Prosopagnosia

9.3K 310 45
                                    

Biyernes ng umaga. Nagising ako dahil sa pagtama ng liwanag sa mga mata ko na nanggagaling sa bintana ng aming kwarto. Kahit hindi ko pa naimumulat mabuti ang mga mata ko ay ramdam ko na yakap ako ni Arnold sa kanyang mga bisig. Dinig ko ang tibok ng puso niya at ramdam ko ang bawat paghinga niya. Amoy ko rin ang paboritong sabon niya na ginamit niya kagabi sa pagligo. Dahan-dahan akong umalis sa pagkakayakap niya at dumeretso na ako sa banyo para maghilamos at magsipilyo. Pagkatapos ay bumaba na ako sa kusina para maghanda ng agahan. Mabilis akong nagluto para bago umalis papunta sa trabaho si Arnold ay nakapag-agahan muna siya. Malapit na akong matapos nang marinig ko ang tunog ng kanyang sapatos. Pababa na siya ng hagdan.

"Good morning beautiful," sabi niya sabay yakap sa may tagiliran ko. Umikot ako at humarap sa kanya. Hinalikan niya ako at sa paghihiwalay ng aming mga labi, nakangiti niya akong binati ng "Happy anniversary mahal ko." Hinawakan ko ang pisngi niya. Pinagmasdan ko siya na parang kinakabisado ko ang bawat parte ng mukha niya. "Happy anniversary mahal."

Limang taon na kaming kasal ni Arnold. Pero sa limang taon na 'yon ay hindi pa rin kami nabiyayaan ng anak. Siguro dahil na rin sa palagi siyang busy sa trabaho. Doktor si Arnold at sa ospital kung saan siya nagtratrabaho ay doon kami nagkakilala. Naging pasyente kasi ako ng isa sa mga malapit niyang kaibigan na doktor.

Alam kong mahal ako ni Arnold at alam ko rin na importante para sa kanya ang trabaho niya kaya sa bawat espesyal na araw tulad nitong anniversary namin, okay lang sa'kin kahit na pumasok siya sa trabaho. Nangako naman siya na uuwi siya ng maaga para mai-celebrate ang anniversary naming mag-asawa.

Pagkaalis ni Arnold, bumalik ako sa kwarto namin. Naligo at nag-ayos. Habang nakaupo ako sa harap ng salamin naalala ko si Arnold at yung sinabi niya kanina.

'Good morning beautiful.'

Pinagmasdan ko ang mukha ko sa salamin. Nangiti ako. Naalala ko rin kasi 'yung araw nang tanungin niya ako kung pwede ba niya akong ligawan. Tinanong ko siya noon kung bakit at ang sagot niya, "Mula nang araw na makita kasi kita, 'di ka na naalis sa isip ko." Nagalit pa 'ko noon sa sinabi niya. Hindi ko kasi alam kung dapat ba akong matuwa o mainsulto. Pero mula sa isang hindi magandang umpisa, nauwi naman sa isang masayang relasyon.

Lumabas ako ng bahay, at habang sinasarado ko ang gate ay isang babae ang bumati sa akin. "Hi Claire!" Ang lapad ng ngiti niya kaya kahit hindi ko maalala kung sino siya ay ngumiti ako pabalik sa kanya. "Hi," sagot ko pabalik sa kanya. Napayuko ako dahil hindi ko alam kung ano pa bang pwede kong sabihin nang makita ko ang asong nasa may paanan niya at bigla ko nang naalala kung sino siya. Siya si Sarah na madalas kong makasalubong sa umaga tuwing pinapasyal niya 'yung alaga niyang aso.

"Saan lakad mo?" tanong niya. Sinabi ko naman na pupunta ako sa supermarket para mag-grocery ng mga lulutuin ko mamaya para sa anniversary dinner naming mag-asawa.

Pagdating ko sa supermarket si Mang Bert na security guard naman ang bumati sa 'kin. Sa unang kita ko palang sa blue at white na uniform niya alam ko na agad na siya 'yon at kilala na rin niya ako dahil tuwing Biyernes ako kung mag-grocery.

Nang makapasok ako sa loob, kinuha ko yung listahan ng mga bibilhin para siguradong mabibili ko lahat at wala akong makakalimutan. Nakuha ko na lahat ng ingredients na kailangan ko nang mapadaan ako sa liquor station. Dumampot ako ng isang bote ng wine. Hindi ako umiinom pero naisip ko na hindi naman masama kung susubukan ko, tutal anniversary naman namin ni Arnold.

Tinulak ko 'yung cart hanggang sa makarating ako sa counter #4. "Hello po Ma'am Claire. Ang dami po nating pinamili ngayon ah," bati ng babaeng kahera na nakilala ko lang dahil sa name plate na nakalagay sa may kaliwang dibdib niya. Ngumiti na lamang ako.

Excited akong umuwi at nag-umpisa agad akong magluto. Gusto kong matapos agad para makapagpahinga pa ako bago maligo at mag-ayos uli bago dumating si Arnold.

Ala-sais na. Nakaayos na ako at nag-aabang na lang sa pagdating ni Arnold nang mag-ring ang cellphone ko.

"Ganon ba. Sige, okay lang. Hintayin kita." Malungkot ako nang matapos ang pag-uusap namin ni Arnold. Male-late daw siya ng uwi dahil may hindi inaasahang nangyari sa ospital.

Naintidihan ko. Sanay na ako. Hindi naman maiiwasan kaya maghihintay na lang ako. Pero umabot na nang alas-nuebe at wala pa rin siya. Hindi pa ako naghahapunan pero nawalan na ako ng gana. Kahit anong intindi ko pala, masakit pa rin.

Nakita ko yung wine sa lamesa. Kinuha ko 'yon saka ako nagsalin sa baso. Hindi masarap sa umpisa pero unti-unti nasanay na rin ako.

Hindi ko na alam kung nakailang baso ng alak na ako. Hindi ko na rin alam kung anong oras na. At hindi ko rin alam kung paano ko nakuhang maglakad papanik sa kwarto dahil hilong-hilo na ako.

Padapa kong ibinagsak ang sarili ko sa kama at iniiyak ko ang sama ng loob ko. Maya-maya ay naramdaman kong may humahalik sa balikat ko at humahaplos sa hita ko. "Claire..." bulong niya. Sinambit niya lang ang pangalan ko at nawala na lahat ng sama ng loob ko.

Paggising ko kinabukasan wala na sa tabi ko si Arnold pero dinig ko ang lagaslas ng tubig mula sa banyo. Tumayo ako mula sa kama at napadaan ako sa harap ng salamin. Kitang-kita ko ang mga markang nilagay niya sa buong katawan ko. May pagkapilya akong nangiti at dahan-dahan kong binuksan ang pintuan ng banyo. Sumalubong sa akin ang amoy ng paborito niyang sabon. Lalakad na sana ako papasok ng marinig kong may nag-doorbell kaya mabilis akong nagbihis at bumaba.

Pagbukas ko ng pintuan ay dalawang lalaking naka-uniporme ang nakita ko at isang matandang babae na umiiyak ang biglang yumakap sa akin.

"Claire, bakit hindi kita ma-contact sa telepono at sa cellphone mo?! Si Arnold, Claire!" Si Mama Chayong pala, biyenan ko. Nakilala ko siya dahil sa boses niya. "Wala na si Arnold!" Nagulat ako at naguluhan sa sinabi niya.

"Po? Nasa taas po si Arnold; naliligo."

Nanlaki ang mata ng biyenan ko at dali-dali niyang inutusan ang dalawang pulis na pumanik sa itaas. Pagbaba nila ay may kasama na silang nakaposas na lalaki. Kasing taas at kasing katawan siya ni Arnold.

Bumilis ang tibok ng puso ko, parang nanghina ang tuhod ko at nanlamig ang buong katawan ko dahil alam kong hindi siya ang asawa ko at bigla kong naalala ang mga nangyari kagabi.

Twisted MindsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon