Chapter Three

63 1 2
                                    

SA BAWAT pagtunog yata ng wind chimes sa pinto ng shop nila ay nahihigit ni Lavender ang kanyang hininga. Pasimpleng susulyap siya roon pagkatapos ay magkukunwaring dead-ma lang. Hindi niya inalintana ang ilang araw na pagsasakripisyo niyang gumising nang maaga para lang samahan ang mama niya sa pagbabantay ng shop. Natatandaan pa niya kung paano natulala ang mga magulang niya nang makita siyang dumudulog sa mesa nila nang alas-siyete impunto. Karaniwan kasi ay brunch at note na lang ng mama niya ang naaabutan niya sa mesa tuwing magigising siya. Ikinatwiran niyang kailangan niya ng bagong routine at ideya para sa bagong nobelang isinusulat niya.

"Anak, kailan mo ba isusulat 'yong kuwento n'ong magkakaibigan doon sa huli mong nobela?" tanong ng mama niya sa kanya. Kasalukuyan nitong inaayos ang ilang antique na na-acquire ng papa niya mula sa recent trip nito. Karamihan sa mga iyon ay vase at jars.

"Malapit na, 'Ma, huwag kang masyadong mainip. Kulang pa ako sa inspirasyon sa ngayon."

"Kulang ka pa sa inspirasyon nang lagay na 'yan, ha, anak? Aba'y kung hindi nga lang kita kilala, iisipin kong manyak ka na. 'Yong kuwarto mo, tadtad ng poster ng kung sino-sinong Koreano. 'Yong laptop mo, palaging hubad na lalaki ang naka-wallpaper. 'Tapos noong isang linggo lang, ang sabi mo sa amin ng papa mo, nakita mo na ang lalaking mag-aalay sa 'yo ng buwan at mga bituin. Ano pang inspirasyon ang hinahanap mo, Love?"

Napangiwi siya. Kulang na lang ay sabihin nitong may sayad siya sa utak.

"Eh, basta 'Ma, kapos pa ng ilang metro ang inspirasyon ko. Pero may concept na ako para sa next manuscript ko. 'Kuwento ko sa 'yo mamaya."

"Ay, sige, anak. Basta huwag mong patayin 'yong ka-love triangle, ha?"

Napailing siya. "Sige na nga, 'Ma. Gagawin ko na lang comatose. O kaya, hindi makalakad."

"Huwag, anak, walang drama. Bigyan mo na lang ng amnesia o kaya gawan mo na lang din ng partner."

"Wagi ka talaga, Mother. Kaya love na love kita, eh. Sige, sige, gagawin ko 'yan." Pagkatapos ay nagbelat siya. "Kapag may inspirasyon na ako."

Nakangiting napailing ito sa sinabi niya. Alam niyang excited din ito. Malamang sunduin na ito ng papa niya sa kuwarto niya dahil aabutin na naman sila ng madaling-araw. Hindi kasi makatulog ang mga ito nang hindi katabi ang isa't isa. It was something she found very sweet.

Magkasabay pa silang napalingon sa pinto nang muling tumunog ang wind chimes.

Ah, finally! Inspiration!

Puno ng kumpiyansang naglakad papunta sa kanila ang lalaking bagong dating.

"May maipaglilingkod po ba kami?" nakangiting tanong agad ng mama niya.

"Ah, yes po. I'm Gauis Sorelle. Last week po kasi galing ako rito and I filled up a reservation form for the Kincardine collection. I was wondering if it's still available. Wala kasi akong natanggap na tawag," paliwanag nito.

Dagling bumaling sa kanya ang mama niya. Nagtatanong ang mga mata nito.

Nakagat niya ang ibabang labi. " 'Ma, 'di ba, tinawagan kita last week para tanungin tungkol doon sa price n'on kasi nga wala sa cash records natin. 'Tapos hindi mo rin alam, 'tapos si Papa nasa auction nang araw na iyon. Kaya ang ginawa ko, pina-fill up ko na lang siya ng reservation slip. Kaso, hindi ko matandaan kung saan ko nalagay 'yong slip. Sorry po." Bumaling siya sa lalaki. "Sir, sorry po talaga. Memory gap lang po."

The guy didn't seem to mind. All smiles pa rin ito. Kung puwede lang ikahon ang ngiti nito ay ginawa na niya. Nakakatunaw kasi ng puso ang ngiti nito.

"Naku, Sir, pagpasensiyahan n'yo na po itong anak ko. Makaklimutin ho kasi talaga 'yan."

HEIRLOOM: Love and Antiques (Book 3) by: Nicka GraciaOnde histórias criam vida. Descubra agora