Chapter 12: THE NEW ALPHA

Start from the beginning
                                    

Pagpasok nina Alex sa loob ng sirang gusali ay mahimbing pa rin sa pagkakatulog si Caren at ni walang bakas na malapit na itong gumising. Mapapansin sa kanya ang pagbabago sa kanyang pisikal na pangangatawan lalo na ang pagkakaroon ng porma ng kanyang mga kalamnan.

Gamit ang kumot na sapin ni Caren sa kanyang pagkakahiga sa papag, pinagtulungan ng apat na lalaki na buhatin si Caren. Halos mapangisngis si Kiel at Raul ng mapagtanto kung gaano kabigat ang babaeng pulis. Maliit lang ang pangangatawan ni Caren pero doble ang kanyang naging bigat dahil na rin sa mga kasalukuyang pagbabago sa katawan nito.

Isinakay kaagad si Caren sa SUV at sumakay na rin ang mga bata at si Isabel. Ibinigay ni Mexo ang susi ng puting SUV kay Alex para itakas na si Caren.

"Mag-ingat kayo Alex at patnubayan kayo ng Diyos." Ang wika ni Father Mexo.

"Among, maraming salamat." Ang tugon ni Alex sa pari.

Ngiti at pagtango lamang ang tanging naging tugon ng pari kay Alex.

Pinaandar na ni Alex ang sasakyan, kasama niya sa harapan ang tahimik na si Isabel. Sa likuran naman ay sina Margaux, Adrian, Jhayvee at ang natutulog na si Caren. Sa pinaka bandang likuran ay ang kanilang mga gamit at pagkain sa kanilang paglalakbay.

"Bakit hindi na lang kayo sumama sa amin among? Sigurado kapag nalaman nila na pinatakas mo kami ay kayo ang pagbubuntungan ng kanilang galit." Ang wika ni Alex.

Ngumiti si Father Mexo. "Mas kailangan kami ng mga tao rito Alex. At tiwala naman ako na hindi kayo pababayaan ni Caren sa kanyang paggising. Malakas at matapang na babae si Caren, sa ilang linggo na  nakasama ko siya, nakita ko kung gaano siya katatag at katapang sa pakikipaglaban." Ang tugon ni Father Mexo. Tumingin siya kay Caren pati na sa mga bata. "Ingatan mo sila..." at saka tinapik sa balikat si Alex na nakapuwesto na sa may driver's seat ng sasakyan.

"Paalam, among Mexo."

"Huwag... Dahil alam kong magkikita pa tayo. Sige lumakad na kayo!" Ang muling wika ng pari.

"Salamat Among." Ang sabi ni Alex.

Pinatakbo na ni Alex ang sasakyan para lisanin na ang lugar. Pero wala pa mang limang metro sa pagpapatakbo ng sasakyan ay tumigil sa harapan nila ang tricycle na minamaneho ni Kapitan Ben.

Inihinto ni Alex ang sasakyan at mabilis namang lumapit din si Father Mexo at ang dalawa pa nitong kasamang seminarista.

"Anong ibig sabihin nito?!" Ang malakas na boses ng matandang lider ng Santuaryo.

Sabay-sabay na nagsilabasan ang  apat na pasahero sa loob ng tricycle. At mula sa paligid ay lumitaw rin ang walong mga kalalakihan na kasama sa mga nagroronda na lahat ay armado ng mga baril.

Mabilis na nakiusap si Father Mexo kay kapitan Ben.
"Kapitan, hayaan niyo na silang lisanin ang lugar na ito. Ito ang pinakamainam na gawin para sa kaligtasan ng lahat ng tao sa Santuaryo!"

"Huwag ka makialam dito among dahil hindi mo sakop ang Santuaryo para gumawa ng desisyon na hindi ko nalalaman. Walang simbahan dito kaya wala ka sa lugar para makialam." Ang matapang na wika ng matandang kapitan.

"Mayroon akong karapatan at pakialam sa mga taong sumisilong dito kapitan! Dahil ang mga tao ang bumubuo din sa Simbahan.  Ang mga tao,  sila mismo ang simbahan. Sila ang mamamayan at Sambayanan ng Diyos, kaya makikialam ako hangga't gusto ko!" Ang matapang na tugon ng paring Katoliko.

"Subukan mong makialam among dahil baka makalimutan ko pa na isa kang pari!" Tumingin sa mga kasama at inihanda ang kanilang mga baril. "Mga tanod, hulihin silang lahat!" Ang utos ni Kapitan Ben.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now