Last Show

7.9K 310 20
                                    

Guys gumawa ako ng Youtube Account for my short stories. Ipopost ko doon yung mga stories ko na napost na dito and mga bago na rin. Nilagyan ko ng BG music para mas may feels ang pagbabasa. haha XD Sana mabisita niyo yung channel ko. :) Yung link sa taas. Salamat! :)


Nakapikit ang mga mata ni Mang Julio habang sinasariwa ang mga panahon niya sa ibabaw ng entablado. Gumagalaw ang kanyang mga daliri na tila tumutugtog ng piano sa hangin at malapad ang kanyang ngiti habang inaalala ang mga tawa't-ngiti ng kanyang mga manonood. Kahit nasa isipan lang niya ang lahat ng ala-ala ay parang naririnig niya ang magagandang musika na nagiiba-iba depende sa tema ng kanyang palabas. At sa pagsarado ng telon; mga palakpakan at mga papuri naman ang nangingibabaw.

Kung maari lang sanang huwag nang muling dumilat pa ay 'yon na ang nais ni Mang Julio. Gusto niyang lamunin na lang siya ng mga ala-ala at huwag nang bumalik pa sa realidad ng buhay niya ngayon. Ang buhay niyang nakulong sa isang maliit na kwarto na tanging ingay ng mga nagbabangayang kapit-bahay at ang araw-araw na paniningil ng landlady ang kanyang naririnig.

Pagmulat ng kanyang mga mata ay balik na naman sa kadiliman si Mang Julio. Walang ilaw sa kanyang kwarto, walang tubig sa gripo at walang pagkain sa hapag. Mabuti pa ang mga nakapilang langgam na naglalakad sa pader ay may mga bitbit na pagkain at ang pusang nakikiupo sa kanyang bintana ay naghihimod at naglilinis ng katawan; tangay ng hangin ang lansa ng isdang kinain nito kanina.

Tumayo si Mang Julio para kunin ang kandila at posporo. Sinindihan niya ang kandila at itinayo sa ibabaw ng lamesang kahoy. Pinuno ng dilaw na liwanag ang kwarto at mabagal na sumasayaw ang apoy sa dulo ng mitsa ng kandila.

Tumayong muli si Mang Julio at sa sulok ng kanyang kwarto ay isang kahon ang kanyang kinuha. Halatang matagal na niya itong hindi nabubuksan dahil sa kapal ng alikabok nito. Pinagpagan ni Mang Julio ang ibabaw nito bago binuksan. Sa biglang tingin ay aakalain mong may taong nakahiga at nakapamaluktot sa loob, ngunit isang puppet pala ang laman nito. Ingat na ingat niyang binuhat ang puppet na gawa sa kahoy na nakasuot ng polong puti, itim na pantalon at brown na sinturon at sapatos. Dilat ang malalaking mga mata at nakaguhit ang malapad na ngiti nito. 

Ito na lang ang nag-iisang puppet ni Mang Julio; naibenta na niya lahat dahil sa kakapusan sa pera. Kasabay kasi ng pagtanda ni Mang Julio ay ang unti-unti na ring pagdalang ng mga palabas niya sa teatro, hanggang sa mga pistahan na lang sa mga baryo siya naiimbitahan, hanggang sa wala na talaga. 

Kinuha niya ang kahoy na nakadugtong sa mga tali na nakadugtong naman ang kabilang dulo sa puppet. At sa pagtaas ng mga kamay ni Mang Julio; akala mo'y biglang nabuhay ang puppet dahil nakatayo na ito. Sa bawat galaw ng mga daliri ni Mang Julio ay sumusunod ang kilos ng puppet. Ang maliit na kwarto ni Mang Julio ang nagsilbing entablado nila. Ang ingay sa labas ang naging musika nila. At ang mga langgam sa pader at ang pusang nasa bintana ang mga manonood nila.

Walang mapagsidlan ng kasiyahan si Mang Julio. Para siyang isang ama na muling nakita at nakapiling ang nawalay na anak. Ngunit ang kasiyahang ito ay biglang naputol nang dahil sa biglang pagpasok sa kwarto ng isang matabang babae. Biglang napatigil si Mang Julio at napalingon.

Tumawa ang babae. "Ano'ng kalokohan 'yan Mang Julio? Bumabalik na ba kayo sa pagkabata n'yo at naglalaro kayo?"

Marahang ibinaba ni Mang Julio sa upuan ang puppet. "S-selia ikaw pala."

"Ako nga po at sino pa ba? Wala namang bumibisita sa inyo rito 'di ba? Renta n'yo nasa'n na?" Inilahad ni Selia ang palad niya sa harap ni Mang Julio.

Pilit na nangiti si Mang Julio, "Naku, pasensya ka na Se--"

"Pasensya, pasensya, pasensya, puro na lang pasensya. Ilang buwan na ba akong nagpapasensya Mang Julio? Hindi po home for the aged to Mang Julio. Hindi libre ang pagtira rito."

"Pasensya na talaga... Hahanap ako ng paraan para makabayad."

"Kaya n'yo bang mag-produce ng pera ngayon? Kung hindi eh, magbalot-balot na kayo." Biglang natawa si Selia. "Ano nga palang babalutin n'yo, eh wala namang laman 'tong kwarto n'yo kundi yang lamesa at upuan." At napatingin si Selia sa puppet na nakasandal sa upuan. "Ilan taon na 'yan sa inyo?" Itinuro nito ang puppet.

"Matagal na. Mahigit apatnapung taon na sa akin iyan." Buong pagmamalaking sagot ni Mang Julio.

"Eh di antigo na pala 'yan." Naglakad palapit sa upuan si Selia at binuhat ang puppet. "Mahal kaya 'to 'pag nabenta?"

Nagulat si Mang Julio sa sinabi ni Selia kaya mabilis niyang kinuha ang puppet mula rito.

"Hindi ko ito ibebenta!" Halos pasigaw na sagot ni Mang Julio.

"At sino kayo para tumanggi? Akin na nga 'yan!" Hinablot ni Selia ang puppet at nahawakan niya ito sa ulo at dahil sa marahas na paghila ay nahugot ito, nahulog at nagpagulong-gulong sa sahig.

Natulala si Mang Julio dahil sa nakita. Tinuring na niyang anak ang puppet at binigyan pa niya ito ng pangalan. Simon ang pangalan nito tulad ng namayapa niyang anak na namatay sa isang sunog kasama ng kanyang asawa.

"Ano'ng ginawa mo sa anak ko?!" Sigaw ni Mang Julio na nandilim na ang paningin. Hindi na niya alam ang kanyang ginagawa. Hindi niya namalayan na naipulupot na niya ang tali ng puppet sa leeg ni Selia. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakahatak niya sa tali. Kulay asul na ang mukha ni Selia, tumutulo na rin ang laway sa nakalawit nitong dila at halos lumuwa na ang mga mata. Punong-puno ng galit si Mang Julio kaya hindi niya tinigilan si Selia hanggang hindi ito tumitigil sa pagkilos.

Nang mapagtanto ni Mang Julio ang kanyang nagawa ay halos masiraan siya ng bait habang nakatitig sa walang buhay na katawan ni Selia. Umiiyak siya kasabay nang malakas na pagtawa habang itinataas ang mga kamay ni Selia na bumabagsak naman sa tuwing binibitawan niya. Parang isang puppet si Selia; walang buhay, wala nang kakayanang kumilos na mag-isa.

Lumabas ng kwarto si Mang Julio at kumatok sa katapat na kwarto. "Carding may lubid ka ba d'yan?"

"Ano'ng gagawin n'yo sa lubid Mang Julio?" tanong ni Carding.

"Gagawin ko na ang huling pagtatanghal ko. Makapunta ka sana para mapanuod mo."

Twisted MindsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon