Nanlalaki ang mata nilang pareho nang makita ang imahe ko sa pinto.

"R-randy...?" utal na pagtawag sa akin ni Ate Sandra.

Hindi ko tinugon ang pagtawag n'yang iyon. Sunod kong nilingon ang babaeng may isang dekada ko nang hindi nakikita. Nasaksihan ko ang mabilis na pag-agos ng kanyang mga luha nang muli n'ya akong masilayan sa mahabang panahon.

"R-randy..." sambit n'ya rin sa aking pangalan.

Walang ekspresyon ang aking mukha habang salitan ko silang tinitingnan. Malaki na ang pinagbago nilang dalawa. Si Ate Sandra ay maganda pa rin, pero nadagdagan na ang edad n'ya. Madali ko pa rin s'yang nakilala noong nagpunta s'ya sa aking bahay dahil halos wala naman pagbabago sa kanyang mukha kahit halos dalawang dekada kaming hindi nagkita.

Ang sumunod kong tinitigan ay ang babaeng tinatawag ko noon na Mama. Ang ilaw ng dati naming tahanan, ang aking ina. S'ya ang may malaking pagbabago. Nadagdagan na ang kulubot sa kanyang noo ngunit masasabi kong sa kanyang edad ay taglay n'ya pa rin ang gandang hinahangaan ko noong bata pa lang ako.

Wala akong ibang espesyal na naramdaman habang pareho ko silang tinitingnan. Hindi katulad sa iba na kapag matagal nilang hindi nakita ang kanilang pamilya ay nananabik sila. Sa sitwasyon ko, mas nakakaramdam ako ng galit sa mga oras na ito.

Sila.

Sila ang mga taong nagpahirap sa akin noon.

Sila ang mga taong naging dahilan ng malaking pagbabago ko.

Sila ang mga taong sinaktan ako.

Ang sariling pamilya ko.

Matapos ko silang suriin ay naramdaman ko ang pagpisil ni Rigo sa aking kamay. Pinaramdam n'ya sa paghigpit ng kanyang hawak na dapat ko nang simulan ang lahat.

Hindi ko binitawan si Rigo nang simulan kong ihakbang ang mga paa ko para tuluyang makapasok sa kwartong iyon.

"Nasaan s'ya?" malamig kong tanong sa kanila.

"K-kamusta ka na, Randy?" biglang pagsasalita ng magaling kong ina.

Matalim ang mga mata kong nilingon s'ya. Patuloy pa rin s'yang umiiyak sa hindi ko malamang dahilan.

"Hindi ako nagpunta rito para makipagkamustahan sa inyo. Gusto n'ya akong makita 'di ba? Nasaan s'ya?" malamig kong pagtatanong sa walang kwenta kong ina.

Nasaksihan ko ang lungkot sa kanya matapos kong itanong ang bagay na iyon.

Nalulungkot s'ya? Bakit? Hindi ba dapat wala s'yang pakialam kung nandito ako ngayon sa harap n'ya? Hindi ba dapat dinadaanan n'ya lang ako tulad ng ginagawa n'ya sa akin dati sa tuwing nabubugbog ako ng ama ko?

Nakakatawa s'ya.

Siguro ay hindi ako kayang sagutin ni Mrs. de Torres kaya si Ate na ang sumagot sa katanungan ko.

"N-nandoon s'ya..." sagot ni Ate habang tinuturo ang isang bahagi ng kwarto.

Nilingon ko ito at nakita ko ang isang kama na may takip na kurtina.

Hindi na ako nagdalawang-isip pang kumilos. Hawak ko pa rin ang kamay ni Rigo nang simulan kong ihakbang ang mga paa ko patungo sa kama kung saan nila ako itinuro. Naramdaman ko naman na sumusunod ang dalawang babae sa likuran namin ni Rigo.

Nang makarating kami sa tapat ng kurtina ay huminto ako.

Sa likod ng kurtinang ito, naririto ang taong labis na kinatatakutan ko. Ang taong nagtanim ng poot at galit sa puso ko.

Nanlalamig na ang buong katawan ko. Pakiramdam ko ay gusto ko nang tumakbo palabas sa kwartong ito. Dahil sa oras na mabuksan ang kurtinang nasa harap ko ay muli kong masisilayan ang taong pinagtataguan ko sa mahabang panahon.

NO STRINGS ATTACHEDWhere stories live. Discover now