Twenty Five

2.5K 72 7
                                    

Gusto kong sampalin ang sarili ko para masigurado na gising talaga ako, na hindi ako nananaginip, at totoong si Miranda nga ang nasa harapan ko.

Nanginginig pa sa kaba ang dalawang kamay ko na nakahawak sa magkabilang pisngi niya. Hindi ako makapaniwala, si Miranda nga ang nasa harapan ko at totoo siya. Walang halong ilusyon.

"Oh, Ar! Nagulat ka yata," natatawang sambit nito habang hawak naman ang magkabilang pulsuhan ko. "Pasensya na at hindi ko na nasabi sa'yo na pupuntahan kita rito. Gusto kasi kitang sorpresahin. Alam mo bang sobra akong nalungkot nang nabalitaan ko kay Jacq na umuwi ka raw dito sa San Vicente. Ba't hindi mo ako sinabihan? Nakakapagtampo tuloy," salaysay pa nito.

Napabuntong hininga ako sa kanyang harapan. Hindi ko alam kung ano bang ang tamang salita ang maaari kong sabihin sa kanya. Iyong hindi ko masasaktan ang damdamin niya. Ngunit, may problema nga lang ako dahil umuurong ang dila ko at ayaw kong magbitaw ng salita.

"Ba't ayaw mong magsalita?" tanong nito sa akin. Bigla na lamang itong ngumiti at para bang mayroon siyang naisip. "Siguro ay gulat ka pa rin hanggang ngayon. Huwag kang mag-alala Ar, nandito na ako at hindi ka na magiging malungkot pa."

xxx

Pakiramdam ko ay nasa korte suprema ako. Ang ina ko ang husgado, ako ang akusado, at si Miranda naman ang biktima. Ano ba kasi itong problemang pinasukan ko? Masyadong padalos-dalos.

"Ano ang pangalan mo, hija?" malumanay na tanong ni Mama kay Miranda na nakaupo lamang sa tabi ko. Habang ako naman dito ay parang nag-uunahan nang tumulo ang pawis sa mukha.

Ngumiti naman si Miranda kay Mama at nagsimulang magsalita. "Ako nga po pala si Miranda Alexa Palma, Ma'am."

Natawa naman si Mama sa inasal ni Miranda at tumikhim naman ito kaagad nang mapansin nito ang nagtatakang mukha ni Miranda.

"Ay, Miranda, huwag mo na akong i-Ma'am. Tita na lang. Tita Remy kung gusto mo," suhestiyon sa kanya ni Mama.

"Sige po, Tita Remy na lang," pagsang-ayon nito, "mas nakakaganda po kasi ang Tita Remy."

Napangisi naman ako ng palihim. Kailan pa natutong mambola si Miranda? Ngayon ko lang ito nalaman.

"Naku! Hindi naman sa gano'n, hija." Natatawang wika pa ni Mama kahit halata namang gustong-gusto niya ang papuri ni Miranda.

"Ah, Ma," singit ko sa kanilang usapan. "Saan ang magiging kwarto ni Miranda?" tanong ko sa kanya.

Napatingin naman sa akin si Miranda at biglang hinawakan ang kanang kamay ko. Nagulat ako sa kanyang ginawa kaya't mabilis kong inagaw sa kanya ang kamay ko at natawa na lamang sa ikinilos ko.

"Hindi na Ar, nakakahiya naman. Maghahanap na lang muna ako ng marerentahan dito," sabi nito sa akin at tumingin ulit kay Mama.

"Huwag na hija, dito ka na lang muna manatili. Alam ko namang kaibigan ka ni Arianne do'n sa San Miguel, eh. Dito ka lang muna," sabi naman ni Mama sa kanya.

"Talaga po, Tita Remy?" manghang tanong sa kanya ni Miranda.

Tumango-tango naman si Mama bilang pagsagot. At 'yon na nga, pansamantala munang maninirahan dito si Miranda sa bahay kasama ko --- kasama ang pamilya ko.

xxx

Kaagad na naglulundag si Miranda sa itaas ng kama ko nang makapasok kami sa loob ng kwarto ko. Sabi pa nga ni Mama kanina, sa kwarto ko lang muna raw matutulog si Miranda sapagkat wala nga kaming guest room sa loob ng bahay. Hindi naman pwedeng sa kwarto siya ng kapatid ko. Ewan ko lang kung ano pa ang gawin ni Kuya Alrick sa kanya 'pag nagkataon.

"Ang ganda naman pala ng kwarto mo, Ar," papuri nito habang nakatitig sa puting kisame ng kwarto.

Inilagay ko lang muna ang kanyang travelling bag sa gilid ng study table ko. Umupo ako sa may upuan at pinagmasdan siyang nakahiga sa kama.

"Bakit ka ba kasi nagpunta rito?" tanong ko sa kanya at humalukipkip na para bang nag-iimbestiga sa isang pangyayari.

"Kasi nga..." paunang wika nito at tumingin sa akin, "gusto kitang makita."

"Bakit nga sabi?" pag-uulit ko sa kanya.

"Gusto nga kitang makita," pag-uulit naman nito sa sagot niya.

"Hindi 'yan ang tamang sagot, Miranda. Alam mo 'yan," seryosong wika ko sa kanya.

Bumuntong hininga naman ito at tumingin ulit sa akin. "Gusto kita Arianne at ayaw kong malayo sa'yo," direktang sagot nito, "tama ba ang sagot ko?"

Nagkibit-balikat na lamang ako at dumekwatro.

"Tama ang sagot ko, Ar. 'Yan talaga ang motibo ko kung bakit ako nandito," mahinahong wika nito at itinaas ang kaliwang kamay, "ang hirap-hirap mong maabot kahit ang lapit-lapit mo lang naman. Sabihin mo nga sa akin, lumalayo ka ba sa akin, Come?"

Nagulat ako sa kanyang sinabi. Sasabihin ko na nga ba sa kanya ang totoo?

"Sagutin mo ako, Come," mariing wika nito, "naghihintay ako sa sagot mo. Gusto kong malaman kung ano ang bumabagabag sa  isipan mo."

Tumayo ako sa aking upuan at lumapit sa kanya. Doon ay hinawakan ko nang mahigpit ang kanyang kamay at tinignan siya nang mabuti.

"Nilalayuan nga kita, Miranda. Pilit kong nilalayuan ang nagbabadyang pag-ibig ko sa'yo," pag-amin ko sa kanya. "At, hindi 'yon maganda. Alam ko sa sarili ko na hindi pa ako nakakalimot sa naunang pag-ibig ko."

Ngumiti na lamang si Miranda sa akin at hinawakan nito ang kaliwang pisngi ko.

"Ayos lang, Arianne. Maghihintay ako hanggang sa mahulog ka sa akin," nakangiting wika nito. "Sabihin mo lang sa akin kung nahuhulog ka na, handa akong saluhin ka."

At, hinagkan na niya ako sa labi.

Mending ArianneOn viuen les histories. Descobreix ara