Chapter 4: Mga Bunga

Start from the beginning
                                    

"Lex, iiwan mo si River sa gitna ng isang shootout?" 'di makapaniwalang sabi ni Nuri. Hindi nakaimik si de Gracia. Umalingawngaw ang katahimikan at nang umihip ang hangin ay halos magulantang kami.

"Oo naman," sabi ko, 'di sinasadyang nabasag ang boses. Saka ko lang rin napagtanto na bukod sa galit na nararamdaman ko, andiyan rin ang takot. Binalot ako ng kahihiyan at galit sa sarili. Mga mahihina lang ang umiiyak. Hindi ako mahina. Tumikhim ako.

"Hindi ako magfa-file ng official complaint kasi kahit papano'y pinapahalagahan ko na nasa iisang squad tayo," sabi ko kay de Gracia, "Pero kung maaari, Sarge, 'wag niyo na kaming bigyan ng iisang assignment," sabi ko kay Sergeant Lara.

"Magandang gabi," paalam ko sa hangin.

Pagkagising ko kinabukasa'y napasapo ako sa aking noo. Totoo nga ang sinasabi nilang nasa huli nga ang pagsisisi. Muling bumalik sa isip ko ang mga pangyayari kagabi. Dumagsa na parang alon ang mga emosyong naramdaman ko.

Takot. Galit. Lungkot. Syempre bumalik rin sa isipan ko ang lahat ng mga sinabi ko. Agad akong napaupo mula sa aking pagkakahiga.

Gagi! Pano kung matangggal ako sa trabaho?!

Teka lang, kalma ka lang, River. Wala pa namang nasisante sa pagiging pulis dahil sa pagsusuntukan, 'di ba? Tama. Dahil normal lang 'yun. Tama. Pero hindi lang kasi 'yun ang problema. Inutusan ko 'rin ang sergeant kagabi.

Pero kung maaari, Sarge, 'wag niyo na kaming bigyan ng iisang assignment.

Parang sasabog na sa kaba ang dibdib ko. Agad akong naligo, nagbihis at nagsipilyo; saka dumaan na rin sa Dunkin para bumili ng peace offering sa aking superior officer.

"Sarge, good morning po," sabi ko sabay dahan-dahang inilapag sa mesa katabi ang gabundok na manila folders, ang isang dosenang donuts na binili ko.

Sa gitna ng komosyon sa loob ng Presinto Uno, sa kabila ng mga parokyanong naghahangad ng hustisya, tinignan lang ako ni Sergeant Lara na para bang pinag-iisipan niya kung anong parusa ang ibibigay niya sa akin.

Babalatan niya ba ako ng buhay? O isa-isang bubunutin ang ngipin ko na walang anesthesia? O paulit-ulit na dudurugin ang hinliliit ko sa paa? Napalunok ako.

"Uy, good morning, sexy," biglang singit ni Nuri sabay bukas sa box. Agad kong pinalo ang kamay niya saka tinulak ang box papalapit kay Sergeant Lara. Sumimangot si Nuri saka umalis. "Grabe naman, nanghihingi lang—" rinig kong reklamo niya. Muli akong napatingin sa sergeant ko.

"Detective Aguas, samahan mo 'ko sa briefing room." Ayan na nga, mukhang kailangan ko nang magpaalam sa lahat ng mga ambisyon ko sa buhay.

"Hindi ko nagustuhan ang inasal mo kagabi, detective," bungad niya sa aking pagpasok. Sinarado ko ang pintuan saka umupo sa tapat ng Sergeant. "Ganon na lang ba kalaki ang galit niyo sa isa't isa at nawawala na lang ang respeto niyo sa 'kin?"

"I have no excuses, Sergeant," madamdamin kong sabi. "Tatanggapin ko ho ang kahit anong parusa—"

"Nire-require ko kayo ni de Gracia na pumunta sa couples' therapy sa loob ng tatlong buwan." Natahimik ako. "At simula bukas, partners na kayo ni de Gracia sa lahat ng assignments na ibibigay ko. Kasi inutusan mo 'kong wag gawin 'yun kagabi," tuloy ni Sergeant Hen sabay kindat.

"Pano kung bigyan niyo na lang po ako ng sanction?" alok ko. Nagulat ako ng tumawa nang pagkalakas-lakas ang Sergeant. Nasira ko ata siya.

"No, of course, not!" bulyaw niya sabay punas sa gilid ng mga mata. "Isa ka sa mga pinakamagaling kong detective, magkakagulo ang presinto pag wala ka..."

Naramdaman ko namang uminit ang mga pisngi ko. Pambihira. Siguro sinasabi niya lang yung para mapapayag ako pero magsisinungaling ako kung di ko aamining kinilig ako sa sinabi ng Sergeant, na siyang hinahangaan ko.

"...kayo ni de Gracia." Napabusangot ako sa dinugtong niya. "Kaya pano na lang kung magtulungan kayo? Siguradong mas marami kayong maisasarang kaso." Kinagat ko na lang ang dila ko. Pano kung ayaw ko?

"Well, kung pagkatapos ng tatlong buwan ay 'di pa rin kayo magkasundo, itatali ko kayong dalawa sa isa't isa at ililibing ng buhay," sabi niya na may nakakakilabot na ngiti. Nagsitayuan ang balahibo ko. Napatingin siya sa 'kin.

"Nagbibiro lang ako," sabi niya sabay hampas nang mahina. Pero sa totoo lang ay hindi ko alam kung maniniwala ako sa kanya.

"Ang totoo, kung hindi pa 'rin kayo magkasundo pagkatapos ng tatlong buwan ay ililipat ko kayo sa magkaibang units. Ilalagay kita sa cyber crime at sa special victims naman si de Gracia. Tutal ay sira naman na ang squad dahil sa pagbabangayan niyo." Muli akong napalunok. Ang daming pinaparating ng mga litanya niya. Hindi ko alam kung saan magsisimula.

"Well, detective. Marami pa akong gagawin. Ang laking abala ng away niyo ni de Gracia. Mga bwisit kayo," ngingiti-ngiti niyang sabi.

DazedWhere stories live. Discover now