Chapter 04

151 14 2
                                    

CHAPTER 04

SOBRANG BILIS ng kabog ng dibdib ko dahil sa kabang kasalukuyan kong nararamdaman. Lalo na no’ng huminto na ang sasakyan. Pakiramdam ko nasa karera ang puso ko ngayon dahil nakikipag-unahan ito sa bilis. Kinakabahan kasi talaga ako sa puwedeng mangyari, e.

“Thank you po,” saad ko sa driver.

“You’re welcome,” nakangiti naman niyang tugon.

“Take care,” turan ni guwapong oppa nang buksan ko ang pinto ng kotse. Hindi ko naman siya pinansin pa at lumabas na lang ng sasakyan.

“Salamat po ulit,” muli kong pasasalamat bago ko isinara ang pinto.

Ilang beses akong napabuga ng hangin sa bibig ko para kahit papaano ay maibsan ang kaba ko. Makalipas ang ilang segundo ay inihakbang ko na ang mga paa ko patungo sa bahay namin. Kahit na masakit ang paa ko ay sinikap kong bilisan ang lakad ko. Noong nasa harapan na ako ng pinto ng bahay namin ay lalo lang nadagdagan ang kaba ko. Nanginginig din ang katawan ko dulot ng lamig ng gabi at siyempre ng kaba.

Sandali kong ipinikit ang mga mata ko at ilang beses na napabuntong-hininga. Sana talaga panaginip na lang ito, tapos magigising ako na nasa loob ng bahay natutulog. Kaso hindi. Dahil totoong-totoo ito. Huhu.

Hindi ko na pinatagal pa at kumatok na ako. Ilang segundo bago bumukas ang pinto at bumungad sa akin ang kapatid ko na siyang bigla ring nawala sa harap ko. Paghakbang ko papasok ay ang mga nanlilisik agad ni Papa ang unang sumalubong sa akin. Pakiramdam ko mapuputulan na ako ng hininga.

“Anong oras na, ha?!” sigaw ni Papa.

“May nangyari kasi—”

“May nangyari?! Anong oras ba uwian n’yo, ha?! Gawain ba ng matinong babae ang umuwi ng gabi?! Ng ganitong oras?! Daig ka pa ng mga lalaki!”

Hindi ko na nagawa pang sumagot o mag-rason pa. Bukod kasi sa alam kong hindi nila ako pakikinggan, baka lalo pa siyang magalit at pagbuhatan ako ng kamay na siyang ayaw kong mangyari. Kung ano-ano pang masasakit na salita ang binitawan niya. Mga salitang tumatagos talaga sa puso ko. Maski si Mama ay gumagatong din habang abala siya sa pinanonood niya sa TV.

Tila ba nanigas ako sa kinatatayuan ko ngayon. Inaasahan ko na ‘to pero ang sakit pa rin talaga. Sana man lang binigyan nila ako ng time na mag-explain, ‘no?

Tumagal din ng ilang minuto ang panenermon nila bago ako dahan-dahan na naglakad papasok sa kuwarto ko. Isinara ko ang pinto at lugmok na naupo sa kama. Napayuko ako kaya dumako ang tingin ko sa paa kong may benda. Masakit iyon pero hindi no’n mapapantayan ang sakit na nararamdaman ng puso ko ngayon.

Ni hindi man lang nila napansin ‘yong paa ko, sa halip ay mas inuna nila akong pagalitan at pagbintangan ng kung ano-ano na hindi naman totoo. Hindi man lang muna nila tinanong kung ano ang nangyari at kung bakit ngayon lang ako nakauwi. Gano’n ba sila kawalang tiwala sa akin?

Ang kaninang mga luhang pinipigilan ko ay sunod-sunod na nagsipatakan mula sa mga mata ko. Sana pala nasagasaan na lang ako nang tuluyan kanina at hindi basta bundol lang ang nangyari. Baka kung iyon ang nangyari ay mag-alala pa sila sa akin. Sana rin pala tinanggap ko na lang ‘yong perang ibinibigay sa akin ng babae kanina para maibigay sa mga magulang ko. Baka sakaling hindi sila magalit dahil may naiabot ako.

Nakaramdam ako ng gutom ngunit hindi ako lumabas ng kuwarto. Ayoko silang makita dahil alam kong galit sila, lalo na si Papa. Baka mas lalo lang sumama ang loob ko. Kaya titiisin ko na lang ‘to. Sana pala kumain na lang ako ro’n no’ng alukin ako ng babae kanina, kasi ganito rin naman ang mangyayari.

Nagpalit na ako ng uniform at nahiga sa kama habang tumutulo pa rin ang mga luha ko. Ang bigat talaga ng loob ko ngayon. Ang sama na nga ng nangyari sa akin kanina, pag-uwi ko ganito pa ang mangyayari.

I Like SingkitWhere stories live. Discover now