Chapter 17: STRIGOI

Magsimula sa umpisa
                                    

Natigilan si Demetria ng biglang mapansin niyang gumalaw ang portrait painting ng kanyang Ina na si Morgana. Kusang gumagalaw ang larawan at kapansin-pansin ngayon ang mapupulang mga mata nito.

"I...inang Morgana?!" Ang sigaw ni Demetria na kinilabutan sa nangyayari.

Tila natunaw ang dugong ginamit na pintura sa mismong canvass ng painting at parang may-isip na gumapang ito sa pader papunta sa sahig.

Napaatras si Demetria ng makitang unti-unting nagkakaroon ng anyo ang pinturang dugo na umagos mula sa painting nu Morgana. At lalo siyang natakot ng magsunuran na rin ang halos lahat ng mga paintings na nakasabit sa dingding ng opisina.

"Hi...hindi maaari..." Ang pabulong na wika ni Demetria habang nababalutan ng takot ang kanyang mukha.

Mabilis na nagkakaroon ng anyo ang mga pinturang nanggaling sa mga paintings. Lalo na ang nagmula sa portrait ng kanyang inang si Morgana na ngayon ay nakatayo na ilang metro sa kanyang harapan at gayang-gaya ang hitsura ng kanyang ina. Pulang-pula ang mababagsik na mata nito at naglalaway sa nakikitang makakain sa kanyang harapan.

Alam ni Demetria kung anong nilalang ang nasa kanyang harapan. Pero hindi niya inaasahan na nakarating sila sa Pilipinas at ngayon pa lamang niya makakaharap ang mga Strigoi.

Batid ni Demetria na hindi niya kakayanin kahit isa man lang sa pinakamatandang uri ng bampira. Bawat isa sa kanila ay katumbas ng sampung malalakas na mandirigmang Sangre.

Ang mga Strigoi ang sinaunang mga bampira na nagmula sa bansang Transylvania. Doble ang bangis nila at higit na malalakas, mabibilis at matitibay ang katawan kung ikukumpara sa iba pang lahi ng mga bampira. Kaya nilang magpalit ng kahit na anong anyo na gugustuhin nila mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaking hayop. Lubha silang mas mapanganib kaysa sa mga tulad nilang mga Sangre. Ang kanilang katawan ay binubuo ng libo-libong mga uod na uhaw na uhaw sa pagsipsip ng dugo sa kanilang mabibiktima.

Bago pa man mabuo ang anyo ng iba pang mga Strigoi ay sinubukan ng tumakbo papalabas ng opisina ni Demetria para alertuhin ang kanyang mga kasama na naghahanda na sana sa pag-alis nila sa Mansion. Pero mabilis siyang sinundan ng isa sa mga ito. Paglabas niya ng mansion ay naroroon na ang isa sa mga Strigoi na gumaya sa hitsura ng kanyang inang si Morgana.

Pilit na sinasalo ng maitim at mahabang dila ng Strigoi ang laway nito habang nakikita niya at naamoy si Demetria sa kanyang harapan. Nagngingitngit ito sa sobrang gutom na kanyang nararamdaman dahil matagal-tgal na rin silang hindi nakakalabas sa mga larawan na kung saan sila ibinilanggo ng mahika ng bruhang si Impong Sendang.

"Pagkatamis-tamis ng iyong dugo...bibigyan kita ng madalihang kamatayan...kaya kung ako sa'yo huwag mo ng pahirapan pa ang sarili mo...halika at maging hapunan ko!" Ang sabi nito kay Demetria.

Magaspang ang nakakatakot na boses ng Strigoi na nasa harapan niya. Wala silang sinasanto dahil kahit katulad nilang bampira ay hindi nila pinalalampas lalo na't kapag nakaramdam na sila ng gutom.

Inihanda ni Demetria ang kanyang sarili sa pag-atake ng Strigoi. Alam niya na ilang sandali pa ay sasamahan na siya ng iba pang mga Strigoi na kasalukuyang nagkakaroon na ng porma ang katawan.

Biglang umigpaw sa himpapawid ang babaeng Strigoi patungo kay Demetria habang nakalaylay ang naglalaway na dila nito. Nanggigigil ang Strigoi sa kagalakan dahil sa loob ng mahabang panahon ay nakawala sila sa pagkakakulong nila sa mga portrait paintings na ipininta ni Claudius bilang tagapagbantay sa mansion. Dahil sa pagkamatay ni Impong Sendang, wala ng mga orasyon o dasal na magpapanatili sa kanila bilang bilanggo sa loob ng kwadro ng mga paintings.

Hindi napansin ni Demetria na may mga bilanggong Strigoi sa opisina ng kanyang ama. Kaya ngayon ay nanganganib ang kanyang buhay dahil sa mababangis na bampirang itinuturing na mga halimaw sa kanilang mundo.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon