#DJEAChapter1

24.6K 239 12
                                    

"Magandang umaga po." Pagbati ko sa isang ginoo pagpasok ko sa kanyang opisina.

Napahinto naman siya sa ginagawa niya at napatingin sa akin. Nginitian naman niya ako at sinenyasan na lumapit sa lamesa niya. Humakbang naman ako palapit sa kanya at naupo sa upuan na nasa harap ng kanyang lamesa.

Nandito ako sa isang ahensiya na aking pinasahan ng aking aplikasyon ilang linggo na ang nakakaraan. Nakatanggap kasi ako ng liham na bumalik ako sa ahensya para pag-usapan ang trabaho na papasukan ko.

May kinuha muna ang ginoo sa kanyang drawer bago ako muling harapin. Binubuklat niya ang ilang papeles na sinagutan ko at ipinasa rito. Tila sinusuri niya ang mga impormasyon ko.

"Ikaw si Antonia Clara Tavares, tama ba?" Tanong niya sa akin.

Tumango naman ako at nginitian siya. "Opo. Clara na lang po ang itawag niyo sa akin."

"Ako naman si Gonzalo Constantini. Ako ang punong-abala sa ahensya na ito na nagpapadala ng mga namamasukan sa iba't ibang kumpanya o bahay." Pagpapakilala niya sabay lapag niya ng papeles na naglalaman ng aking impormasyon bago ako tignan. "Ikaw ay nais mamasukan na taga-linis?"

Tumango ulit ako. "Opo dahil hindi po ako tapos sa kolehiyo kaya kahit tagalinis po ay papasukan ko."

Tumang-tango din siya at muling tinignan ang mga papeles ko. "Kita ko nga na labíng-siyám na taong gulang ka pa lang, Clara. Dapat ay nasa kolehiyo ka at nag-aaral. Bakit gusto mong mamasukan sa mura mong edad?"

Sinubukan kong ngumiti kahit na may lungkot sa aking mga mata. "May sakit ho kasi ang aking inay. Hindi naman sapat ang kinikita ng aking ama sa pangingisda. May mga nakababata pa akong mga kapatid na kailangan pang mag-aral. Pagsasabayin ko na lang ho ang kolehiyo at pagta-trabaho. Kailangan ko lang po ng trabaho, ginoo."

Ngumiti naman si Ginoong Gonzalo na tila nasa late 30s na pero mukha pa rin siyang binata sa pangangatawan at itsura niya. "H'wag kang mag-alala, nahanapan na kita ng mapapasukan. Iyon nga lang, Clara, ay sa bayan ng La Consolacion, Negros ang trabahong nahanap ko sa'yo. Sa mismong munisipyo ikaw ay magiging tagapaglinis. Ang magandang balita ko pa sa'yo, pwede kang maging iskolar ng munisipyo dahil mukhang maganda naman ang iyong mga marka sa sekundarya."

Napangiti naman ako sa huli niyang sinabi. Plinano ko pa naman na pansamantalang huminto sa kolehiyo para maka-ipon muna habang nagta-trabaho. Mukhang hulog ng langit ang pamamasukan ko.

"Salamat po, Ginoong Gonzalo." Masaya kong pasasalamat sa ginoo. "Pangako, gagalingan ko pa ho sa trabaho at sa pag-aaral." 

"Ah, hindi pa sigurado ang scholarship." Sagot naman ni Ginoong Gonzalo. "Isusuhestiyon ko pa lang ito sa mayor ng La Consolacion. Pero, sigurado na ang iyong trabaho sa munisipyo. Babalitaan na lang kita sa status ng iyong scholarship. Sa ngayon, mag-ayos ka na muna ng mga gamit mo at sulitin na ang mga araw sa pamilya mo dahil dadalhin na kita sa bayan ng La Consolacion. Sa katapusan ng linggo ay bumalik ka rito sa aking opisina para maihatid kita at makapagsimula na agad sa lunes."

Tumango-tango pa ako habang naluluha dahil sa wakas ay makakatulong na rin ako kay tatay. "Maraming-maraming salamat po talaga, Ginoong Gonzalo."

"Walang anuman. Ingat ka pauwi." Sagot naman ni Ginoong Gonzalo.

Lumabas na ako sa opisina ni Ginoong Gonzalo at masayang tinungo ang labasan ng ahensya. Ang akala ko ay mahihirapan akong makahanap ng trabaho dahil sa edad ko. Madalas kasi ay dapat tapos ka sa pag-aaral. Kaya kung gusto mong magtrabaho kahit hindi ka tapos sa pag-aaral ay pwede kang maging tindera sa maliliit na tindahan. Pero, ang gusto ko kasi ay iyong sa malaki ang kita at pangmatagalan na trabaho dahil kailangan kong tulungan buhayin ang pamilya ko kaya gusto kong mamasukan sa mga kumpanya.

Daddy Juan: El AdulteroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon