Chapter 2: Mahiyain?

1K 16 0
                                    

“Oy Juan! Ba’t absent ka last week?” galing sa likod ang boses Isang katrabahong walang alam sa buhay kun’di usisain ang buhay ng may buhay. Late ako ng 5 minuto. Ok lang kasi hindi lang naman ako ang nangamoy pawis kakahabol sa oras, ‘wag lang masabi na late. May mangilan-ngilan na late din. Ang katwiran? Traffic. Wala ng iba. O kaya gagawa ng istorya na nasiraan daw ang nasakyang dyip. O kunwang nainis kasi nagpa-gasolina pa. Basta tungkol sa problema ng dyip. Bahala na si Robin (pagod na si Batman) ang sumalo sa kung ano mang script ang bibitawan mo.

Halos araw-araw ko ng naririnig ang ganung klaseng mga alibi. Sabagay minsan ginagamit ko rin ang mga ganung palusot. Pero himalang bumebenta pa rin kahit gasgas na at halata namang nagsisinungaling ang nangangatwiran. At kung maka-acting pa eh talo pa ang bida ng isang telenobela. Minsan kung mangatwiran pa eh sila pa yung galit, samantalang tinanong lang naman sila ng superior kung bakit sila late. Wala pa naman akong nasaksihang eksena na nagpapaliwanag ang isang empleyado kung bakit siya late, tapos bigla siyang sasampalin ng boss at sinabing “Tang ina nagtatanong lang ako, kung ano-ano pa sinasabi mo!”.

Pag nangatwiran ka nga naman, dapat yung valid. Katanggap-tanggap at lusot kung lulusot. Hangga’t kayang magsinungaling at gumawa ng istorya para lang maunawaan ang tusong empleyado laban sa mas tusong boss, sige lang. Banat lang ng banat. Wag na problemahin kung maniniwala man ang pinagsabihan o hindi. Ang  mahalaga ay may  paliwanag ka kung bakit ka late o absent. Mas mahirap kasing intindihin ng mga boss kung wala kang dahilan kung bakit ka na-late. O absent ng walang abiso man lang. Mahirap nga namang gawan ng istorya ang isang tao.

Pero ang totoo, wala pa kong nakitang eksena na nagsabi ng totoo ang isang empleyado kung bakit siya late o absent:

Eksena #1: LATE

Boss: Anong oras  na?! Ba’t late ka na naman? Ano na naman ang idadahilan mo? Traffic? Walang bantay sa bahay niyo? Nasunugan? Ano?!

Empleyado: Pasensya na po Sir. Ang ganda kasi ng eksena kanina sa “Mamahalin Kita Dahil sa Pera”. Di ko maiwan kasi nagpakita na yung kabit nung bida habang nakikipaghalikan siya sa leading lady niya.!

Boss: Ganun ba? Shit ‘di ko na naman napanuod! Ano nangyari sa kabit nung bida?

Eksena #2: ABSENT

Boss: Ba’t absent ka kahapon?

Empleyado: Pasensya na Sir kasi napuyat ako kagabi. Galing kasi ako ng inuman. Eh ang sarap ng pulutan naming ‘tinadyakang baka’ tsaka ‘sinampal na lamok’. Tapos ang dami pa naming nainom na “Black Cow’s Sweat Beer” kaya nalasing ako ng todo Sir. Suka nga ako ng suka eh. Ang lakas pa ng hangover ko. Kaya hindi na lang ako pumasok.

Boss: ‘Tang ina sinabi ko na sa’yo na kapag iinom ka ng “Black Cow’s Sweat Beer”, wag ka mamumulutan! Ang kulit mo talaga!

“Umatake na naman sakit ko.” mabilis at walang lingon kong sagot. Busy na ko sa pagkalabit ng mga letra ng keyboard. Busy kuno sa trabaho. Hindi ko na rin inusisa kung kanino mang bibig nanggaling ang tanong. ‘Medyo’ na-miss ko ang ganitong gawain sa araw-araw: walang humpay na pindutan sa piling ni keyboard.

Kumpara sa trabaho at hanap-buhay ng ilan, aba, hindi hamak na maswerte ako. Mantakin mong nakaupo lang ako sa loob ng kulang-kulang na walong oras habang walang puknat akong nakatitig sa cursor ng computer, maya’t mayang kalabit-pindot sa keyboard, paminsan-minsang banat ng common sense sa kung ano mang detalye o impormasyon ang dapat kong i-encode at kumbinsihin ang sarili ko na puro tama ang pinaggagagawa ko kahit minsan hinihila ako ng sarili ko sa antok. Dagdag mo pa ang atmosphere na pulos ulong nakayuko at nakadukdok sa computer, takatak ng mga letra ng keyboard, maya’t mayang tawanan, daldalan, pasulpot-sulpot na joke at kantahan sa piling ng aircon. Hindi nga lang din minsan maintindihan ang pugak ng hanging binubuga ng aircon na nagdudulot ng pasa-pasang sipon at sagutang ubo ng mga masisipag na empleyado. Kaya hindi na nakapagtataka kung parang chain reaction ang pag-absent ng ilan sa mga hindi na kinaya ang pasa-pasang sakit.

Ang Babae sa Kabilang PintoOnde histórias criam vida. Descubra agora