Chapter 25

2.8K 168 29
                                    

Nang idilat ni Cindy ang mga mata ay nasa isang hospital ito. Tinanong niya ang nurse na nag-aadjust ng kanyang IV fluid kung pa'no siya napunta doon.

"Hinatid kayo kanina ng isang matanda at isang lalaki."

"Sino?"

"Hindi ko po natanong ang pangalan nila kasi biglang umalis."

"I need to get out of here!"

"Ma'am, hindi pa pwede kasi oobserbahan ka pa."

Mahigit isang linggong nagkulong si Cindy sa kanyang kwarto. Tuliro ito. Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanya. Nakapatay siya ng tatlong tao. Ngunit ang iniisip niya ay masasamang tao naman ang napaslang niya. Hindi mawaglit sa isip niya ang mga pangyayari -- ang muntik niyang pagkakagahasa at ang kung anong kapangyarihan meron siya na hindi niya maintindihan.

Isang umaga laking hilakbot ni Cindy nang magising siya na nasa tapat ng kanyang kama ang isang matanda. "Sino ka! Ano'ng ginagawa mo dito?"

"Wag kang mag-alala. Hindi ako masamang tao," saad nito sa namamaos nitong boses.

"Ako si Melchor. Ako ang tagaingat ng mga mahiwagang hiyas."

"Pa'no ka nakapasok dito?" Nilapit ng babae ang mga binti sa kanyang katawan. Nanginginig siya sa kaba. Ngunit nakita niya lang na ngumiti ang matandang masangsang ang amoy at madungis.

"Hindi na importante iyon. Ang importante ay kung ano ka."

"Ano? Hindi kita maintindihan. Umalis ka na kundi sisigaw ako!" Nagulantang si Cindy nang magliwanag ang katawan ng matanda at naglaho ito. Sinampal-sampal niya ang sarili. Nababaliw na ba siya? Biglang napaiyak ang babae. Natatakot siyang baka nasisiraan na siya ng bait.

Lumitaw muli ang matanda sa gilid ng kama niya. "Gusto mo bang malaman ang nangyayari sa iyo?"

Napaigtad muli ang dalaga. "Sino ka ba? Paano ka nakapasok dito?" Maluha-luha na siya.

Ginalaw ni Melchor ang mga palad sa harap ng dalaga tanda na huminahon siya. "Ako si Melchor. Hindi mo ako kilala --"

"Talagang hindi kita kilala! Kaya umalis ka na, kundi sisigaw ako." Matalim na tinitigan ng umiiyak sa tarantang dalaga ang matanda.

Naglakad ang matanda patungo sa gilid ng bintana at dumungaw. "Ikaw ang pinili ng hiyas ng tubig na humawak sa kapangyarihan nito."

"Ano? What are you talking about?" Sumimangot siya. Yakap pa rin niya ang mga binti.

"Ikaw ang nakatakdang piliin ng hiyas ng tubig," saad ng matanda na nakadungaw pa rin sa bintana na tila malalim ang iniisip.

Kahit nagtataka at natatakot ay pinakinggan ni Cindy ang matandang kanina'y nagpakilala bilang si Melchor. "Hindi kita maintindihan. Bakit ako?"

"Hindi ko alam. Hindi ko batid ang diwa ng mga elemento."

"Teka, ano'ng hiyas?"

"Wala ka ba noong napapansing kakaibang bato?"

Naalala ni Cindy ang isang bato na kulay asul. Madalas niya itong nakikita ngunit hindi niya masyadong pinapansin. Ilang beses niya na itong tinapon sa basurahan. "Ibig sabihin..."

"Iyon ang hiyas ng tubig."

"Pero mukhang ordinaryong bato lang yon sa pagkakatanda ko."

Tumangu-tango si Melchor. "Walang bahid na espesyal na itsura ang mga batong iyon."

"At," dugtong ni Cindy, "hindi ko na rin nakikita yon."

"Hindi mo na makikita iyon dahil sumanib na ito sa iyo." Lumingon na ang matanda.

"Paano? Wala naman akong naramdamang sumanib sa akin." Kahit nagtataka ay medyo kumalma na ang dalaga. Napagtanto niyang mukhang wala namang gagawing masama ang mukhang ermitanyo.

"Pero lumalabas na ang kapangyarihan nito. Hindi ba?"

"Pero yelo, hindi tubig."

"Hindi ba ang yelo ay isang anyo ng tubig?" Ngumiti si Melchor at humakbang malapit sa dalaga.

"Pero, manong, ayoko nito!" Umiling si Cindy at ngumiwi. "Pa'no ito mawawala?"

"Wala ka ng magagawa. Ikaw ang pinili ng kalikasan na humawak sa hiyas ng tubig. Hindi ba't nailigtas ka nito sa kapahamakan?"

Naalala ni Cindy ang muntik nang pagkakagahasa sa kanya. Tumango ito.

"Iilan lang tayong may kakaibang kakahayan." Pinakita ni Melchor ang nagsasayaw na mga butil ng ilaw sa paligid ng kanyang kamay. "Hindi sumpa ito. Bagkus ay gantimpala. Pero dapat gamitin sa tama."

Namangha si Cindy sa nakita. "Pero, manong Melchor, paano ko ito makokontrol?"

"Hindi mo pa ba kayang kontrolin?"

Umiling si Cindy. Kinuha ni Melchor ang plorera sa mesang nasa gilid ng higaan ni Cindy. Tinanggal niya ang mga bulaklak dito. Biglang tinapon ng matanda ang lamang tubig nito kay Cindy, ngunit maagap ang dalagang inangat ang mga kamay nito upang masangga ang tatamang tubig. Ginulat at minangha siya ng sunod na nasaksihan. Tumigil ang mga tilamsik ng tubig sa ere.

Natigilan si Cindy. Tinitigan nito ang mga butil at globo ng tubig sa ere at pagkatapos ang kanyang mga kamay.

"Buuhin mo ang mga patak ng tubig sa iyong isipan," saad ni Melchor.

Yun nga ang ginawa ni Cindy. Inimagine niya na nagsasasama-sama ang mga butil. At nakita niyang unti-unting nagkumpulan ang mga butil at globo ng tubig sa ere at naging isang gumagalaw-galaw na bilog ng tubig na sinlaki ng suha. Nagulantang ang dalaga.

"Isipin mong nagyeyelo ito."

Ganun din ang ginawa ni Cindy. Unti-unting pumuti at tumigas ang bolang tubig sa ere. Kinuha ito ni Melchor at iniabot kay Cindy na nanlalaki ang mata sa mangha.

"Isang gantimpala ang kapangyarihang ito. Gamitin mo ito sa tama."

Hinawakan ni Cindy ang bolang yelo. Sa mangha ay napangiti siya. "Pero, teka. Dun sa bodega wala namang tubig nung naging yelo ang mga lalaki."

Ngumiti ang matanda. "Hindi ba't mahigit sisenta porsyento sa katawan ng tao ay tubig?"

Napakunot ng noo ang dalaga. "Oo nga," bulong niya.

"May isa ka pang dapat malaman," saad ni Melchor.

"Ano 'yon?" tanong ni Cindy habang nilalaro ang bolang yelo.

"Kontrolin mo ang iyong emosyon. Ang iyong kapangyarihan ay nakatali sa iyong emosyon. Maaaring may magawa kang pagsisihan mo kapag ginamit mo ang kapangyarihan mo sa bugso ng matinding emosyon."

Nakatuon lang ang atensiyon ng dalaga sa bolang yelo na nilalaro niya sa kanyang higaan. Napangiti siya. Nawala na ang pangamba. Nang iangat at igala niya ang kanyang tingin ay -- "Manong, asan na kayo?"

Nawala na si Melchor sa silid ni Cindy, ngunit gumaan ang kanyang pakiramdam. Kung anu man itong kakaibang kakayahan niya ay sinalba nito ang kanyang buhay. Iyon ang tumakbo sa isip kaya lumakas ang kanyang loob. Habang nilalaro ang yelong unti-unti na ring natutunaw sa kanyang kamay ay nakapagsalita siya, "I know who sent those guys to get me. Humanda ka sa akin."

Kinabukasan ay pumasok na ito sa trabaho. Binati naman siya ng mga kasamahang inakalang nagkasakit lang ito. Nakita ni Cindy na masama ang tingin ni Sandy sa kanya. Sinuklian niya ng matalim na titig ang mga tinging iyon.

-------------

P.S. Kung may mga hindi kayo maintindihan, drop the questions below. Mas gusto ko dito mag-update sa WattPad kasi nakikita ko kaagad ang responses ninyo.

Enchanted Series 2: Ang Supling ng LiwanagWhere stories live. Discover now