ng emosyon ko, pero naisip ko rin at kagaya ng sinabi ko ay ito lang iyong alam kong rason para kahit papaano ay saglit na mawala ang hinanakit na bumabasag sa pagkatao ko.

For the meantime, ayoko munang makita ang dalawa. Gusto ko ring maramdaman na mahal ko pa ang sarili ko, na hindi ako magmamakaawa at luluhod para lang humingi ng kaunting pagmamahal.

Hindi kailanman mangyayari iyon. Hindi gano'n si Jinky Bolivar.

Sa biglaan kong pagre-resign ay natural na nagulat si Sir Melvin. Tinanong niya iyong dahilan ko ngunit sinabi ko na lang na nakakita ako nang mas magandang opportunity sa ibang company katulad ng nakasaad sa resignation letter ko.

Alam ko na masyado akong mapanakit at walang utang na loob sa rason kong iyon, pero iyon na lang din kasi ang nakita kong paraan para madali lang sa kaniya na pakawalan ako at iyon nga ang nangyari.

Although alam ko rin na marahil ay nagtataka pa iyon si Sir Melvin na hindi malabong magtanong siya kina Elsa at Andrew. At least kung malaman man din nila ang totoo ay wala na ako roon.

Wala na akong mukhang maihaharap, hindi ko rin alam kung makababalik pa ako dahil ngayon ay gusto ko munang sarili ko ang mahalin ko. Kapag okay na siguro ako ay saka ako babalik para tanggapin ang lahat.

Marahas akong napahinga nang malalim, kapagkuwan ay nagpatuloy din sa ginagawang paglalakad sa gilid ng dalampasigan. Wala akong suot na sapatos. Tinanggal ko kanina upang damhin sa talampakan ang pinong buhangin dito.

Suot ko lang ang isang white polo, terno sa pencil skirt ko na hindi ko na naplansta kaya visible ang mga gusot nito. Deretso na akong bumiyahe at sa ilang oras na nagdaan, literal na bangag pati ang kaluluwa ko.

Wala pa akong maayos na tulog. Hindi rin naman ako makatulog sa naging biyahe ko kanina dahil panay ang pag-iyak ko sa tuwing naalala ko ang mapait na kinahinatnan ko.

Nagmukha lang akong bata roon na iniwan ng kaniyang magulang. Animo'y naliligaw habang bitbit ko ang bag ko na laman lang ang kaunting damit. Wala ako sa ayos dahil hindi na ako nag-aksaya pa ng oras para pagandahin ang sarili.

Naging kibit na lamang ang balikat ko habang tahimik ding lumuluha. Ganoon pa man ay panay pa rin ang panginginig ng balikat ko para sa hindi matapos-tapos na paninibugso ng damdamin ko.

Akalain mo 'yon, three days lang naman akong naging in a relationship ngunit iyong sakit sa puso ko ay tipong ilang taon ang itinagal namin ni Andrew. Kung alam nga lang marahil ito ni Mama ay malamang na pinagtatawanan ako no'n.

"Nakakahiya," bulong ko sa sarili.

Nawalan na ako ng gana, ng kapal ng mukha, ng inspirasyon— kaya gusto ko na lang maglaho na parang bula.

Sa lawak ng karagatan ng Isla Mercedes ay ako na lang itong napagod sa paglalakad. Saglit akong huminto nang maramdamang nanginginig na ang dalawang tuhod ko. At kung hindi pa siguro ako makakahanap ng masisilinguan ay aabutan ako ng dilim.

Ilang araw na ring umuulan. Hindi hamak na nagbabadya ngayon ang malakas na ulan dahil sa makulimlim na langit. Walang bakas o sinag ng araw. Wala rin akong mahagilap na mga ibon na marahil ay nauna nang naghanap nang masisilungan.

Nilisan ko ang dalampasigan at nagtungo sa mataong lugar. Nakakita rin ako ng Hotel, na kahit labag sa loob kong maglabas ng pera ay wala naman akong magagawa. Mabuti na lang din kahit papaano ay mura ang rates dito kumpara sa Manila.

Nights Of PleasureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon