#DJEAChapter12

15.2K 213 15
                                    

Maligayang pagdating sa Elyxium University

Nakatingin lang ako sa karatula sa bungad ng Elyxium University. Naluluha pa ang mga mata ko dahil buong akala ko ay hindi na ako makakapag-kolehiyo dahil sa kahirapan. Pero heto, nasa harapan na ako ng isa sa mga prestihiyosong unibersidad sa Visayas dahil ngayon ang unang araw ng klase. Isa na talaga akong mag-aaral ng kolehiyo.

Alam kong nandito ako dahil sa tulong ng munisipyo at Daddy Society. At alam kong mali ang pinasok kong kontrata sa Daddy Society, gagawin ko na lang ang lahat para makapagtapos. Sa mali mang paraan, pipikitan ko na lang para sa pamilya ko. Tama naman si Ginoong Tomas, lahat ay gagawin mo para sa pamilya mo.

Huminga na lang ako nang malalim bago maglakad papasok sa campus. Ang lawak talaga ng campus na ito. Ang gara ng mga gusali pero nababalutan pa rin ng mga luntiang mga puno't halaman. Para siyang makabagong lugar sa gitna ng makalumang Negros. At mapapansin mo talaga na ang mga nag-aaral dito ay galing sa mararangyang pamilya dahil sa mga kasuotan at kagamitan nila. Ang iba ay may sariling kotse, ang iba naman ay hinatid ng kotse ng pamilya nila. Ako naman ay binaybay lang ang daan papunta rito.

Dumiretso naman ako sa gusali ng Kolehiyo ng Sining Biswal. Sa bungad pa lang ay binuo na siya ng sining at kakaibang porma ng mga estante kumpara sa ibang gusali. Ang kinuha ko kasing kurso ay eskultura o sculpture. Mahilig na ako sa sining bata pa lang ako. Sa bayan pa lang namin, sa tabing dagat ay mahilig na akong gumuhit sa buhanginan o umukit sa mga bato o kahoy na nakukuha ko sa pampang.

Pumasok na ako sa silid-aralan na nakatakda sa aking talaan ng klase. Pansin agad na iilang estudyante lang kaming kumuha ng kursong eskultura. Madalas talaga na kaunti lamang ang kumukuha ng kursong pang-sining dahil mas patok ang mag-aral sa agrikultura o komersiyo.

Naupo naman ako sa gilid sa may tabi ng bintana. Abala naman ang iba kong kamag-aral sa kani-kanilang ginagawa kaya tinuon ko na lang ang sarili ko sa pagguhit sa aking kwaderno. Ilang saglit pa ay dumating na ang aming propesora sa Mga Pangunahing Kaalaman sa Pagguhit.

Ang pwesto sa aming silid-aralan ay nasa gilid lang lahat ng upuan dahil sa gitna ay ang lamesa ng aming propesora o ang isang bagay na iguguhit namin. Inabutan na kami ng aming propesora ng papel na pangguhit para aming iguhit ang eskultura ng isang santo. Dahil nakaupo kami sa iba't ibang upuan ay may iba-iba kaming anggulo ng eskultura na aming iguguhit.

Tahimik lang ang buong klase sa pagguhit. Panay lipat lang ang paningin ko sa papel ko at sa eskultura. Hindi ko naman maiwasang hindi pansinin ang kamag-aral kong katapat ko sa pagguhit. Hindi ko alam kung tumatagos ba ang pagtingin niya sa eskultura papunta sa akin o ako lang ang nagkakamali?

Nagpanggap na lang ako na nakatingin sa eskultura pero tumatagos talaga ang tingin ko sa kanya. Diretso talaga siyang nakatingin sa eskultura na hindi man lang tinitignan ang papel niya pero ang kamay niya ay tuloy lang sa pagguhit.

Bigla naman akong napatingin sa papel ko nang mapansin kong gumalaw ang mnga mata niya para tumingin sa direksyon ko. Nahalata niya tuloy na tinitignan ko siya, baka ako pa ang pag-isipan niya na tinitignan siya. Nakakahiya ka talaga, Clara. Kahit saan talaga ay mali-mali ka talaga, Clara.

Baka nga nagkakamali lang ako na nakatingin siya sa akin. At bakit naman niya ako titignan? Hindi naman niya ako mapapansin dahil ang simple ko lang na babae, hindi gaya ng ibang kababaihan dito na ang gagara ng suot. 

Tinuon ko na lang ang sarili ko sa pagguhit. Isa-isa nang natapos ang mga kamag-aral ko sa pagguhit at pinapasa na nila ang papel sa propesora namin. Kapag tapos ka na ay pwede ka ng dumiretso sa sunod mong klase.

Natapos din ako sa ginagawa ko. Tumayo na ako para ipasa ang ginuhit ko. Nang i-abot ko na ang papel ko ay may isa ring papel ang nag-abot sa propesora namin. Napatingin naman ako sa kanya. Siya iyong kaharap ko. Agad akong nag-iwas ng tingin dahil hindi naman niya ako pinansin. Kinuha naman ng propesora ang papel namin kaya mabilis akong tumalikod at lumabas ng silid-aralan.

Daddy Juan: El AdulteroNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ