BATID ni Morales na mali ang ginawa n'ya—ang pagtakpan ang kasalanan ng anak ng mayor. Subalit, noon pa lang nanumpa na s'yang magiging matapat.
Lumapit s'ya sa tapat ng rehas, agad namang lumingon sa kanya ang guro.
"Patawad, Ms. Amante. Pero mahal ng mayor ang anak n'ya, ginawa naman n'ya ang lahat noon para tumigil na ito sa pagpatay subalit naging parang droga na ito. Ganyan talaga ang mga psychopath," taimtim n'yang saad.
"So normal na lang sa inyo 'yon? Kahit may mga taong nadadamay?" buwelta ni Bianca.
Tumawa lang si Morales. "Wala na 'kong magagawa d'yan." Agad s'yang umalis ngunit tumayo ito.
"Sandali lang!" habol ni Bianca, hawak n'ya ang rehas at inalog ito. "Hindi 'to makatarungan. Hindi ako ang dapat na nandito!"
Huminto naman sa paglalakad si Morales, kita ang konsensya sa kanyang mukha. "Pasensya na talaga, Ms. Amante pero kung tutuusin... pumayag ka rin, 'di ba?"
"Tanggap ko naman na nandito ako, ang hindi ko lang matanggap ay bakit ako lang?!" hindi n'ya mapigilang mapasigaw. Sa pagkakataong ito, tuluyan nang naubos ang pasensya ni Morales.
"Manahimik ka!" sigaw n'ya na ikinatahimik nito at nagpatuloy na s'ya sa paglalakad.
Nanghina ang mga tuhod ni Bianca at tuluyan na s'yang natumba. Hindi na n'ya napigilan ang pagbagsak ng mga luha dahil sa matinding desperasyon. Subalit, bago pa man s'ya tuluyang mawalan ng pag-asa ay dumating si Rhett.
Naglakad ito palapit sa harap ng rehas na ipinagtaka naman n'ya. "'Wag kang mag-alala, Ms. Amante. Mananaig pa rin ang katotohanan... " huminto s'ya at tumingin sa paligid, sinisigurong walang sinuman ang makakarinig sa kanyang sasabihin.
"Ikuwento mo sa'kin ang lahat," ma-awtoridad n'yang utos. "At kapag ginawa mo 'yon, pangako... tutulungan kitang makalaya rito nang sa gano'n ay makapiling mo na ang mga anak mo," pangako pa niya.
Hindi mapigilang mabigla ni Bianca sa narinig. Hindi s'ya makapaniwala, tumingin s'ya kay Rhett saka tumayo. Nagkaroon ng pag-asa sa kanyang mga mata subalit may kasama pa rin itong pangamba.
"Sigurado ka? H-hindi ka rin kaya katulad ng senior mo?" mapanghamong tanong ni Bianca na ikinakunot naman ng noo n'ya.
"A-anong ibig mong sabihin?" takang tanong ni Rhett.
"Hindi mo pa pala alam ang ginagawa n'ya? Akala ko magkasabwat kayo sa lahat," tila nabuhayan ng loob ang guro nang malamang mayroon pa palang handang tumulong sa kanya, na hindi naman pala masama ang lahat ng may kapangyarihan.
Ngumiti s'ya nang marahan. "Ang senior n'yo ang umipit sa'kin sa sitwasyong 'to. Alam n'ya kung sino ang totoong may sala pero anak 'yon ng mayor eh... kaya wala s'yang magagawa kundi ibahin ang kwento."
"Anak ng mayor? Isa lang ang anak ng mayor... ang asawa ko lang. I-ibig bang sabihin, si Iris ang pumatay sa asawa mo?" hindi mapigilang lakihan ni Rhett ang boses upang itago ang pagka-utal. Napahawak s'ya sa kanyang dibdib na ngayon ay kumakabog na nang malakas.
"Hindi mo pa nga talaga alam. Bakit ka pa ba kasi nagpakasal sa kanya, bakit hindi ka nag-background check muna? Detective ka pa naman. Pero sa bagay, nakakabulag nga ang pag-ibig. 'Yan din ang nangyari sa'kin kay Arman eh... noon pa lang, barumbado na talaga s'ya, mahilig s'yang manakit pero umasa lang ako na baka magbabago rin s'ya kapag nagpakasal na kami pero hindi pala, hanggang sa nagkaanak na lang kami," patuloy sa pagkukwento si Bianca, samantalang si Rhett naman ay halos hindi na marinig ang kanyang mga sinabi—nakatuon lamang s'ya sa kabang nararamdaman.
"Pero nagpapasalamat pa rin ako kay Iris dahil binura n'ya sa mundo ang taong nananakit sa'kin kahit sa hindi kaaya-ayang paraan," dagdag n'ya, sa pagkakataong ito, tumingin ulit sa kanya si Rhett. "Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit n'ya sinabing hindi n'ya raw 'yon ginawa para sa'kin, ginawa n'ya raw iyon para maubos na ang mga masasamang tao. Ganoon ba ang anti-social na tao? Iniisip ba nilang normal ang pagpatay?"
YOU ARE READING
MS. PSYCHO : Ang Hatol sa dilim
ActionIris Samantha Villacorta is known as a respectable teacher-but behind her calm facade lies a terrifying truth. She is a psychopath who kills those she believes deserve to die. Her father, Mayor Ronan Villacorta, fears that Iris's crimes will destroy...
