Sulat galing kay Ex

540 22 45
                                    

Elle,

                Hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa sa paghingi ng sorry sayo. Hindi man ako umiiyak ngayon, gusto kong malaman mong nadudurog din yung puso ko. Sorry ha nag-message pa ako, nasaktan pa tuloy kita. Sorry din kasi nabanggit ko si Jolene. Wala pa namang ‘kami’ eh dahil nga kailangang mag-aral ako ng mabuti pero wala din naman akong balak umalis sa tabi niya. Higit sa lahat mas humihingi ako ng sorry dahil pinaiyak kita. Sa maniwala ka man o hindi, bawat isang luhang pumapatak mula sa mga mata mo ay katumbas ng dalawang iniluluha ko. Ang korni di ba? Ang daya naman kasi eh, doble yung sakit sakin dahil alam kong ako yung sinisisi mo kung bakit naghiwalay tayo. Ang nakakabanas pa hindi ako makaiyak sa harap ng maraming tao kasi pambading yun. Kaya iniipon ko bago ako matulog. Hehe muka akong tanga di ba?

                Elle, nalulungkot akong malaman na mahal mo pa rin ako. Tatlong taon mo akong iniwasan, akala ko sapat na yun para makalimot ka. Nalulungkot ako kasi kahit anong gawin ko, kahit gaano ko man kagustong ibalik yung pagmamahal mo – alam kong hindi ko kaya. Nalulungkot ako kasi nasasaktan kita. Nasasaktan na naman kita. Elle ikaw na yung nagsabing tatlong taon mong itinago yung nararamdaman mo para sakin. Sige aaminin ko tama ka naduwag ako. Pero kung talagang mahal mo ako, di ba dapat kahit papaano magkakalakas ka ng loob para kausapin ako? Ganun din sa parte ko, kung talagang hindi ko kayang mawala ka eh di sana hindi ko na pinatagal at bumalik na ako sayo. Ang punto ko dito Elle, kung tayo talaga yung para sa isa’t isa hindi tayo magsasayang ng ganoon katagal para lang gumawa tayo ng move para magkabalikan.

                Sorry Elle kung ang sama sama na ng dating ko sayo ha? Nasasaktan ako kasi nasasaktan kita. Alam kong ako yung first boyfriend mo at alam kong hinihiling mo na sana ako na din yung last. Pero may mga tao talagang dumadaan lang sa buhay natin para turuan tayo ng aral. May mga taong hindi talaga meant to be na mag-stay sa buhay natin kahit gaano pa natin ipilit.  Siguro dumaan ka lang talaga sa buhay ko para turuan akong magmahal ng totoo. At siguro din dumating ako sa buhay mo para malaman mong walang prinsipe sa tunay na buhay, kasi hindi din naman totoo ang mga fairytales.

                Iyak tawa kamo ako nung binabalikan ko yung mga memories natin. Naaalala ko pa din naman lahat ng yun Elle. Naaalala ko din yung mga panahong parang sasabog yung puso ko sa sobrang saya tuwing sinasabi kong girlfriend kita. Pero naaalala ko din yung panahong nawala ka sakin, hindi ko masambit yung pangalan mo na hindi kumikirot yung puso ko. Nakakatanga yung sakit Elle, pero ang pinagdadasal ko noon na sana hindi kasing sakit noon yung nararamdaman mo. Kahit naman kasi naghiwalay na tayo, yung nararamdaman mo pa rin yung mas mahalaga sa akin. Basta Elle wag mong isiping nakalimutan ko yung pinagsamahan natin. Naaalala ko pa rin naman lahat, ang kaso naka-move on na ako.

                Ay may kwento pala ako. Nakita kita dati nung umuwi ka dito sa atin para magbakasyon. Nakangiti ka nun, mukha ka namang masaya. Pero ako, nganga at malungkot na nakatitig sayo. Hindi na ako nagpakita sayo kasi alam kong pag nakita mo ako mabubura yung mga ngiti mo. Malulungkot ka na naman at masasaktan. Ayoko nun Elle. Kaya naglakad ako palayo sayo kahit ang gustong gusto ko na lang talagang gawin ay yakapin ka at hindi ka na bitawan kahit kalian. Sorry kung sinasabi ko pa sayo to. Gusto ko lang kasing ma-realized mo na hindi lang naman ikaw ang nasaktan.

                Elle hindi lang naman sa aking desisyon ang maghiwalay tayo eh. Desisyon mo din yun di ba? Wag na nating pagsisihan yun kasi matagal na yun eh, tapos na. Alam kong mas sasaya ka sa iba. Sa ngayon siguro hindi mo pa tanggap pero marerealize mo na sa isang punto ng relasyon natin tinuring kitang walang kwenta, naduwag akong ipaglaban ka at higit sa lahat hinayaan kong mawala ka. Tuwing iisipin mong mahal mo ako, yan ang isaksak mo sa utak mo para mas madali sayong kalimutan ako.

                Namimiss din kita. Namimiss ko yung dating tayo. Pero panahon nang mag-move on kasi kahit anong gawin natin hindi na natin maibabalik yung dati. Kahit gaano pa kaganda yung pinagsamahan natin, hindi natin maiiwasang isipin yung mga mapapait na pangyayari nung nagkahiwalay tayo. Kumbaga nabahiran na ng panget na alaala yung mga magandang nauna kaya pati sila pumapangit na.

                Maiintindihan ko kung iiwasan mo ako pag nagkita tayo. Ayos lang sa akin kung yun yung makakabawas sa sakit. Pero ipagdadasal ko na sana isang araw magawa mong tumingin sa mga mata ko ng diretso… at sana pag tumingin ako sa mata mo ay hindi ko na makita yung sakit na dinulot ko sayo. Elle alam kong mahirap pero makaka-move on ka din. Alam kong masakit pero matatanggap mo din na hindi talaga tayo para sa isa’t isa. At naniniwala ako Elle na kakayanin mo kahit tuluyan pa akong mawala sayo…

                Napansin mo ba na sa sulat na ‘to ang daming salitang ‘pero’? Dun kasi tayo sumablay Elle. Ang daming ‘pero’ sa relasyon natin. Wag mo nang sagutin tong sulat na to ha? Alam kong ayaw mo, pero hanggang dito lang talaga yung istorya nating dalawa. Hindi pala kasi lahat ng prinsipe at prinsesa may happy ending na kasama ang isa’t isa.

I loved you Elle. BUT like the tense I used in that sentence, you and I are just in the PAST now.

Ryder

Sulat [KathNiel Short Story]Where stories live. Discover now