Panimula : Lihim na Liham

119K 4.3K 854
                                    


"Sige! Bye Cy!"

"Bye!"

"Pero Cy, promise, lagi talaga siyang nakatingin sa'yo."

"Ay ewan ko sa inyo. Sige na, bye! Ingat kayo!"

Kumaway ako sa mga kaklase ko at nag-iba na ako ng daan. Sila kasi, papunta roon sa highway para sumakay ng jeep, habang ako ay maglalakad lang pauwi ng bahay. Dalawang kanto lang kasi ang layo ng school sa bahay namin at ayoko namang sumakay pa ng tricycle dahil isang minuto lang yata ang itatagal ko roon. Sayang pa ang pera.

Nagsimula akong maglakad habang tinitignan ko ang paligid. Isa rin sa mga dahilan kung bakit gusto kong naglalakad lang papunta at paalis ng school ay dahil sa ganda ng paligid. Naglalakad ako ngayon sa isang tulay at sa ilalim nito ay may malinis na ilog. Mapuno din sa lugar na 'to kahit nasa siyudad kami. Nakakatuwa lang na hindi nagpapatayo ang mayor namin ng kung anu-anong buildings na nagpapapangit sa tanawin.

Napaisip naman ako roon sa sinabi ng kaklase ko. Sabi kasi nila, tingin daw nang tingin sa akin si Ridge, iyong galing sa section 2 na napunta sa section namin. Ewan ko kung pinagtitripan lang nila ako o ano pero nababahala rin ako. Nakita ko rin kasi siyang nakatingin sa akin noong lunch break. Siguro nawewirduhan lang siya sa akin.

Pag-uwi ko sa bahay ay nakita ko kaagad si Lola sa papag na nasa labas ng bahay namin, habang nagpapaypay siya. Paboritong parte niya rin iyon dahil may iba't ibang bulaklak sa tapat ng bahay. Katunayan, itong buong lote rito ay sa amin at nasa gitna ang bahay namin. Sa kanan ay may lumang kubo at hindi namin iyon pinapasok. Sa kaliwang parte naman, may mga malalaking puno kaya presko ang hangin dito. Sabi nga ng mga kaklase kong nakapunta na rito, parang probinsya raw ang pakiramdam.

"Lola." Lumapit ako tapos nagmano ako sa kanya at umupo muna sa tabi niya. Siguro namana ko kay Lola ang interes sa pagtingin sa paligid.

"Nalalapit na . . ."

Ayan na naman siya. Sabi nina Mama at Papa sa akin, may kakayahan daw si Lola na makita ang hinaharap pero hindi ganoon kalinaw. Fragments of images lang ang nakikita niya at hindi madaling unawain ang mga ito. Noong bata pa ako, hindi ako naniniwala, pero noong nangyari ang sinabi niya dati ay nagbago na ang pananaw ko. Siguro nga ay may kakayahan talaga si Lola.

"La, pasok na po ako." Tumango lang si Lola sa akin kaya naglakad na ako papasok sa bahay namin.

Kaming dalawa lang ni Lola ang nandito ngayon sa bahay. Si Mama kasi, historian samantalang si Papa ay anthropologist. Lumilibot sila sa buong Pilipinas at minsan ay lumalabas din sila ng bansa para sa researches na ginagawa nila. Umuuwi rin naman sila rito pero isang beses sa isang buwan lang dahil sobrang busy nila. Ayos lang naman sa akin dahil araw-araw naman silang tumatawag.

At ayan nga, tumatawag na si Mama.

Tumakbo ako papunta sa telepono namin at narinig ko kaagad ang boses ni Mama.

"Cyrene! Buti at sumagot ka. Kanina pa ako kinakabahan."

"Kakauwi ko lang galing school, Ma. Bakit?"

"Ewan ko ba. Ang sama ng kutob ko ngayon, eh. Pati si Papa mo, wala rin sa mood magtrabaho at nag-aalala sa'yo."

Bigla naman akong napaisip. Uso sa pamilya namin ang kutob at malakas talaga silang makaramdam. Hindi ko nga rin alam kung bakit. Tapos naalala ko ang sinabi ni Lola kanina.

"Di kaya may kinalaman 'yan kay Lola, Ma? Nagsasalita na naman kasi siyang mag-isa kanina. Feeling ko may nakikita na naman siya."

"O sige anak, basta mag-ingat ka. Sige, sige, nandito na ang boss namin."

"Bye, Ma."

Pagbaba ko sa telepono ay biglang bumigat ang pakiramdam ko. Napatingin ako bigla sa hagdan papunta sa attic namin at bumilis ang tibok ng puso ko.

Hindi nila ako pinapaakyat sa attic simula noong bata pa ako kahit hindi ko naman alam kung bakit. Basta bawal akong umakyat doon at hindi ko rin naman sila nakikitang pumupunta roon. Pero ngayon, parang may kung anong humahatak sa akin papunta sa taas.

Sinilip ko si Lola sa bintana at nakatingin lang siya sa paligid. Habang suot-suot ko pa ang bag at uniform ko ay umakyat ako sa attic nang dahan-dahan. Alam kong mali at papagalitan ako kapag nalaman nila, pero sobrang nacucurious ako ngayon kung anong meron sa attic.

Nang buksan ko ang pinto ay naamoy ko kaagad iyong parang pinaglumaan na ng panahon. Sinarado ko ang pinto at nilabas ko ang phone ko para magsilbing ilaw. Pagtingin ko sa paligid, hindi ko alam kung matatakot o mamamangha ako.

Sobrang daming lumang libro at scrolls. Pagtingin ko ay nakasulat pa ang iba sa baybayin at iba pang lengguwahe. Marunong akong magbasa ng baybayin dahil na rin sa mga magulang ko. Marami rin akong alam sa kasaysayan dahil iyon ang bedtime stories na ikinukwento nila sa akin noong bata pa ako.

Mayroon ding mga antique na bagay na ayaw kong lapitan dahil baka mabasag. Ang dami talagang nakalagay rito. Pero ang pinakanakaagaw ng atensyon ko ay iyong malaking baul na nakalagay sa gitna. Lumapit ako roon at dahan-dahan kong binuksan iyon pero nagtaka ako sa laman.

"Bakit kawayan lang ang nakalagay rito?" bulong ko sa sarili ko.

Sa laki ng baul ay isang kawayan lang na kasinghaba ng braso ko ang nakalagay at wala nang iba. Kinuha ko iyon dahil sa pagtataka at nang inikot ko ay may mga nakaukit pala. Saka ko napagtanto na baybayin pala ang nakalagay roon. Agad kong binasa ang nakasulat sa kawayan.

 Agad kong binasa ang nakasulat sa kawayan

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

"Paalam na, hiling ay muli kang mamasdan

Pangakong iniwan, sa huli ay makakamtan

Pagdating ng hapon, hindi na muling masisilayan

Ang nais ko lamang ay iyong kaligtasan."


Biglang bumigat ang pakiramdam ko. Nasaktan ako nang binasa ko iyon at ramdam na ramdam ko ang bigat ng bawat salita. Sino naman kaya ang nagsulat nito at para kanino?

Ibabalik ko na sana itong kawayan sa loob ng baul pero biglang nag-init ang kamay ko. Pagtingin ko, umiilaw na ang mga salita na nakaukit sa kawayan, at bago ko pa tuluyang maintindihan ang nangyayari sa akin, naramdaman ko ang pwersang humihila sa akin papunta sa loob ng baul.

Sa isang iglap, naglaho ang lahat.


***

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon