“Tsk! Hon, matagal pa kung hihintayin natin silang
gumapang. Please, isa lang.” Mabilis niya akong hinalikan ulit.

“Behave, Daddy!”

Natigil ang pag-uusap namin nang nag-ring ang cell phone
niya. Bumangon naman siya at sinagot ang tawag. Puro “opo”
at “sige po” lang ang naging sagot niya.

Tapos may kinumusta siya. Maya-maya ay ibinaba na niya ang tawag, saka seryosong
humarap sa ’kin.

“Hon, bakit? May nangyari ba?” kabado kong tanong.

“Hon, it’s about your parents. ’Yong tunay mong mga
magulang, nahanap ka na nila.” Ano raw? Kilala niya ang
parents ko?

“Paano? Kilala mo sila?” gulat kong tanong.

“Nasa ospital ang mommy mo ngayon. Hindi pa dapat nila
sasabihin sa ’yo ang totoo, pero may nangyari kasi.” Ospital
agad? Ni hindi pa nga kami nagkikita.

“I want to see them. Gusto ko silang makilala.”

Niyakap ako ni Xander. “You will, hon. Pupuntahan natin
sila agad. Tandaan mo, kahit anong mangyari, nandito lang
ako sa tabi mo. Mahal na mahal kita.” He then kissed me on the
forehead.

Nagbihis kami at ibinilin ang kambal kina Mommy Sandra at
Ate Marga. Gustong sumama ni Chloe pero hindi na namin siya
isinama dahil hindi rin kami sigurado kung ano ang sitwasyon sa ospital.

Mas lalong tumitindi ang kaba ko habang papalapit kami sa
ospital.

Hinawakan ni Xander ang kamay ko. “Mabuti silang tao,
hon. Just relax.” Kung batukan ko kaya siya?! Ba’t hindi niya na lang kasi sabihin kung sino sila?

Pumasok kami sa isang kwarto, at nagulat ako nang nakita ko
sa loob si Tito Mauro, nakatayo sa gilid ng higaan ni Tita Connie.

Mabilis ko silang nilapitan. “Tita, anong nangyari?”

“Inatake ako ng high blood, anak,” sagot ni Tita Connie.
Hindi sana bago sa ’kin ang pagtawag niya ng anak, pero
ngayon lang nag-sink in sa ’kin ang lahat.

Lumingon ako kay Xander at mukhang nakuha niya ang nais kong itanong sa kanya. Tumango naman siya.

“Hija, marahil alam mo na ang totoo. Ikaw si Maureen, ang nawawalang anak namin. Kay tagal ka naming hinanap.
Nakalulungkot lang na hindi mo na kami maalala. Bata ka pa rin kasi noong nawala ka,” paliwanag ni Tito Mauro.

Sila ang mga magulang ko? Ang mga taong kumupkop sa ’kin noong nangailangan ako ng tulong? Kaya pala magaan ang
loob ko sa kanila.

Ibig sabihin may kakambal ako? ’Yong mga bata sa picture ay ako at ang kakambal ko!

“Anak, patawad at hindi namin agad sinabi sa ’yo ang totoo.
Natakot kasi kami sa magiging reaksyon mo. Baka kamuhian
mo kami. Pero anak, hinanap ka namin ng daddy mo. Walang
araw na hindi ka namin inalala. Kay buti ng Panginoon dahil
pinagtagpo Niya tayo,” sabi naman ni Tita Connie.

Nilapitan ko si Tita Connie, este, ang mommy ko. Umiiyak
na kasi siya at baka makasama sa kanya ’yon. “Hindi ko man po alam ang dahilan kung bakit tayo nagkalayo, wala po akong galit sa inyo, lalo na at nalaman kong hinanap n’yo ako.” Mabubuti silang tao.

Napatunayan ko na ’yon at alam kong nangungulila sila sa ’kin. Ganoon din naman ako sa kanila. Niyakap ko ang ina
ko. “Mommy, kayo ang mommy ko.”

Umiiyak na niyakap niya rin ako. “Ako nga, anak. Ako si Mommy. Mahal na mahal kita. Mahal ko kayo ng kakambal mo.” Pinahid ko ang mga luha niya.

“’Wag na po kayong umiyak.
Makasasama sa inyo ’yan. Nandito na naman po ako. Hindi na ako mawawalay sa inyo.”

Niyakap din ako ni Daddy. “Mahal na mahal kita, anak.”

Nagkita na rin kami sa wakas. Panigurado ay matutuwa ang
kinalakihan kong mga magulang sa magandang balitang ito.

Alam kasi nila kung gaano ko kagustong makilala ang tunay
kong mga magulang.

“Minahal ko na po kayo bago ko pa man nalaman na mga
magulang ko kayo.” Ngayon ay masasabi kong kumpleto na ako. Nakilala ko na sila, at makikilala ko na rin ang kakambal ko.

Nagkwentuhan kami nina Mommy at Daddy. Nakapaninibago pero masasanay din akong tawagin sila bilang mga magulang ko.

Nalaman ko rin kung paano ako nawalay sa kanila. Marahil
daw ay napunta ako sa bangka na ’yon. Magkatugma kasi ang
kwento ko kung paano ako napulot nang kinilala kong tiyuhin.

Masaya akong malaman na hindi nila ako inabandona, at na
hinanap nila ako. Ngayon alam ko na ang dahilan kung bakit
napadpad ako sa lugar na ’to. Kay buti ng Panginoon.

“Pupunta po ba dito ang kakambal ko? Gusto ko siyang
makilala,” sabi ko sa kanila.
Nagkatinginan sila, pati na ang asawa ko.

“Hindi ko alam kung matutuwa kang makilala ang kakambal
mo,” pag-amin ni Daddy. Anong ibig niyang sabihin?

“Bakit naman po? Kapatid ko siya at masaya akong
makilala siya.” Muli silang nagkatinginan.

“Darating din tayo d’yan, anak. Hintayin muna nating
bumuti ang lagay ng mommy mo,” dagdag pa ni Dad.

Nagtataka man ako kung bakit tila ayaw pa nilang
magkakilala kami ng kakambal ko, hindi na lang ako umimik.
Sigurado ay may dahilan sila. Pero kahit ano pa man ’yon,
matatanggap ko pa rin naman siya dahil kapatid ko siya,
kakambal, at kadugo.

Masaya kong inalagaan si Mommy, kagaya ng pag-alaga
niya noong nasa kanila ako. Kaya pala mabilis kaming
nagkapalagayan ng loob, dahil mag-ina pala kami. Kahit si
Daddy, sobrang bait sa akin.

Instant Mommy Ako? (PUBLISHED under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon