Ginahasa si Ina

486 2 0
                                    

Kamusta ka na?
Ako'y may katanungan
Sana'y maging tapat ka sa iyong dugo't laman
Isa lang naman, simpleng simple pa
May itatanong lang ako, ina
Gusto ko lang malaman;
Pamilyar ka ba sa terminong "panggagahasa"?

Biktima? Menor de edad ka 'non?
Natatandaan mo ba ang eksaktong eksena?
Nababaliktanaw mo ba tuwing ipipikit mo ang iyong mga mata
Masakit?
Nanatili pa rin ba ang mga marka niya?
Naririnig mo pa ba ang kanyang mga halakhak at bulong na nakapangingilabot,
Nakapananakot
Nakapanghihimok,
Nakapangungurakot—sa iyong katinuan
Sa iyong wisyo na unti-unti na ring naglalaho
Ito ba yung kawalan ng respeto sa iyong katawan?
Kalapastanganang ngumangatngat na abot isipan?
Yung tipong loob at labas, buong-buo kang hinubaran?
Wala ka pang pagkakakilanlan
Iniwan
Sa ganyang estado
Na matapos pakinabangan tila basurang itatapon
Pero teka, sabi niya, meron ka pa raw silbi
At naisip niya na pwede ka pa raw itabi
Para isa pang ulit
Isa pang tira
Isa pang tyansa
Pwede pa ba?
Pwede pwede pwede ang hirit niya
At sa iyong isip—
Tama, tama, tama na

Gusto ko lang malaman
Kung nandyan ka pa ba?
Hindi ka ba isang nilalang na lilok sa porselana?
Bagama't sadyang rikit ay di maikakaila
Ang pagkatao mo'y marupok at talagang mahina
Hindi ba nanatili ang kanyang mga bakas?
Sa balat mong natural ay iniwanan ng lamat
Malamang matagal pa maghilom yaring sugat
Higit na para kay Ebang nawalan ng puri at ulirat

Sandali,
Hindi pa raw tapos ang pagiging sadista niya
Marami pa siyang pasabog na nakahanda
Nagbulagbulagan ka ba para matiis mo ang kanyang pangwa-walanghiya?
O nanlaban ka ba kahit na isang minsan, masokista?
Kahit sanbanda ka tingnan,
May nagbago sayo, mula paa hanggang ulo
Nakikita ko
Ang mga nanakit sa'yo
Ang kaniyang paglaro sa iyong natural na wangis
At hinayaan ka niyang madungis
Nakukubli sa iyong pagkatakot sa kaniya, sa kanila

Alam ko,
Mahirap aminin
Na nakalimutan mong maging ikaw
Nang wala ang kaniyang presensiya
Ngunit ina,
Nag-aalala ako sa kalagayan mo
Nadadamay na mga anak mo
Kaya't nagpapakatotoo lamang ako
Sampal man ang katumbas ng katotohanang tinutukoy ko

Gusto kong malaman kung paano?
Kinakaya ng isang tulad mo
Wala sa hitsurang papasanin ang pangga-g*go
Ng gaya niya, nila, sunod-sunod
Walang pahinga
Matapos ang nakapipinsalang round ng meztiso ay kay tisoy ka pinasa
Pinaikot, pinatalbog,
Nilamas, nilamog
Sa kanyang mga palad
Pumila pa itong Intsik na kapitbahay,
Na-gang rape ka raw sa paghimbing mo
Dinig ko sumali ang Bumbay na pabalik-balik sa inyo
At naging suki ka raw ng dilawing mangangalakal
Pero ang lumatay talaga ay ang una at yung 'Kano

Mahabang panahon ka rin niyang tinuring hayop
Naging usapan ka sa loob ng ilang panahon
Perlas mo'y inagaw, o baka sadya mong pinanakaw?
Bugaw
Oo, ikaw
At wag mo nang itanggi pa, 'o wag na
Sa ganda mong plastik, hiram, retokada
Wala na sa pagkatao mo ang orihinal
Ginahasa ka marahil sa mata nila
Ngunit nangyari lang naman iyon dahil hinayaan mo sila
Binigyan ka lang ng kaunting panahon, ika'y agad lumandi
Niyakap mo na ang lahat-lahat tungkol sa kanila at ang tunay na ikaw ay iyong itinakwil
Nasaan?
Nasaan na ang iyong inosenteng mga tingin
Marahil naligaw kasama ng kabaliwan

Bakit ba ikaw ang suki ng kanilang kaswapangan?
Dahil ba inaalay mo na ngayon ang buong ikaw nang walang kabayaran?
Labas-pasok sila sa'yo hanggang sa lumuwag ka na–
Aba! Walanghiya, ang sukli pa nila'y pakikipagkaibigan
Nahumaling ka na yata sa kanilang kabaliwan
May panggagahasa pala na kinaadikan
At dahil sa'yo, ito'y aking nalaman
Napalitan, nilimot mo na iyong pagkakakilanlan
Pilipinas, Oo
Marami pang gustong gumamit sa'yo
Handa ka na ba, ina?
Mabubura na ang iyong pagkatao

A String of Words (Book 1)Where stories live. Discover now