Three

4.2K 116 16
                                    

Pasipol-sipol pa sina Bryan at Jacq habang rumarampa ang mga kandidata sa entablado suotang kanilang mga swimwear. Panay pa nga ang sigaw nila kapag kinikindatan sila ng ibang mga contestant.

"Tol! Kinindatan ako ni number nine!" pasigaw na wika ni Jacq kay Bryan na hindi naman tumitigil sa kapapalakpak.

"Hanep ako rin, Jacq! Si number twelve naman 'yong sa'kin!" balik na sigaw ulit ni Bryan. "Crush yata ako!"

Natawa naman ako sa mga pinagsasasabi ng dalawa kong kaibigan. Kahit ano na lang ang mga sinasabi nila. Katulad ng maganda si ganito, seksi si ganyan. Para sa akin, iisa lang naman ang nakakaangat sa kanilang lahat eh, iyon si Miranda.

Tinapos ko na ang pagkain ng isaw. Napansin kong tahimik si Mikaela mula pa kanina. Nakatutok na lamang ito sa kanyang cellphone at naglalaro ng Candy Crush. Napailing na lamang ako. Kasalanan 'to ni Jacq.

"Ayos ka lang?" tanong ko kay Mikaela at napatigil naman ito sa pagkalikot sa kanyang cellphone.

"Uhm, oo, ayos lang," alanganing sagot ni Mikaela saka ito bumalik sa pakalikot sa cellphone.

Tumayo naman ako sa aking kinauupuan saka nagpunta sa may pwesto ni Mikaela para tabihan siya.

"Seryoso?" paninigurdo ko naman.

Pansin ko namang nagkamot ng batok si Mikaela. Alam ko kung ano ang kahulugan no'n, hindi siya mapakali. Ganyan kasi siya kaya alam na alam ko kung bakit siya nagkakamot ng batok.

"Kasi naman si Jacq. Nakakainis," sambit nito sa akin.

"Ano ka ba, hayaan mo na si Jacq. Baka ikaw talaga ang gusto niya," biro ko sa kanya sabay tawa. Kanya naman akong sinuntok sa may braso, inis na inis talaga siya sa sinabi ko.

"Ikaw din. Nakakainis ka, magsama kayong tatlo!" inis na sigaw nito. Humagalpak naman ako. Bakit nasama si Bryan?

"Hindi ka na nasanay sa amin. Ang tagal na nating magkakaibigan," wika ko sa kanya.

Tumingin naman siya sa akin saka umarko na ang kanyang kaliwang kilay, "Eh, bakit ka pa ba kasi naging lesbian. Sana dalawa tayong straight na babae rito. Huwag mo nang isama si Jacq dahil babaero 'yon katulad ni Bryan."

Natawa naman ako.

"Ikaw naman. Alam mo na kung bakit ako naging lesbian," sabi ko sa kanya.

Tumirik naman ang kanyang mga mata, "Oo na! Dahil 'yon kay Miranda! Ewan ko ba kung anong apelyido niya. Miranda Paner, Miranda Paz ---"

"Contestant number five! Miranda Alexa Palma!"

"Oo! Si Miranda Palma!" sigaw ni Mikaela saka nanlaki ang kanyang mga mata at biglang tumayo sa kanyang kinauupuan.

"Oh my God! Si Miranda Palma nga!" histerikal na si Mikaela at tumingin sa akin. "Siya ang first love mo! God! Destiny kayo!"

xxx

First runner up si Miranda sa patimpalak. Hindi niya nasungkit ang title bilang Miss San Miguel. Pero, para sa akin, siya pa rin ang Miss San Miguel. Maganda ang naging kasagutan niya, lahat ng ginawa niya sa itaas ng entablado ay kamangha-mangha.

Hindi ko mapigilang hindi siya purihin dahil noong nasa sekondarya pa lang kami ay pinupuri ko na siya sa tuwing sumasali siya sa mga pageant kapag culmination month namin. Maraming may crush sa kanya, sikat siya sa mga kalalakihan pati na rin sa kababaihan. Siya ang Aphrodite ng Jose Villablanca National High School noon.

Magkaklase nga kami ni Miranda noon ngunit ni minsan yata ay hindi pa kami nagkausap. Sa tuwing may group activity ay tahimik lang naman ako, habang siya naman ay panay bigay ng mga ideya sa amin. Tinitignan ko lang siya kapag nagsasalita siya. Iyong tipong gusto mo na lang makinig sa kanya kahit wala ka namang maintindihan.

"Sayang! Hindi man lang nanalo si number nine," nanghihinayang na sambit ni Jacq habang nagbabayad siya sa mga inorder na isaw.

"Hindi lang siya deserving," wika naman ni Bryan.

Umupo naman sa tabi ni Mikaela si Jacq saka nito kinuha ang nag-iisang isaw sa plato.

"Makasabi ka namang hindi deserving parang ang ganda-ganda ng number twelve mo," biro naman ni Jacq.

"Tumahimik ka nga. Hindi naman din kagandahan si number nine," pang-iinis na ni Bryan kaya tumikhim na si Mikaela baka magbangayan na naman ang dalawa.

"Alam niyo, umuwi na tayo dahil antok na ako," wika ni Mikaela at naghikab.

"Eh, umuwi ka mag-isa," wika ni Jacq saka ngumisi.

Tinampal naman siya ni Mikaela sa bibig kaya napatigil siya sa pagkain ng isaw.

"Bakit ka nantatampal? Binibiro lang naman kita, ah!" pagalit na usal ni Jacq.

Nagkibit-balikat na lamang si Mikaela saka na siya tumayo.

xxx

Ayaw pa sanang umuwi na Jacq ngunit pinilit na lang namin siya baka sa susunod ay masapak na siya ni Mikaela kapag hindi pa kami umuwi. Ewan ko ba, sa tingin ko kasi ay may gusto itong si Mikaela kay Jacq. Hindi niya lang siguro masabi. O, baka naman si Jacq talaga ang may gusto kaya niya ito niloloko.

"Tapos na akong manlibre, ha?" pagpaparinig ni Bryan at nag-inat ito ng katawan habang kami ay naglalakad.

"Oo na! Dahil sa susunod ay ako naman," sarkastikong wika naman ni Jacq.

"Kaya, kailangan mo nang mag-ipon simula ngayon," biro ko naman.

"At kailangan na rin nating magbayad ng upa, Ar," nakangising wika nito.

Anak ng! Muntik ko na pa lang makalimutan. Pupunta si Gerald sa miyerkules para maningil ng upa.

"Ang dami niyo pa lang bayarin tapos ang lalakas niyong uminom," wika naman ni Mikaela. Napailing ako. Ang kill joy talaga ng babaeng ito.

Nang makalabas na kami ng plaza ay bigla na lamang ako napatigil dahil sa mayroong tumatawag sa apelyido ko. Naunang naglakad sina Mikaela at Bryan kaysa sa amin ni Jacq kaya kami naman ang nasa hulihan ngayon.

"Come!" sigaw ng pamilyar na boses.

Lumingon naman ako at nakita ko si Miranda na nagtatatakbo papunta sa akin. Nang makalapit na siya ay habol pa ang kanyang paghinga. Maayos na siya ngayon, wala ng make-up, at wala ng magarang damit at sapatos.

Nakatitig lamang ako sa kanya. Parang nagbalik iyong mga panahon na gustong-gusto ko siya.

"Come, masaya ako na nakita kita kanina," pagpapasalamat nito sa akin.

Napangiti naman ako. Ilang taon na rin ang lumipas, nakilala niya pa rin ako kahit malaki na ang ipinagbago ko. Ngunit sa palagay ko, bumabalik ulit ang pagtingin ko sa kanya.

Mending ArianneWhere stories live. Discover now