"Magkaibigan lang kasi talaga kami. Masyado mo lang binibigyan ng kulay ang mga bagay-bagay."

"'Yan nga ba talaga ang dahilan?" kunut-noo nitong tanong. "Baka naman si Benjamin ang dahilan kaya hanggang ngayon, hindi ka pa nagbo-boyfriend."

Matamis na ngiti ang itinugon ni Maya, at alam ni Pam ang ibig sabihin noon. Tumayo ito at nagtuluy-tuloy sa lababo.

"Oy, sinasabi ko sa iyo Maya, kung naghihintay ka ng isang tulad ni Benjamin na darating sa buhay mo, kalimutan mo na. Suntok 'yon sa buwan, tatanda ka nang nag-iisa, sinasabi ko sa'yo."

Alam ko naman 'yon. Suntok talaga 'yon sa buwan at hindi naman ako umaasa kahit na katiting na tingin man lamang ni Benjamin. Oo nga at sobra akong humahanga sa kanya pero hindi ibig sabihin noon ay in love na ako sa kanya. Galit ako sa mga mayayamang babaero at si Engr. Contreras ay isa sa mga malulupit na mayayamang babaero na kilala ko.

"O baka naman dahil pa rin iyan kay Noel?" Pagkatapos maghugas ng pinggan ay muling lumapit sa kanya si Pam doon sa mesa.

Muntik nang mahulog ni Maya ang hawak na baso nang sabihin iyon ni Pam. "S-sino?"

"Si Noel."

"At bakit naman nasama 'yon sa usapan?" taka niyang tanong.

"Maya, kahit hindi mo sabihin, alam ko na minsan, iniisip mo pa rin si Noel at iniisip mo pa rin kung magkikita uli kayo ni Noel."

"Pam naman, panahon pa ng Kastila 'yon, ano ka ba naman?" Tumayo siya at nagpunta sa sala. Alam ni Pam ang lahat ng tungkol sa yugtong iyon ng kanyang buhay at saksi ito sa saya at lungkot ng nakaraan niya, maging ang mga kabaliwan niya dahil doon.

"Sus, kahit pa ba panahon pa ng mga dinosaurs 'yun, e."

"Evangelista, umamin ka nga, hanggang ngayon ba, si Noel pa rin ang nandiyan sa lintik na puso mo?"

Pinagtawanan lang iyon ni Maya at tumalikod kay Pam. "Puwede ba, nakabaon na sa limot 'yon."

"Good. Dahil ako na mismo ang mag-uuntog ng ulo mo sa pader kapag sinabi mo sa akin na hindi mo pa rin iyon nakakalimutan."

Sobrang kabaliwan nga siguro talaga kung hindi ko pa rin siya nakakalimutan hanggang ngayon. Maraming taon ko nang pinilit na limutin siya pero 'yung totoo, alam kong lolokohin ko lang ang sarili ko kung sasabihin ko na talagang nalimot ko na siya nang tuluyan.

~~

"MARE, gutom lang iyan," sabi ni Pam sa kanya matapos niyang sabihin na nakita niya si Contreras na nakatingin sa direksiyon nila. Magsisimula pa lamang ang shift nila nang araw na iyon, katatapos lamang um-order ni Benjamin ng parati nitong ino-order – cappuccino, at kasalukuyang nagbabasa ng diyaryo doon sa hindi kalayuan.

"Ito naman, hayaan mo na ako, ito na nga lang ang kaligayahan ko sa buhay, eh."

"Baka lang kasi nagtataka na 'yan kung bakit ka tingin nang tingin. Hindi naman siguro 'yan manhid para hindi mapansin 'yang kakatitig mo. Baka mamaya, ipahuli ka niyan sa pulis, sige ka."

"Tumitingin lang naman, masama ba siyang tingnan?" sabi ni Maya. "Hay, sana ako na lang 'yung cellphone niya para lagi niya akong kausap..." sabi pa niya na tila ba nangangarap habang nakapalumbaba na nakatingin kay Benjamin. "...sana ako na lang 'yung diyaryo para lagi niya akong tinitingnan...sana ako na lang 'yung tasa para lagi niya akong kini-kiss..."

"Hay naku, Maya. Sana tigil-tigilan mo na 'yang mga kalokohan mo para makapag-trabaho na tayo nang maayos."

Sinundan ni Maya ang kaibigan hanggang doon sa labas ng coffee shop para magpunas at maglinis ng mga mesa roon. "Siya nga pala, tinawagan ko na si Ate Josie para sa reservation sa lodge." Nakasanayan na kasi naming dalawa ni Pam ang umakyat ng Baguio isang beses isang taon. Minsan, isang linggo kami doon, minsan, tatlong araw. Hindi lumilipas ang isang taon nang hindi namin nabubulabog ang mga paru-paro sa butterfly farm sa Camp John Hay. Limang taon na naming panata 'yon ni Pam.

"Uy ha, hindi pa ako sigurado. Baka kasi dumating si Henry."

A, si Henry, the love of her life. Account executive ito na nakadestino sa Boston. Suwerte na 'yong dalawang beses sa isang taon na makapagbakasyon si Henry sa Pilipinas kaya naman wala na akong counter-argument kapag si Henry na ang usapan dahil alam ko kung gaano iyon ka-importante kay Pam. Ewan ko ba. Kahit pa mali, wala akong magawa kundi suportahan si Pam sa sitwasyon nito. Alam ko kasi kung gaano niya kamahal si Henry, kahit pa may iba na itong pamilya sa Boston.

Kaya nga ba takot na akong magmahal. Dahil alam ko sa sarili ko na pareho lang kami ni Pam pagdating sa ganoong bagay. Pareho kaming tanga at walang pakialam kapag nagmahal. Pero kung mayroon mang isang lalaki na muling magpapatibok sa puso ko, si Engr. Benjamin Contreras III iyon at wala nang iba. Pero alam ko rin naman na abot hanggang langit na pangarap lang iyon at wala iyo'ng patutunguhan.

~~

The Girl From The Coffee Shop 1Where stories live. Discover now