Chapter Two

38 4 0
                                        

Lahat ng tao may sekreto. Lahat ng tao may itinatago. Bawat isa sa'tin may isang bagay na pinakaiingat-ingatan at nakakubli pa sa kasuluk-sulukan ng utak natin--naka-padlock, naka-dead bolt, minsan may CCTV pa para lang hindi malaman ng iba.

At ang sekreto ko ay itago na lamang natin sa pangalang Lysander.

Bata pa lang ako, namulat na ako sa katotohanang hindi natin makukuha lahat ng gugustuhin natin. Lumaki akong walang ina, walang ama, walang kilalang totoong kadugo. Lumaki ako sa usok at ingay ng lansangan.

Hindi ko rin alam kung pa'no pero namulat na lang ako isang araw sa isang bahay na hindi ko naman alam kung kanino o saang lupalup ng mundo nakatayo. Huling alaala ko lang no'n, nahiwalay ako sa mga kasama ko at nakatulog ako sa gitna ng daan.

Pero hindi pala 'yon ang nangyari dahil nahimatay daw ako sa lansangan ayon kay Lola Teresita--ang taong kumupkop sa'kin at ang taong kaya kong ipaglaban hanggang sa Pluto. Papauwi na siya galing palengke nang sakto naman na nawalan ako ng ulirat sa gilid ng daan. At dahil nga good samaritan si Lola, tinulungan niya akong madala sa health center. Five years old lang 'ata ako no'n at sobrang buto't balat pa.

Masyado sigurong na-cute-an si Lola sa'kin kaya niya ako inampon matapos ang ilang linggo. Dati may asawa at anak siya pero namatay ang mga 'to sa isang aksidente kaya mag-isa na lang siya sa buhay. Retired teacher siya at sa maliit na tindihan niya lang siya kumukuha ng pantustos sa araw-araw.

Binihisan niya ako, pinakain, pinag-aral at binigyan ng pangalan. Hindi pa ako nakakakita ng anghel pero para sa'kin si Lola ang anghel mula sa langit na ibinigay ng Diyos upang tulungan ako.

Twelve years old ako at nasa grade six na nang dumating naman sa buhay namin ang kapatid kong si Gabrielle. Nakita namin siya ni Lola sa gilid ng simbahan matapos kaming magsimba.

Espesyal na bata si Gabrielle. Kahit na may down syndrome siya at kailangan niya ng mamahaling mga gamot, napakain naman kami ni Lola ng tatlong beses sa isang araw. Tinulungan ko rin siya no'n na magbenta ng kakanin sa school namin para naman may pambayad ako sa paaralan. Ayos naman ang lahat hanggang sa dumating ako ng college. Lumalaki na ang maintenance ni Gabrielle sa gamot kaya kailangan ko na ring mag-working student. Kulang na kasi ang kita sa tindahan at ang pension ni Lola. May mga scholarships naman akong nakuha pero natatanggal din ako dahil sa trabaho ko. Kinailangan ko pang magsipag lalo nang madiagnose si Lola ng diabetes.

Nasa second year college ako nang unang ma-stroke si Lola. Muntik na akong mawalan ng pag-asa no'n. Wala naman kasi akong malalapitan--hindi ko kilala kung sino ang mga kamag-anak ni Lola o kung buhay pa ba sila. Wala kaming ibang matakbuhan. Kaya naisip kong mangutang ng pera sa kapit-bahay naming si Raven, medyo nakakaluwag-luwag kasi siya. Hindi kami close kaya nagulat ako nang bigla niya akong alukin ng trabaho. Sabi niya mabilis daw ang kita at malaki pa. Akala ko nga magbebenta kami ng laman, eh. Kaya natural tumanggi ako.

"Mag-observe ka muna, bago mo sagutin ang tanong ko," sabi niya no'n sabay pakita sa ngiti niyang parang punung-puno ng sikreto.

Hindi ko alam kung pa'no niya nagawa-siguro malakas lang talaga ang convincing powers niya--dahil no'ng araw ding 'yon, nag-'observe' nga ako sa 'trabaho' niya. Nasa isang mamahaling restaurant siya habang kami naman (kasama ko ang dalawa niyang mga alipores slash lookout), nasa loob ng isang van na nakapark lang sa harap ng kainan. Hindi ko masyadong na-gets o nakita kung ano ang ginawa niya basta ang alam ko lang, pagbalik niya sa amin, ang dami na niyang dalang pera at credit cards.

Pinautang niya ako pagkatapos no'n. Kaya nabayaran ko ang hospital bills ni Lola. Kaya naibili ko ng gamot si Gabe. Kaya natustusan ko rin ang pag-aaral ko.

More or less, sa gano'n nagsimula ang panloloko ko. Sumama ulit ako sa mga lakad ni Raven. Minsan tinuturo niya sa'kin ang mga dapat kong gawin at dapat kong bantayan. Kung saan ako dapat lumingon at umupo para hindi ako makuha sa CCTV--hanggang sa ako na mismo ang nagpanggap na mayaman at sumalisi sa totoong mayayaman.

Hindi naman nagkulang ang Lola ko sa mga pangaral sa'kin. Pinalaki naman niya akong may takot sa Diyos, may dangal at may paninindigan. Sadyang kinailangan ko lang lumihis ng landas para maitawid ang pamilya namin. Mahalaga sa akin ang mga kabutihang asal na turo ni Lola pero mas mahal ko sila ni Gabrielle. At kahit kailangan ko pang isangla ang kaluluwa ko sa empyerno, mainit man do'n o malamig, hindi ako magdadalawang-isip--sila agad ang pipiliin ko.

Nakatulong din ang pagiging HRTM student ko kasi kahit papa'no natuto ako ng iba't-ibang lenggwahe at mga paraan ng pagkilos ng mga sosyal. Mabuti rin at no'ng bata ako mahilig ako sa mga larong patalasan ng mata at kilos kaya hindi na ako masyadong nahirapan sa modus operandi ng grupo.

We attended parties. We went to auctions. We travelled to places where the rich usually hung around.

Ang dami kong natutunan. Ang dami ko ring pinagsisihan.

Ititigil ko na sana ang panloloko matapos ang mahigit dalawang taon. Napag-alaman ko kasi na hindi pala pipitsugin ang grupo ni Raven. Kaya pala hindi kami mahuli-huli ng mga pulis at ang tindi ng sentries namin dahil sindikato ang kinasasangkutan ko. Isang malaking sindikato na nakabase pa sa ibang bansa. Nagkataon lang na ang mga 'minor' na pagnanakaw ang ginagawa namin. Dahil ang iba, nangha-hack na mismo ng ATM machines at malalaking bank accounts. Hindi ko rin naman masisisi si Raven kung bakit hindi niya sinabi sa'kin kasi hindi rin naman ako nagtanong ng kahit na ano--ang pera lang naman kasi ang kailangan ko.

Pero bata pa 'ko at andami ko pang pangarap sa buhay ko--at hindi kasama ro'n ang makulong.

Titigil na sana talaga ako kung hindi lang na-stroke ulit si Lola anim na buwan na ang nakalipas. Mas malala pa 'yon dahil kailangan na raw putulin ang isang paa niya. Isama pa na ang ibang organs niya nanghihina na rin. Kahit pagsama-samahin ko lahat ng sweldo ko sa part time jobs ko, pension ni Lola, stipend at mga mauutang ko, kulang na kulang 'yon sa kailangang pera para maoperahan siya.

Kaya kapit sa patalim, sabi nga nila.

Ilang beses na rin naman akong nagpanggap na mayaman. Pero no'ng araw na nakilala ko si Lysander Sinclair ay hindi nagkataon.

No'ng pumunta ako kay Raven, alam na niya agad kung ano ang kailangan ko. Kaya sa akin niya ipinagawa ang ipinag-utos sa kanya ng boss. Sino ba naman ako upang tanggihan ang malaking halaga na matatanggap ko kapag nagawa ko ang bagay na pinapagawa nila: ang makuha ang pitaka ni Lysander.

Hindi ko alam kung gusto lang ba nilang makita kung sino ang iniirog ni Sander o makahanap ng hubad niyang mga larawan--o baka naman gusto lang talaga nilang malaman kung totoong balat ba o hindi ang wallet niya. Pero hindi na rin ako nagtanong kasi buhay naman nila 'yon. Kailangan ko lang namang makuha ang perang ibabayad sa'kin--na halos doble sa halagang dapat kong malikom.

Hindi ako nagtanong. Hindi rin ako kumontra. Ginawa ko lang ang gusto nila.

Hindi na rin ako bumalik pa kay Raven mula nang araw na binigay sa akin ang sahod ko. Pakiramdam ko rin naman alam niya na na ayoko ko na kasi ang huling binitawan niyang mga salita sa 'kin bago kami maghiwalay ay, "Saan ka man pumunta, mahahanap ka namin. Hindi kayo kailanman makakapagtago ng pamilya mo kaya 'wag na 'wag mong subukang gawin ang mga bagay na hindi dapat." Ngumiti pa talaga siya sa'kin pagkatapos no'n 'tapos sabi niya mag-iingat daw ako. Bait, 'di ba?

Walang nakaka-alam ng sekreto kong 'yon hanggang ngayon. Kahit ang mga matalik kong kaibigan, wala ideya kung saan ako kumukuha ng pera o saan ako pumupunta kapag sinasabi kong may 'lakad' ako.

At hindi ko rin hahayaan na malaman nila. 'Yon ang sikreto ko na dadalhin ko sa hukay. Ang isang bagay na kailanman ay hindi ko ipagsasabi, kahit may nakatutok pang baril sa ulo ko.

Dahil oras na malaman 'yon ng iba, malalaman din 'yon ng dating pinagtratrabahuan ko. At kapag umabot 'yon sa kanila, babalikan nila ako. At kapag binalikan nila ako, madadamay ang pamilya ko. At hindi pwedeng mangyari 'yon.

Hindi ko pinagdaan lahat ng 'yon para sa wala.

Gagawin ko ang lahat hindi lang mabunyag ang sikreto ko. Gagawin ko lahat-lahat.

Catch Me If You CanWhere stories live. Discover now