Chapter 8: THE ISLAND OF SEVEN KINGDOMS

Magsimula sa umpisa
                                    

Yakap-yakap ni Kalaguan ang kanyang kaibigan habang umiiyak siya sa sinapit ng kanilang mga pamilya at mamamayan ng Pagayon. Hindi na matagalan pa ni Anilaokan ang kanyang mga nakikitang pagpapahirap sa kanilang mga mamamayan. Gamit ang kanyang kapangyarihan ay inatake niya ang dalawa sa mga mandirigma ng hari at sinubukang lusubin ang mga armadong sundalo ng palasyo.

Pero masyado pa siyang bata sa pakikidigma. Isang hampas lamang sa kamay ng sundalo ay tumilapon na siya sa mga damuhan at halos mawalan ng malay. Hindi na siya makakilos lalo na ng marinig niya ang boses ng sumisigaw na si Kalaguan.

Hindi niya nagawang tulungan ang pinakamamahal na kaibigan na tinangay ng mga sundalo ng palasyo wala siyang kaalam-alam kung ano na ang nangyari sa kaibigan pagkatapos ng pangyayaring iyon.

Naiwan si Anilaokan na hindi makalakad. Umiiyak siya sa nangyari sa kanya pati sa pamayanang kanyang kinalakihan. Umiiyak siya para sa kanyang mga magulang at kaibigang si Kalaguan. At umiiyak siya dahil wala siyang nagawa.

Pinilit niyang tumayo para hanguin ang mga magulang na kasama sa nasunog nilang bahay. Nasaan ang kanyang kapatid? Bakit hindi dumarating ang kanyang kapatid?

Pinilit niyang gumapang papunta sa kanilang pamayanan na kasalukuyan pa ring tinutupok ng apoy. Damang-dama niya ang masidhing galit at hindi niya namamalayan na unti-unting umaangat ang mga maliliit na bato sa kanyang paligid. Dumidilim ang paligid at lumalakas ang ihip ng hangin.

Doon siya natagpuan ng isang matangkad na lalake na nakasuot ng puting balabal at bughaw na kasuotan. Puti ang kulay ng buhok pati na rin angkanyang balbas at bigote. Ang nakamamangha sa kanya ay ang tila may lumalabas na puting liwanag sa kanyang katawan. Hindi sumasaid ang mga paa nito sa lupa at parang inililipad-lipad siya ng hangin.

Noong una ay natakot si Anilaokan sa kanya. Pero may kakaibang karisma ang lalake at lahat ng takot at sama ng loob ay tila nawala sa kanyang puso at kaagad niyang tinanggap ang kamay ng lalake ng iniabot niya ito sa kanya.

Siya si Bathala, ang makapangyarihang diyos na kumupkop kay Anilaokan mula sa pamayanan ng Pagayon sa kaharian ng Elitheria. Iyon ang simula ng pagiging sikat ng kaharian ng Elitheria sa lahat ng kaharian sa maliit na isla ng Murcia.

Napakaliit lamang na isla ang Murcia, ngunit dito nanggaling ang mga makapangyarihang diwata at engkanto na nagpabago hindi lamang sa mundo ng mga elemental pati na rin sa mundo ng mga mortal o ang tao. Binubuo ito ng pitong makapangyarihang kaharian sa gitna ng malalawak na mga karagatan.

Sa dulong hilaga ng Murcia ay ang Manuali na pinamumunuan ng isang engkantong hangin. Sarado sa lahat ang kahariang ito kaya walang nakakapasok na hindi taga-roon at hindi naman nakakalabas ang mga mamamayan nito para makapunta sa ibang mga kaharian.

Lumikha ng isang napakataas na konkretong pader sa pagitan ng Manuali at Elitheria ang mga manggagaway ng kanilang kaharian na binabantayan naman ng mga naglalakihang mga halimaw sa pinakataas ng pader. Ipinag-utos ito ng hari dahil ayaw niyang mahaluan ng ibang lahi ang mga mamamayan nito lalo na ang kanilang nakagisnang paniniwala at pananampalataya.

Tanging ang mga diyos at diyosa lamang ang puwedeng pumasok sa kaharian ng Manuali.

Isang mayamang kaharian naman ang Panganan na nasa silangang bahagi ng Murcia. Ito ang sentro ng kalakalan at Salamangka sa buong Isla dahil sa kanyang naggagandahang pantalan at pamilihang bayan. Napakaganda ng lokasyon ng Panganan dahil nakaharap ito sa mga iba pang mayayamang mga isla at kapuluan sa buong Banua.

Ang Banua ang tirahan ng mga engkanto, diwata, kasama na rin ang mga elemental at iba pang kakaibang nilalang sa Sunukluban. Dito pinaniwalaang bumuo ng sibilisasyon ang mga sinaunang imortal sa ikatlong mundo. Ito rin ang tinatawag na ikatlong daigdig na iilang mortal o tao pa lamang ang nakakapunta rito.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon