Kabanata 1: Meet the Junkies

32 4 0
                                    

Inakyat ni Mattia ang makitid at mataas na hagdan patungo sa pangalawang palapag ng boarding house. Kasalukuyan siyang nananatili rito kasama ang dalawang kaibigan na nag-imbita sa kaniya sa HEAP.

Nakilala niya ang dalawang imbestigador noong nagpunta ang mga ito sa kinalakihang bayan ng Capiz upang lutasin ang isang misteryo. Tumulong siya at ang kaniyang ingkong na si Lolo Guido sa mga ito, upang magapi ang Matruculan na nanamantala sa kanilang lugar. Mula noon ay napalapit na nga siya sa dalawa at binigyan siya ng mga kaibigan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa organisasyon at makapag-aral sa kolehiyo.

Sila ang naging tulay kaya siya nakarating dito at pansamantala silang nangungupahan sa isang boarding house sa Cubao, Quezon City. Pinili nina Chubs at Joriz na manatili rito dahil mas malapit ito sa mga paaralan na pinapasukan at sa NCR Psychic Center. 

Ilang minuto pa ay nakarating na rin siya sa wakas sa loob ng kwarto. Nakita niya ang dalawang kaibigan na nakaupo sa sahig, kumakain ng mga junkfood habang nanonood ng Netflix sa sala. Napatingin sa kaniya ang mga ito at saglit na natigilan.

"Kumusta ang lakad?" usisa agad ni Chubs na may laman pang pagkain ang bibig. Bilugan ang katawan nito dahil sa katabaan, maputi ang kutis at mamula-mula ang dalawang matambok na pisngi. Labing-pitong taong gulang pa lamang ito, kasalukuyang nasa ikalabing-dalawang grado at kumukuha ng HUMSS sa kalapit na senior highschool. 

Si Chubs ang tinuturing nilang cryptozoologist dahil sa malawak nitong kaalaman sa mitolohiya, kultura, at kasaysayan ng buong mundo. Ito rin ang pinakamatalino sa grupo. Sa totoo lamang, si Chubs ang nagtiyagang mag-tutor sa kaniya bago siya kumuha ng entrance exam sa HEAP.

Dalawa lamang ang kahinaan ng matabang binatilyo— hindi ito nakakakita ng kahit anong uri ng paranormal at hindi marunong sa foreign language.

"Okay lang," wala sa mood na tugon ni Mattia. Nag-alis ng sapatos at naka-medyas na umupo sa tabi ni Joriz.

"Wala pa 'yang isang oras, makakatanggap ka kaagad ng email," komento naman ng binatilyong katabi. Kapansin-pansin ang buhok nitong kinulayan at inayos na parang sa mga kpop idols. Base rin sa kasuotan nito ay tila hindi nagpapaiwan sa uso at kung anong makabago. 

Mahilig din si Joriz sa teknolohiya, sa kanilang tatlo ay ito lamang ang may kaaalamn sa mga paranormal technologies. Ito rin ang pinakabata sa kanila, labing-anim na taong gulang pa lamang ito at kasalukuyang kumukuha ng STEM Strand,  ngunit hindi maaaring maliitin si Joriz lalo pa't mas may kaalaman sa ibang wika ito kumpara kay Chubs.

Ang kahinaan lamang ni Joriz pagdating sa mga misyon ay napakaduwag.

"Tingin n'yo ba ay papasa ako?" tanong ni Mattia sa dalawa.

"Dude, kumpara sa amin ni Chubs na pasang-awa lang sa HEAP, mas malaki ang percent na makakapasok ka," — si Joriz.

"Speaking of that. Hindi n'yo pa nakukuwento ang tungkol sa pagpasok n'yo sa organisasyon..."

Nagkatinginan at napakamot sa ulo ang dalawa.

"Ayaw na namin alalahanin ang masalimuot na mga karanasan," tugon ni Chubs at parang nagbiro na tumawa. 

"Swerte lang talaga ako at nakapasok pa ako sa kanila. Ngayon ko lang din nalaman na hindi pala sila tumatanggap ng 15 yrs old pababa," sundot ni Joriz.

"Hindi nila ine-entertain ang mga walk-in applicants, ibig-sabihin ay may nag-invite din sa inyo para makasali kayo?"

Ibinaba ni Chubs ang hawak na baso at natigilan na tumungga ng inumin. "Uhm yes... Kilala mo ba ang Paradigm Unit?"

"Nabanggit ‘yan sa akin ni Maam Estrella kanina."

"Ang leader ng Paradigm Unit ang nag-imbita sa aming dalawa sa HEAP. Mahabang kwento at masasabi kong nagkataon lamang ang lahat,” dugtong ni Chubs.

Adrenaline Junkies: El CadejoDove le storie prendono vita. Scoprilo ora