CHAPTER THREE - 1

7.8K 139 9
                                    

"AKO NA riyan, Kimi. Kumain ka muna bago magpahinga."

Inagaw ni Phannie sa kaya ang bitbit na tray. Nagse-serve siya ng kape sa mga nakikipaglamay. Ikalawang araw ng burol ni Jasper. Eksaktong dumating siya sa ospital ay nalagutan ito ng hininga. Hindi niya inaasahan ang nakitang kalunus-lunos na kalagayan nito habang nakaratay sa ICU. Nakabenda ang buong katawan nito dahil sa lapnos ng mainit na kemikal na tumapon sa balat nito. Kung anu-anong tubo ang nakasaksak sa katawan nito, ngunit nawalan din ng saysay ang lahat ng iyuon dahil binawian din ito ng buhay.

"Magpahinga ka muna, Kimi. Wala ka pang tulog mula nang mamatay si Jasper. Kapag pinabayaan mo ang sarili mo, baka sumunod ka na rin sa kapatid mo," sabi naman sa kanya ni Bingles.

"Mabuti pa nga sigurong mamatay na rin ako..." sabi niya sa matinding pagdadalamhati.

"Tumigil ka nga," saway sa kanya ni Phannie, sabay baling kay Bingles. "Ikaw na ang mag-serve nitong mga kape sa bisita. Kakaladkarin ko lang ang luka-lukang 'to sa kwarto para makapagpahinga."

Tumalima si Bingles.

"Halika na. Huwag ka nang magtangkang magprotesta dahil 'pag hindi ka sumama sa akin, tatawag ako ng mga tambay sa labas para buhatin ka." Hinawakan na siya nito sa braso.

Nagpaakay siya rito. Nang umakyat sila sa bahaynila kung saan nakaburol ang mga labî ni Jasper, inabutan niyang nakatunghay na naman sa nakasarang kabaong ang kanyang ina. Umiiyak ito habang inaalo ng kanyang ama. Ipinasya nilang huwag nang buksan pa ang kabaong ni Jasper dahil sa nakakatakot na hitsura ng mga labî nito. Third-degree burn sa buong katawan ang inabot nito. Matapang ang kemikal na sumunog dito.

Para na namang may kumagat sa dibdib niya sa eksenang iyon. Kung masakit para sa kanya ang nangyari, lalo na siguro sa mga magulang nila dahil anak ang nawala sa mga ito. There was nothing more sorrowful than burying a child. Madalas niyang marinig iyon.

"Halika na," yaya sa kanya ni Phannie.

Kusa na siyang sumama rito. Mas hindi niya kayang tagalang makita ang pagdadalamhati ng kanyang mga magulang. Pagpasok sa kwarto ay humiga na siya sa kama. Ang kamang iyon ay isa sa mga unang binili ni Jasper para sa bahay nila. Para daw maranasan nilang mahiga sa malambot na higaan.

Tumulo ang luhang kanina pa niya pinipigil nang maalala ang pagiging generous ni Jasper. Marunong itong mag-share sa grasyamg tinatanggap nito. Ito ang pag-asa ng kanilang pamilya upang tuluyan silang makaahon sa hirap. Hindi niya lubos-maisip kung paano na sila ngayong wala na ito. Kasama nilang ibabaon sa hukay ang mga pangarap nila...

"Magpakatatag ka, Kimi. Ngayon ka higit na kailangan ng pamilya mo," sabi sa kanya ni Phannie.

Tiningnan niya ito. Kung tatag din lang ng loob ang pagbabasehan niya, ito na ang perpektong ehemplo. Sabay na nawala ang mga magulang nito dahil sa isang aksidente. Naulila ito sa edad na dose. Literal na naiwan itong mag-isa sa buhay dahil wala itong ibang kamag-anak sa lugar nila. Pero sa halip na panghinaan ng loob, sinikap nitong buhayin ang sarili sa pamamagitan ng pagtitinda ng kung anu-ano. "Ang hirap, Phannie. Parang nawalan kaming lahat ng pakpak. Lalo na si Nanay..."

"Talaga namang mahirap tanggapin ang nangyari. Ang sinasabi ko lang, hindi kayo dapat sabay-sabay na mawalan ng pag-asa. Ikaw ang dapat na mas malakas ang loob dahil siguradong sa 'yo aasa ang buong pamilya mo. Hindi lang financial, higit sa lahat moral support. Dapat, ngayon pa lang, paghandaan mo na ang mangyayari sa mga susunod na araw."

Bago pa siya nakasagot ay narinig na niya ang malakas na boses ng kanyag ina. Mabilis na lumabas siya, kasunod si Phannie. Inabutan niyang nagwawala ang kanyang ina habang panay ang awat dito ng kanyang ama. Nakakalat ang mga bulaklak sa sahig ng bahay nila. Nakatumba  na rin sa sahig ang stand niyon. Panay ang bulungan ng mga nakikiramay.

Ang Ambisyosang Nagmahal: Kimi by CAMILLAWhere stories live. Discover now