Nilisan nila ang lugar para tumakas at makabalik na sa bahay ni Laurea sa kabundukan ng Alaya.

Pero dinagit ng matandang bampira si Odessa at dinala sa bunganga ng nangangalit na bulkang Pinatubo.
Pinakiusapan ni Sagaway ang Malakat na si Alimog para iligtas si Odessa na kanya namang naisagawa.

Sa kabundukan ng Alaya nagkatagpo-tagpo sina Odessa, Laurea, Randy at Calisha. Nalagay sa alanganin ang buhay ni Randy ng bumukas ang malalim na sugat nito sa tiyan at halos maubusan ng dugo. Sa tulong ng dugo ni Odessa ay gumaling ang sugat nito.

Hindi nila inaasahan ang paglusob ng napakaraming mga lamang-lupa sa tahanan ni Laurea. Halos hindi maubos-ubos sa dami ang mga ito nang pigilan sila nina Laurea, Odessa at Sagaway.

Ginamit ni Laurea ang kanyang buong lakas at kapangyarihan ng mapansin niyang hindi na nila mapipigilan pa sa pagdami ang mga lumulusob na mga lamang-lupa. Isang napakalaking pagsabog ang kumitil sa buhay ng mga lumulusob na lamang-lupa.

Naging masama kay Laurea ang labis na paggamit sa kanyang kapangyarihan kaya nasa panganib ang buhay nito. Tanging ang nektar ng bulaklak ng Myrho ang makakapagpapagaling kay Laurea na kailangang hanapin pa sa kabundukang sakop ni Apo Mayari.

Samantala tuluyan ng lumusob ang mga anak ng buwan sa iba't-ibang bansa sa buong mundo. Marami ang namatay at karamihan sa mga lungsod at mga bansa ay bumagsak sa kamay ng mga nilalang ng kadiliman.

Nagsimulang naglakbay sina Randy at Odessa para hanapin at kumuha ng pulang nektar ng Myrho para sa ikagagaling ni Laurea. Hindi nila inaasahang makita roon si Demetria habang inaatake siya ng tatlong mandirigmang Sarangay.

Hindi nagdalawang -isip na tumulong si Odessa. Ngunit malalakas ang mga Sarangay kaya nanganib ang buhay ng dalawang babae.

Dahil sa kagustuhang mailigtas ang kasintahan ay hinawakan ni Randy ang Eskrihala. At dahil sa pangyayaring iyon ay nadiskubre nila na nasa katauhan ni Randy ang kaluluwa ni Banaual, ang bunsong anak ni Bathala sa isang mortal na babae.

Naging palaisipan kay Randy ang tungkol kay Banaual, ang tunay na nagmamay-ari sa Eskrihala.

Si Demetria ang naging susi sa mga alaala ni Odessa tungkol sa kanyang nakaraan. Ngunit walang lakas ng loob si Odessa na harapin ang kanyang nakaraan.

Patuloy sa pagsalakay ang mga anak ng buwan sa mundo ng mga tao. Marami ang naulila at nawalan ng mga mahal sa buhay. Mabilis na bumaba ang bilang ng mga tao sa mundo.

Nang marating nina Odessa, Demetria at Randy ang bulkang Pinatubo ay kaagad nilang nakita ang kanilang hinahanap. Ang halamang Myrho ay nakatanim mismo sa ulo ng dambuhalang ibon na tinatawag na Minokawa.

Dumaan sa butas ng karayom ang pakikipaglaban sa Minokawa. Pero lalong nakilala ni Randy ang katauhan ni Banaual sa kanya. Sa pagsanib ng kapangyarihan nina Odessa at Randy madali nilang natalo ang Minokawa.

Sa pagdating nina Claudius at Impong Sendang ay muntikan na silang nagapi ng dalawa. Sa pagsasakripisyo ni Calisha ay nailigtas ang buhay nina Odessa, Randy, Demetria, Sagaway at Alimog.

Masakit para kay Odessa ang pagkamatay ng kaibigan niyang si Calisha. Dahil sa galit at sa inaakalang bihag ni Claudius si Laurea ay nagdesisyon siya na lusubin si Claudius para sagipin si Laurea.

Sa kanilang paglusob ay nakita nila ang kalunos-lunos na kinahinatnan ng mga lungsod at pamayanan sa paglusob ng mga anak ng buwan sa mundo ng mga tao.

Pagdating nila sa paanan ng mansion ni Claudius ay sinalubong sila ng mga anak ng buwan. Hindi na tinatablan ng sikat ng araw ang mga ito dahil na rin sa epekto ng pulang likido na galing sa nektar ng Myrho.

Naging mahirap kina Odessa ang pakikipaglaban sa mga anak ng buwan lalo na't malaya nang gumalaw ang mga ito sa sikat ng araw.

Nagkasagupa ang mag-amang Claudius at Demetria. Pilit na ipinapakilala ni Claudius ang sarili niya kay Demetria bilang kanyang ama, ngunit hindi ito tinanggap ni Demetria.

Dumating si Morgana para ipakiusap na huwag patayin ni Claudius ang anak niyang si Demetria pero napagbalingan siya ng galit ng lalaking Sangre kaya napahamak si Morgana sa kamay ng dating kaibigan.

Sa loob ng mansion ay muling binuhay ni Impong Sendang ang pinagmulan ng lahat ng kaguluan sa pagitan ng mga aswang at tao, si Anilaokan.

Naagaw ni Claudius ang kalahati ng Eskrihala. Pero taliwas sa kanyang inaasahan ay biglang nagliyab ang buong katawan nito at nahulog sa mayayabong na puno sa paligid ng mansiyon na kung saan naglaho siya na parang bula.

Hinanap ni Odessa si Claudius sa mansion at sinubukan rin hanapin si Laurea sa loob nito, pero hindi nila nahanap ang kanilang mga pakay. Bagkus ay nakasagupa nila ang mga Sarangay.

Sa kanilang paghahanap ay labis silang nasorpresa ng makita nilang buhay si Anilaokan kasama si Impong Sendang. Sa tabi nila ay ang walang malay at nakalutang na si Laurea na akmang itatakas siya sa ng dalawang alagad ng dilim sa pamamagitan ng ginawang lagusan ng matandang Bruha.

Napatay ni Odessa si Impong Sendang, ngunit nakapasok na si Anilaokan at ang kanyang ate Laurea sa loob ng lagusan. Pilit na hinabol ni Odessa ang lagusan bago pa ito magsara at mahuli ang lahat.

Pero nang makapasok na si Odessa sa lagusan ay napunta siya sa isang maliit na isla sa gitna ng karagatan at wala siyang kaalam-alam kung saang lugar ito...

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now