Misophonia

7.8K 305 49
                                    

Nakatitig ako sa bibig ni Riza habang nguya siya nang nguya ng bubble gum at kausap si Roel. Buti na lang talaga at may nakasalpak na earphone sa tenga ko at hindi ko siya naririnig dahil sa malakas na tugtog na pinakikinggan ko. Ayoko kasing nakakarinig ng pagnguya, paglagok ng tubig, tunog ng sapatos, kalansing ng bracelet at kahit na anong mahinang tunog na hindi naman pansin ng iba pero para sa'kin kakaiba ang epekto. Naiirita ako, naiinis, hindi mapakali, parang gusto kong magwala, magbato ng gamit, sumigaw o kaya minsan manakit.

Nag-umpisa 'to nung Grade 2 ako. Yung classmate kong lalaki na nakaupo sa likuran ko panay ang tambol sa armchair niya gamit ang lapis. Sa inis ko, nilingon ko siya; hinablot ko yung lapis niya at saka ko binali sa harapan niya. Napatawag tuloy sa Principal's office yung nanay ko.

Nung 3rd year high school naman ako may nakasakay akong babae sa jeep na may iniinom na juice na naka tetra pack. Panay ang sipsip niya sa straw, pilit na sinasaid yung laman. Nabwisit ako kaya hinablot ko yung iniinom niya at saka ko itinapon sa labas. Napaaway tuloy ako. May kasama palang boyfriend.

Nung college naman ako may teacher ako na mahilig mag-bracelet. Sa tuwing nagsusulat siya sa blackboard naririndi ako sa kalansing ng mga bracelet niya. "Ma'am malayo pa pasko; nanga-ngarolling na kayo." Sabi ko. Nang matanggap ko grades ko, binigyan niya 'ko ng singko. Buti na lang nung sumunod na sem wala na siya sa school na pinapasukan ko.

Sa unang trabaho naman na napasukan ko. May kasamahan ako na ang hilig magpatunog ng mga daliri sa kamay. Kahit sabihan ko siya, tuloy pa rin siya sa ganung hilig. "May alam akong paraan para matigilan mo 'yan, gusto mong malaman?" nakangiti kong sabi sa kanya. Nang sumunod na linggo AWOL na siya.

Ngayon sa pang-labintatlong trabaho ko, ito namang si Rizza ang kinaiinisan ko. Sa araw-araw na nakikita ko siya, ngumunguya siya ng bubble gum. Na kahit nga may nakasalpak na earphone sa tenga ko parang naririnig ko pa rin siya.

Ah kaya naman pala. Wala nang battery 'tong cellphone ko.

"May chikka pa pala ako sa'yo. Alam mo ba 'yang si Danny, may nakapagsabi sa'kin na parang may saltik daw 'yan sa ulo kaya palipat-lipat ng trabaho."

Mula sa pagkakatingin ko kay Rizza, napatingin ako sa stapler na nakapatong sa ibabaw ng table ko. Mukhang magandang pang-ikom ng bibig 'to. Kaso panandalian lang 'yun, mas maganda ata kung permanente na, dahil galit nga rin pala ako sa mga chismosa.

Twisted MindsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon