#DJEAChapter7

14K 215 25
                                    

Matapos naming maligo sa talon ay umahon na kami at tumambay sa malalaking tipak ng bato sa gilid ng talon para magpatuyo. Sakto kasi sa pwesto namin ang sinag ng araw para mas madali kaming matuyo.

Si Sancho naman ay kandong lang sa papa niya na nakatulog na at nakasandal lang ang ulo sa dibdib ng papa niya. Tanging shorts pa rin ang suot ng mag-ama. Ako naman ay nasa tabi lang ni Mayor Simeon na may konting distansya sa isa't isa at suot ang damit ni mayor dahil wala na akong suot na bra dahil pinapatuyo ko na rin ito na nakapatong lang sa hita ko.

Tahimik lang kami ni mayor habang pinagmamasdan ko ang talon. Ang payapa lang ng talon, 'yong agos lang ng tubig mula sa itaas na pababa ang maririnig. Panay din ang ihip ng hangin sa mga sanga ng mga puno at panay lang din ang huni ng mga ibon. Nakaka-kalma lang ang ganitong tanawin.

Ang ganda talaga ng Talon ng Lirya.

"Sikat po ba talaga ang lugar na ito?" Tanong ko kay Mayor Simeon nang tignan ko siya. "Parang hindi po kasi siya puntahan ng mga tao."

Dumilat naman si mayor dahil dinadama ng mukha niya ang sinag ng araw. Basa pa rin ang buhok niya pero ang katawan niya ay halos tuyo na. Namumula ang balikat niya dahil sa sikat ng araw. At kahit gulo-gulo ang buhok niya, ang pogi pa rin ng mayor ng La Consolacion.

Napatingin naman sa akin si mayor. "Alam lang nila ang lugar na ito pero wala atang may gustong pumunta rito dahil ang layo pa ng lalakarin mo bago mo marating itong talon. Saka, may mga dagat naman dito sa Negros, mas iyon ang pinupuntahan nila. Mas gusto ko nga iyong ganito, iyong walang tao sa Talon ng Lirya para payapa lang ako kapag pinupuntahan ko ito. Parang gusto kong ipagdamot ang lugar na ito sa iba."

Nagsalubong naman ang mga kilay ko sa huling dalawang linya na sinabi niya. "Madalas po kayong napunta rito?"

Sa pagkakaunawa ko sa sinabi niya, bukod sa Hacienda DiMarco at munisipyo, itong Talon ng Lirya ang puntahan niya. Ang layo kaya ng binyahe namin, parang halos isang oras bago kami nakarating dito. Tapos lalakarin mo pa para matuntong itong Talon ng Lirya. Kung babalik ako rito, siguro isang beses sa tatlong buwan lamang.

Umiling naman agad si mayor. "Hindi naman araw-araw o linggo-linggo. Mga dalawang beses sa isang buwan. May batis naman sa hacienda pero iba lang kasi ang Talon ng Lirya. Ito ang hingahan ko. Dito ako pansamantalang nagiging Simeon Pablo DiMarco, iyong hindi mayor, iyong walang iniisip."

Napatitig naman ako kay mayor. Naalala ko na naman iyong gabing tumambay kami sa hardin ng munisipyo. May binanggit siya tungkol sa isang problema niya na hindi niya nasabi kung ano'ng klaseng problema iyon. Kaya ba siya pumupunta rito sa Talon ng Lirya para lumimot pansamantala sa mga problema niya? Gustuhin ko man alamin pero wala akong lakas ng loob. Mapapa-isip na lang ako kung ano kaya ang problema niya.

Tumango-tango na lang ako at muling napatingin sa agos ng tubig ng talon. "Ang payapa nga po rito, mayor. Salamat po sa pagdala sa akin dito pero mukhang matagal pa ulit bago po ako makabalik dito."

"Bakit naman?" Takang tanong ni mayor.

Napatingin naman ulit ako kay mayor at nginitian siya. "Magiging abala po ako sa trabaho at pag-aaral. Saka, lugar niyo po ito. Sabi niyo nga po, ito ang hingahan niyo at gusto niyo po itong ipagdamot sa iba. Ayoko naman pong makaabala sa lugar na nagpapakalma sa inyo."

Matagal naman akong tinitigan ni mayor bago siya napangiti. "Wala namang kaso iyon, Clara. Hindi ka naman iba sa akin. Kung gusto mong pumunta rito, punta ka lang. O, kung gusto mo, pwede naman tayong sabay na pumunta rito. Saka, natuklasan mo na ang paborito kong lugar, bakit ko pa ipagdadamot sa'yo, 'di ba? H'wag ka na lang maingay sa iba tungkol sa pagpunta natin rito para hindi pa rin siya dayuhin ng mga tao."

Daddy Juan: El AdulteroTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang