Chapter Three

714 43 4
                                    

"ARTISTA KA."

"Basketball player ka."

Napangiti si Hermi. Hindi niya sigurado kung bakit kaya dinala niya ang inumin sa bibig para maitago kahit na paano ang ngiti. Alam niya na napaparami na ang konsumo niya ng alcohol. Kailangan niyang maghinay-hinay. Hindi sanay ang kanyang katawan sa labis na alkohol. Isa pa, hindi na niya sigurado kung tama ang mga kasalukuyang ginagawa at mas pinanlalabo ng alkohol ang kanyang isipan. Mas hindi niya masisiguro ang mga bagay-bagay sa kasalukuyang sitwasyon. Kailangan na niyang tumigil.

Pero hindi niya ganap na mapanindigan ang kailangang gawin. Pakiramdam niya ay kailangan niya ng alkohol para manatili.

This girl unnerved her. He didn't know what to do with her. Ni hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. Iyon ang unang pagkakataon na nangyari ang ganoon kay Hermi. Parang nahihiya siya na hindi niya malaman. Matagal-tagal na rin mula nang magka-interes siya sa isang babae pero hindi siya mahiyain.

This is getting ridiculous. Iyon na lang nasabi niya sa sarili.

"Do you like it? Being an actress?" Nagpasalamat siya na lumabas na kaswal ang pangungusap. Small talk. They could do that.

Tumango si Zoe. "Hindi ako magtatagal ng isa't kalahating dekada kung hindi."

"Ganoon katagal? You've been in the industry that long?"

"I started when I was thirteen."

Nagsalubong ang kanyang mga kilay. Parang masyado pang bata ang trese anyos para magsimula sa pagtatrabaho. Alam niya na may mga child star sa show business pero siguro naman ay nagkaroon ng break ang mga ito. Kailangan ding mag-aral ng mga artista, hindi ba?

"Do you love being a pro athlete?" kaswal nitong balik sa kanyang tanong.

"Yes," matipid na tugon ni Hermi. Hindi na niya maalala kung kailan nagsimula ang pangarap na maging propesyonal sa paglalaro ng basketball. Marami ang nagsabi sa kanya na natural ang talento niya sa court. Masuwerte siya sa mga naging coach dahil hinasa nang husto ng mga ito ang natural na talento na iyon. Nakahanap siya ng mabubuting tao na dinisiplina siya nang husto. Nananatili siyang mahusay sa edad na treinta y tres.

Hindi siya gaanong sinuportahan ng mga magulang sa pangarap sa simula. Hindi naman mali ang kanyang mga magulang dahil doon. Gusto sana ng mga ito na pangarapin niya ang isang normal na buhay. Realistic lang ang mga ito. Lumaki ang kanyang mga magulang sa hirap. Maayos ang kanilang naging buhay sa probinsiya, pero hindi iyon maituturing na sagana. May mga pagkakataon na salat sila.

Tatlo silang magkakapatid at siya ang panganay. Siyempre ay inaasahang makakatulong siya sa pagpapaaral sa mga kapatid. Ang totoo ay nakahanda na siyang sumunod sa mga gusto ng mga magulang kahit na may malaking parte sa kanya ang gustong magpumilit. Alam kasi niya na tama ang mga ito. Mas magkakaroon ng tsansa ang kanyang mga kapatid, ang kanilang pamilya kung magiging realistic ang goals niya sa buhay.

Siguro ay talagang nararapat siyang maging pro dahil isang scout ang nakita siyang naglalaro sa isang malaking liga ng mga high schooler sa kabisera ng kanilang lalawigan. Nabigyan siya ng pagkakataon na makapag-aral sa isang prestihiyosong unibersidad sa Maynila sa pamamagitan ng athletic scholarship. Ayaw pa rin sana siyang payagan ng mga magulang pero naisip ng mga ito na magiging mas madali ang buhay para sa kanya kung magtatapos siya sa isang kilalang unibersidad.

Sa palagay ni Hermi ay hindi talaga inasahan ng mga magulang niya na magiging professional talaga siya. Hindi naman sa walang tiwala ang mga ito. Hindi lang talaga ma-grasp ng mga ito na maaari siyang kumita nang malaki sa paglalaro, na maaari iyong maging isang career at trabaho.

Naging masuwerte siya sa team na kinabilangan niya sa kolehiyo. Pinaghusayan talaga niya ang paglalaro. Sa loob ng limang taon na naroon siya ay naghari ang kanilang team sa college basketball. Hindi pinroblema ng mga magulang ang pag-aaral niya sa lungsod. Walang tuition na binayaran at nakatira siya sa dorm ng mga atleta. Minsan nga ay nakakapagpadala pa siya sa mga magulang dahil hindi naman siya gaanong magastos at naiipon niya ang allowance.

Something Wonderful (Complete)Where stories live. Discover now