Roleta

6.5K 246 26
                                    

Lulong sa sugal si Jude. Araw-araw laman siya ng mga casino. Wala siyang tigil sa pagsusugal hanggang sa 'di niya namalayang naubos na pala ang milyon-milyon niyang napanalunan sa lotto.

Sa kagustuhang mabawi lahat ng perang nawala ay pati mga iligal na pasugalan ay pinatulan na niya. Pero sadyang kadikit niya ang malas dahil talo pa rin siya.

Huling bala na niya ang titulo ng kanyang bahay at lupa.

Nagtawan ang mga kalaro niya. "Sigurado ka ba d'yan pare?"

"Oo, sigurado ako. Pakiramdam ko padating na ang swerte ko," kumpyansang sagot niya.

Isa-isa silang bumubunot ng baraha. Isa-isa ring pinag-aaralan ni Jude ang mukha ng mga kalaro niya. Hindi niya mabasa ang mga ito.

Kahit na. Mukhang panalo na naman ako. Sabi niya sa sarili. Maganda kasi ang mga barahang nabunot niya.

"Straight Flush," buong pagmamalaking ibinaba ni Jude ang mga hawak niyang baraha at saka tumayo at payakap niyang kinuha ang mga perang nasa lamesa. "Pa'no ba 'yan mga pare, akin na 'tong lahat," mayabang niyang sabi. Sa tantya niya ay limang milyon ang nasa ibabaw ng lamesa.

"Teka lang, masyado kang mabilis. Hindi mo pa nga nakikita ang mga baraha ko." Hinawakan siya sa braso ng isa sa mga kalaro niya at saka nito ibinaba ang mga hawak na baraha. "Royal Flush," nakangisi nitong sabi. "Paano ba 'yan pare, akin na 'tong lahat," may pangungutya nitong sabi.

Napaupo dahil sa panlulumo si Jude. Wala na ang lahat sa kanya; pera, sasakyan, bahay at lupa. Naisip niya ang kanyang asawa at mga anak. Wala nang bahay na sisilungan ang mga ito.

Halos mabaliw sa kaiisip ng solusyon si Jude, nang may isang lalaking lumapit sa kanya paglabas niya ng sugalan.

"Pera ba ang problema mo? Bakit 'di mo subukan maglaro rito?" May inabot itong papel sa kanya.

Binasa ni Jude ang laman ng papel.

RouletteUnderground.com

Hindi namin kailangan ang pera mo.
Ang kailangan lang namin ay ang tapang mo.
Handa ka na bang baguhin ang kapalaran mo?

"Lubayan mo 'ko! Saan ka nakakita ng sugal na 'di kailangan ng pera?! Pinagloloko mo 'ko!" sigaw ni Jude.

"Hindi masamang maniwala," nakangiting sabi ng lalaki at saka ito umalis.

Pinagmasdan lang ni Jude ang lalaki hanggang sa makalayo na ito at lamunin ng kadiliman ng gabi.

Umuwi ng bahay si Jude. Pinagmasdan niya ang kabuuan nito. "Wala na. Hindi na sa akin ang lahat ng ito," bulong niya. Isang linggo lang ang binigay na palugit sa kanya. Pagkatapos ng isang linggo sa kalsada na sila titira ng pamilya niya.

Hinubad ni Jude ang pantalong suot niya at mula sa bulsa no'n ay nahulog ang papel na binigay ng lalaki kanina.

"Hindi masamang maniwala." Naalala niya ang sinabi ng lalaki.

Napatingin siya sa asawa niyang mahimbing na natutulog sa kama.

"Para sa pamilya ko," bulong niya. Kinuha niya ang laptop niya at itinipa ang www.rouletteunderground.com

Biglang naging itim ang buong screen ng laptop. Akala ni Jude ay nasira ito pero ilang saglit lang, ay mababasa na sa gitna ng itim na screen at nakasulat sa puti ang mga salitang nakasulat din sa papel na inabot sa kanya kanina.

Hindi namin kailangan ang pera mo.
Ang kailangan lang namin ay ang tapang mo.
Handa ka na bang baguhin ang kapalaran mo?

Twisted MindsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon