Chapter 14: Iktsuarpok

128 10 0
                                    

Iktsuarpok

(png.) 'Yung pagkasabik na nagiging dahilan kung bakit mo titingnan sa labas kung may bisita ka o simpleng may pupunta sa 'yo


Gumising ako dahil sa lamok na kumagat sa 'kin. Antok na antok ako, pero nang nakita kong bukas pa 'yung ilaw, napatingin ako sa may sala.

Nagulat ako nang nando'n sina Mama at Anna.

Umiiyak si Anna, at si Mama ang may sinasabi. Di ko masyado marinig. Di naman ako tsismoso. Pero tumatak sa 'kin 'yung mukha ni Anna nang inangat niya 'yung ulo niya.

Shit.

Bumalik na lang ako sa higaan at napatingin sa may kisame. Nakita ko 'yung butiki na may hinahabol na insekto. Ito namang insekto, inaasar pa 'yung butiki, umaaligid pa. Tapos ito namang butiki parang tanga. Mas malaki na nga, di pa makain. Siya pa 'tong humahabol.

"Pareho kayong tanga," bulong ko.

At habang pinapanuod 'yung habulan ng butiki at ng palipad-lipad na insekto na nakalimutan ko na kung anong tawag, nilagay ko sa tenga ko 'yung earphones at pinatugtog ang "Wait for Tomorrow" ng Blessthefall—isang metal rock na kanta na pampatulog ko, pampatulog ko dahil parang napapagod ako pagkatapos. Hindi ko alam kung kailan ko nagustuhan ang metal rock. Siguro kasi, 'yung kanta na mismo 'yung nagwawala para sa 'kin.

Nagkaroon ako ng invisible na gitara at drums sa mga kamay ko. Habang tinitingnan ang habulan ng dalawang nilalang sa may kisame, naisip ko si Rina at ang immaturity niya na nagustuhan ko rin naman at si Anna na alam kong parang pag-amoy sa pentel pen, 'yung alam mong hindi mo dapat gawin pero tinutuloy mo pa rin. Nakakaadik kasi.

Ewan ko ba. Habang nakikinig sa kanta, naisip ko silang dalawa. Pareho ko silang gusto. Pero ano ba? May mali ba sa itsura ko? Kung sino pa talaga 'yung mga nagustuhan ko, sila pang may ayaw sa 'kin. Tae, gano'n ba talaga 'yon?

Sa dulo, nakain na rin ng butiki 'yung insekto.

"Nakuha mo rin!" sigaw ko kahit alam ko namang hindi ako maiintindihan ng butiki. "Turuan mo nga ako ng insekto-getting skills mo."

Tapos natawa na ako. Muntanga.

Ni-replay ko 'yung kanta, at tinakpan ko 'yung mga mata ko. Napaisip ako: Gaano katagal ko kayang patagalin 'yung nararamdaman ko? Alam ko namang wala talagang "maling-mali," pero parang may mali pa rin.

Buti pa 'yung butiki, nakuha niya 'yung gusto niya kahit matagal. E, ako? Kahit yata mga limang taon na, wala pa rin, e.

***

"Uly?" tanong ni Anna. Dahil do'n, napaangat ako bigla. Nakatulog pala ulit ako. Nabigla rin si Anna na may suot na bulaklaking bestida tapos may hawak na bag. Teka, anong oras na ba?

"A-ano'ng oras na?" tanong ko, pero di niya 'ko sinagot. Napahagikgik na lang siya. "Bakit?" dagdag ko.

"Sino ngayong naglalaway?" Tapos natawa siya.

Tinalikod ko 'yung unan ko tapos pinaalis siya sa may kuwarto. Mura lang ako nang mura sa loob ko dahil nakakahiya.

Kinuha ko agad 'yung tuwalya at mga damit ko tapos nagbanyo, at wala akong ginawa kundi maligo habang sisihin ang nanay ko na sinama siya. Pero hindi, alam ko namang di nila alam. Wala naman kasing may alam bukod sa barkada ko.

Isa pa, baka naman mawawala rin 'to.

Paglabas ko, walang tao. Tinanong ko 'yung pinsan ko kung asan sila, at ang sabi, namalangke. Alas—peace of mind.

Pumunta ako sa duyan tapos natulog. Oo, natulog ulit ako. Nagising ako pagkatapos ng isang oras, pero wala pa rin sila. Naglaro ako ng basketball ako sa may court, pero pagbalik ko, wala pa rin sila. Sabay na ako kumain na kasama ng mga tito at tita ko, at wala pa rin sila. Asan na ba sila? Hindi ako mapakali. Iniisip ko kung ano na kayang nangyayari. Bakit hindi man lang ako hinintay? O hindi ako inaya?

Kambing naman. O ngayon, Ulysses, ito na, sabi ko sa utak ko. Tahimik na. Tapos ngayon gusto mo ng gulo?

Pag nakakarinig ako ng sasakyan, napapatingin ako sa may labas kung may tao na ba. Kahit alam kong maya-maya pa dadating, nagaabang pa rin ako.

Pumunta ako sa may kubo. Bata pa kaming dalawa ni Mark no'ng sabay kaming nandito. Ang tanging natatandaan ko lang na napagusapan namin ay tungkol sa Counter-Strike. Napangiti ako.

"O, ginagawa mo dito?" narinig kong sabi ni Anna, may nakasabit na camera sa may leeg niya at suot pa rin niya 'yung bulaklakin na bestida.

"Anong oras pa kayo nandito?"

"Kararating lang. Paalis na raw tayo pabalik."

"Bakit ka nandito?" tanong ko.

"Gusto ko lang ng picture."

"Picture ng kubo?"

"Picture ng isang lugar na gustong puntahan ni Yuan."

"Akin na," sabi ko. "Ako na magpi-picture."

"Puwede naman tayong dalawa 'yung nasa picture, di ba?"

"Ayoko."

"Bakit, camera shy ka?"

Paano ko ba sasabihin sa kanya na hindi magandang ideya ang paasahin ako? Pero wala naman kasi siyang alam. Sabihin ko ba?

"Anna—" pero napatigil ako nang biglang nag-flash. "Uu, ano ba yan!"

"Ay, sorry napindot ko! O, game."

Nilagay niya 'yung camera sa may parang sandalan sa may kubo, at saka siya tumabi sa 'kin. Nakangiti lang siya, kahit sampung segundo pa naman. Ako, nakatingin lang sa baba.

Pagkatapos, kinuha niya 'yung camera tapos tiningnan. Nakita ko siyang napangiti.

"'Yung mga mata mo talaga . . ."

"Sa 'yo na lang 'yung mga mata ko, gusto mo?" sarkastiko kong tanong.

"Hindi, sa 'yo 'yan, e. Isa pa, 'yan 'yung dahilan kaya gustong-gusto kita makita," sagot niya. "Tara na?"

Tama ba 'yung narinig ko? Ngumiti siya ulit. 'Yung sinabi niya, masakrap—saklap at sarap. Masaklap kasi alam ko naman na kasing mata ko lang si Mark. Masaya dahil kahit papa'no, gusto raw niya ako makita.

Tumalikod siya sa 'kin tapos naglakad papunta sa bahay. Sumunod ako, habang nakikita ko siyang tumitingin sa camera.

Mga gabi na no'ng nakarating kami. Hinatid muna namin si Anna, pero hindi ko talaga siya naabutan dahil sobrang tamad ko lang gumising sa sasakyan. Napagising ako no'ng nasa bahay na kami, tapos deretso tulog na.

Pagkagising ko para mag-check ng mga social networks ko. Nagulat lang ako dahil profile picture na niya 'yung litrato namin. At ang caption: I hope to see those eyes again.

Sinara ko 'yung computer, binugbog ang pader, at naglaro ng basketball.

Gusto ko 'tong mawala na lang parang bula, pero pag wala na, hinahanap ko naman. Umalis ako para mahimasmasan sa kabaliwan, pero lalo lang ako nabaliw.

"Mundo, ano ba'ng kasalanan ko sa 'yo?" napatanong ako mag-isa.

Minsan, gusto ko na lang talaga itanong kung asan ba ako sa buhay niya, pero napaisip ako na hindi pala 'yon ang dapat kong unang tanong. Dapat: Sino ba ako sa simila pa lang? 

Gakuwesaribigin (Book 2 of the Gaku Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon