Hindi ko pera 'yon. Pera nila iyon at pakiramdam ko ay hindi na nga lang ako nakasira ng pangalan ay naging pabigat pa'ko. 

"Oh, sige na! Bye! Ingat!" Kumaway si Lucy nang makababa na siya sa jeep.

Ang kanyang katangkaran ay sapat para siya ang maging muse. Bale si Lucy ang kaibigan ko sa araw at si Mirna sa gabi na parehong maraming alam sa buhay.

Ngunit parehong mapusok, mataksil at madahilan. 

Nang makauwi sa apartment ay namahinga akong kaunti bago naligo ay hinintay ang oras ng aking shift sa bistro. Napatitig ako salamin at nakita ang kutis na namana ko sa ina kong nabibilang sa daliri kung ilang beses kong nakita. Itim na itim ang buhok at pilikmata ko na tumitingkad sa porselanang balat. Kahit ayaw nilang ibigay sa akin ang halong latin at purong dugo ng inang bayan ay nagpapasalamat pa rin naman ako kahit papaano.

"Hindi ako santo. Pero para sa'yo, ako'y magbabago..." Bumungad kaagad sa akin ang stage na hinihimlayan ng isang magaling na bokalista.

Maraming kaagad ang taong nakita ko nang nasa likod na ako ng counter.

"Aba, ayusin mo 'yang tabas ng dila mo! Kabago-bago mo rito tapos bintangera ka na? Ang kapal naman ng mukha mo," nangaggalaiting sigaw ni Mirna sa loob ng kitchen.

Muling nawala ang kanyang sigaw nang sumarado ang pinto at madidinig kong muli ang pakikipagaway sa bagong dating kapag may lalabas o papasok na cart doon. Nangalumbaba ako. Kaya ni Mirna iyon. 

Nang kalagitnaan ng gabi ay punuan nanaman ngunit may isang pwestong naka-reserve. Pinanuod ko ang pamilyar na mukha ng matanda nang siya ay naupo roon. Narito nanaman siya? May tip ulit sana akong limang daan! Yes!

"Menu po," ngising-ngisi ako nang iabot ang isang menu.

"Ah, thank you." Tumango ang matanda atsaka kinuha ang menu. Ngayon ay pang dalawa na ang kanyang in-order. May kasama ito?

Nilagay ko sa window ang order at saka humilig sa counter. Nang may pumasok na mukhang magda-date at umupo sa table ko ay nagpunta ako kaagad doon.

Dinig ko ang bell ng bistro hudyat na may bagong dating.

"Good evening po! Ito ang menu..." Hinugot ko ang menu at nilagay para sa kanilang magsyota.

Habang naghihintay ay napasulyap ako sa matangkad na lalaking bagong dating. Walang indikasyon sa kanyang mga mata kung masaya ba ito o galit. Hmmm. Nahanap nito kaagad ang table ng matandang na siyang nilunanan.

"Ito, miss. Saka 'yung specialty ng bistro," utas ng babaeng customer.

Tumango ako saka ngumiti. Pabalik ako ng counter at nasulyapan kung papaano tumango ang matangkad na lalaki sa matanda ngunit ang mga mata ay may marka na ng inis.

Inipit ko ang papel sa window atsaka sumigaw sa mga cook namin ng 'specialty raw!'. Saktong dumating ang order ng matandang lalaki at iyon ang dala ko sa braso habang papunta sa kanilang table.

"I heard it from Tita Kyna. Wala ba tayong magagawa?"

Nilapag ko ang kanilang orders nang may kaunting pakilala. Natitigan ko ang mamahaling relo na nakayakap sa pulsuhan ng lalaki at sa palasing-singan ay isang simpleng pilak na singsing. 

Namangha ako nang makita ito ngunit mabilis ding iniwas ang tingin. 

"We could fabricate it, hijo. That's the closest I could pull. Hindi ka ba nag-aalala kay Eunice?"

Wala akong paglalagyan ng soup at ang tanging nakikita kong espasyo ay ang pinaglalagyan ng komportable niyang malaking braso. Kinakabahang nag-angat ako ng tingin at sinalubong ang kulog sa kanyang mga mata.

Napakagat ko ang pang-ibabang labi dahil sa hiya. Hindi ko masabing ialis niya ang kaniyang matigas na braso!

"Mia madre. Mama will never know. Sa atin lang ito," sing banyaga ng kanyang sinabi ang kanyang mga mata na nakatingin sa akin.

Sa aking palagay ay nalulusaw na ako. Nang ako'y tumikhim ay tinaasan niya ako ng kilay habang dahan-dahang inalis ang kamay. Sinilaban kaagad ang aking pisngi kaya naman bilang dipense ay kinunot ko ang noo.

"I trust you on this, attorney..." Naningkit ang kanyang mga mata habang pasulyap-sulyap sa akin na nilalagay ang kanilang soup. 

"Well, then. May flight pa ako mamaya. Tell Malacchi I said 'hi' kapag nasa hacienda na kayo."

Yumukod akong kaunti atsaka bumalik nang counter. Nakita ko si Mirna roon at kinawit ang buhok sa tenga. Mainit ang singaw sa aking pisngi.

"Kahapon pa 'yan, ah," aniyang nakasulyap sa nagkakamayang mga lalaki tapos ay tumayo na.

Humilig ako sa counter at kinagat muli ang labi, "oo nga..."

"Ang pogi! Anak niya?"

"Ewan," kibit-balikat ko. Nangalumbaba ako at tumagilid ang ulo.

Humugot ng isang kulay asul na papel ang matangkad na lalaki atsaka nilapag sa table. Sumulyap siyang muli sa akin bago diniretso ang dalawang pintuan ng bistro.

Nalaglag ang aking panga at nanlaki ang aking mga mata! Isang libo!

The PristineWhere stories live. Discover now